NI NOEL SALES BARCELONA
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 16, May 25-31, 2008
Naaalaala kita
sa humpak na pisngi ng obrero sa pabrika.
sa ulinig ko... naroroon ang tinig mo sa ingit ng makina
sa dalahit ng ubo ng nasunog na baga.
Nakikinikinita kita
sa dahon at uhay ng palay na hawak ng magsasaka
sa kalderong walang laman sa kubong munti
sa hagok ng tiyang humahapdi sa gutom.
Nababanaagan kita
sa anag-ag tuwing umagang mahamog
sa dalisdis ng mapagkanlong na mga bundok
sa putok ng mga baril na tangan ng mga Pulahan.
Nahuhulo kita
sa munting pag-asa ng maralitang nasa barung-barong
sa kanayunan man o sa kalungsuran o sa kaparangan
sa daluyong ng banal na galit ng mga binuhong.
Kahit ngayong wala ka na
kapiling pa rin kita, aking inaama
sa mga tulang mabalasik, magaganda
na binibigkas sa gitna ng Pambayang Digma.
Hindi ka malilimot ng puso
Aking Ka Bay...
Inilathala ng Bulatlat