Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Issue No. 20                        June 29-July 7,  2001                    Quezon City, Philippines







To receive regular
updates from  Bulatlat.com, send us your email address by clicking
here.


ITIGIL ANG WALANG KAPARARAKANG DEMAGOHIYA

Pahayag ng CONTEND hinggil sa pagtaas ng tuition fee sa U.P. 28 Hunyo 2001.

Nitong mga nakaraang araw ay muli na naman naming narinig ang salitang "demagoguery" na salitang kadalasang ginagamit lamang para sa mga politikong nakikisakay sa sentimyento ng masa. Kakaiba nga lamang ngayon dahil tila naghuhugas-kamay ang taong pinakahuling gumamit ng salitang ito sa pahayagang Forum (28 Mayo 2001).

Kahinahinala at napakalaki ang paratang ni Pangulong Nemenzo na ang pamunuan ng mga mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas ay kapos sa kritikal na pag-iisip at dumudulog na lamang sa demagohiya. Hindi rin naman niya aniya mapapatawad ang mag-aaral ng UP kung makikisama sa "demagogues who have very low estimate of their capacity for critical thinking, who presume that they would rather have inferior quality education than contribute a few hundred pesos more in laboratory fees."

Pansinin ninyo kung sino ang nagsasalita rito. Sino ba sa unibersidad na ito ang taun-taon, seme-semestre, linggo-linggo, at araw-araw ay ipinaglalaban ang batayang karapatan ng mag-aaral hindi lamang para sa mataas na antas ng edukasyon, kundi lalo't higit ng makatarungang matrikula? Walang iba kundi ang mga mag-aaral na direktang apektado nito.

Isa pa, hindi ito usapin ng iilang daang piso lamang. Biktima ng kakulangan ng kritikal na pag-iisip ang taong nagsasabing usapin lamang ito ng iilang daang pisong dagdag sa matrikula. Usapin ito ng pagkalinga sa karapatan ng mga mag-aaral nang walang minamatang halaga. Saksi kaming mga guro sa napakababang antas hindi lamang ng pasahod, kundi ng mga klasrum at mga kagamitan sa pagtuturo, pero ni minsan ay hindi namin naisip na ipasa sa mga estudyante ang mga suliraning ito. Ni minsan ay hindi namin inutusan ang mga estudyante para bumili ng whiteboard, o magpintura ng klasrum, o bayaran kami ng dagdag na pasahod…tutal kung sama-samang magbabayad ang higit sa isandaang estudyante ng bawat guro kada semestre, iilang daang piso lamang naman ang iaambag ng bawat isang mag-aaral.

Nabanggit din ni Pangulong Nemenzo na hindi nangangahulugang basta lamang ipinapasa ng administrasyon sa mga estudyante ang pasanin ng pagbayad ng dagdag na laboratory fee, bunga aniya ito ng mataas na halaga ng mga materyales sa laboratoryo. Naniniwala kami na hindi sapat na dahilan ang pasibong pahayag na ito, kahit pa nakasulat sa batas o nakaukit sa bato na responsibilidad ng estudyante ang pagbili sa sarili nilang kagamitan. Napapanahon na para lumampas sa mga limitado at burukratikong argumento gaya nito.

Wala ring kritikal na pag-iisip ang tao na basta-basta na lamang maniniwala na makatarungan ang anumang pagtaas ng matrikula dahil lamang sa siniguro sa kaniya na nagkaroon muna ng konsultasyon sa mga mag-aaral at karamihan sa mga ito ay sinabing sumang-ayon sa pagtataas.

Tandaan, ang konsultasyon ay mahalaga sa isang demokratikong proseso, pero nakasalalay ito sa uri ng konsultasyong naganap o sa pamamaraang ginamit. Halimbawa, may mga Kolehiyo na idinaan sa referendum ang konsultasyon kung saan bawat mapadaang estudyante ay papipirmahin kung sang-ayon o hindi sa napipintong pagtaas ng tuition fee. Kadalasa'y kasabay pang nangangampanya ang mga nag-aadminister ng referendum para sumang-ayon ang estudyante. Nangangahulugan na walang naging sapat na espasyo para sa diskusyon at walang naganap na pagtalakay sa mga implikasyong idudulot ng pagtaas ng tuition fee at ng minadaling referendum. Anong klaseng konsultasyon ito? Biktima ng walang kapararakang demagohiya ang naganap na tuition fee increase!

Sa sumusunod na pahayag ni Presidente Nemenzo lamang kami sumasang-ayon: "Hindi totoo na gagamitin ito (lab fee adjustments) sa mga sweldo ng guro;" "…raising tuition is the most unimaginative way to generate income."

MGA KAPWA GURO, MAKIISA SA BOYKOT, MAGPROTESTA!!!

TUTULAN ANG ANUMANG URI NG TUITION FEE INCREASE!!!

Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND)
University of the Philippines


We want to know what you think of this article.