Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Issue No. 29                       September 2-8,  2001                    Quezon City, Philippines







To receive regular
updates from  Bulatlat.com, send us your email address by clicking
here.


DEMOCRATIC SPACE
Bakit Kailangang Ipaglaban ang Makabuluhang Dagdag na Sahod Across-the-Board Nationwide at Hindi sa Regional Wage Boards?

Praymer na inihanda ng Kilusang Mayo Uno (KMU)

1.   Ano ang katayuan ng sahod sa lumalaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap?

BAKIT ang manggagawa nasa dampa, ang kapitalista nasa mansyon?  Bakit ang manggagawa kulang ng makakain, ang kapitalista lumalapa ng pagkain?

                Isang magarang kotse lang ng kapitalista o opisales ng gobyerno, tulad ng Ford Expedition na nagkakahalaga ng P1.8 milyon, katumbas na ay 23 taon ng pagsahod sa arawang minimum sa NCR na P250.

                Kung nasa Muslim Mindanao ka naman (may P140 na minimum), pinakamababa sa regional na pasahod na di-agrikultural, aabutin ka pa ng 41 taon bago matumbasan ang isang kotse lang ng kapitalista.

                Ganyan ang agwat ng sahod ngayon kumpara sa luho lamang ng mga nasa taas ng lipunan. Hindi naman natin pangarap na maging milyunaryo. Matustusan man lang sana natin ang batayang pangangailangan. Pero kahit ito, binarat pa ng wage boards ng gobyerno.

  2.  Ano ang regional wage board?

SAPUL nang ipatupad noong 1990 (mula sa panukalang batas ni Ernesto Herrera ng TUCP), ang regional wage boards ay naging instrumento ng pagpapaliit ng sahod sa bansa.

                Mula sa iisang antas ng pasahod, naging hiwa-hiwalay at pira-piraso na ang pagtatakda ng pasahod.

                Pabor ang wage board sa mga kapitalista, laluna sa mga dayuhang monopolyo na kumakamal ng limpak-limpak na tubo. Pang-akit ng gobyerno sa dayuhang mamumuhunan ang mababang pasahod sa bansa.

                Katunayan, sa pag-aaral ng gobyerno sa pasahod sa industriya ng manupaktura, hindi nalalayo ang pasahod ng mga dayuhang multinasyunal na kumpanya sa mga lokal na kumpanya. (Basic pay na P5,869/buwan sa multinational at P5,837 sa di-multinasyunal).

                Sa gitna ng di-malutas na krisis sa daigdig at bansa sa ilalim ng monopolyong kapitalismo, sadyang binago ang sistema ng pasahod (bahagi ng “pleksibleng” patakaran sa paggawa) para sa pagpiga ng higit na tubo. Kasama na rito ang kontraktwalisasyon ng trabaho at mga tanggalan.

                Dagdag na pasanin pa  sa manggagawa ang mga patakaran sa globalisasyon na ibayong ipinatutupad ngayon ng gobyernong Macapagal-Arroyo. Kabilang dito ang liberalisasyon ng puhunan at kalakalan, deregulasyon sa ekonomya, at pribatisasyon ng mga pag-aari ng gobyerno.

                Nasa ugat ng paghihikahos ng manggagawa at iba pang maralita ang imperyalistang kontrol sa bansa na pinapanatili ng kliyenteng estado nito. 

3. May maaasahan ba sa wage boards?

Tripartite daw ang wage board -- may kinatawan daw ang kapitalista, ang manggagawa at ang gobyerno. Pero dehado na agad ang manggagawa dahil sa pagpabor na rin ng gobyerno sa kapitalista. Ang “kinatawan” naman ng mga manggagawa ay mula sa mga dilawan at kanin-isdang unyon na tumatawad pa sa sahod ng manggagawa.

                Halimbawa, gusto ngayon ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ng P50 dagdag pero sa alawans lang at hindi sa basic pay.  Ang TUCP-LSM naman ay humihingi lamang ng P50 emergency cost of living allowance habang tumatawad P77 na dagdag.

                Kitang-kita sa rekord ng mga regional wage boards kung paano ipinapako sa lalong mababa ang pasahod.

Ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation, ang kakayanang bumili ng sahod ay lumiit pa. (Noong nakaraang sampung taon, may 51.3% ang minimum na P118 sa cost-of-living noon na P230.15. Ngayon ay 48.9% na lang ang sahod na P250 sa daily cost-of-living na P510.84 nitong Hunyo 2001.) Kung gayon, WALANG maaasahan sa wage boards!

4. Bakit kung sino ang lumilikha ng yaman, sila pa ang naghihikahos?

kung sino ang tuwirang lumilikha ng yaman ng bansa (kasama ng nakararaming magsasaka), tayo pa ang binubusabos sa lipunan.

Sa lahat ng puhunan (kapital) ang lakas-paggawa ang pinakamahalaga.  Kung wala nito, magiging tulog o patay ang makinarya’t pera ng kapitalista. Pero, sa kabila ng mahalagang papel ng paggawa sa lipunan,  patukang-manok pa ang pasahod ng mga kapitalista. Katunayan, ang sikreto ng kapitalistang pagsasamantala ay ang pagpiga ng pinakamalaking tubo mula sa manggagawa kapalit ng mababang pasahod.

Sagana sa likas na yaman ang bansa, pero naghihirap ang mga gumagawa -- sa mga minahan, plantasyon, pabrika’t iba pang empresa. Hindi makatarungan na alipustahin ang sahod na ikinabubuhay ng manggagawa.

 5. Paglabag ba sa karapatan natin ang mababang pasahod?

SALIGANG karapatang pantao ang mabuhay nang desente.  Pero ang kasalukuyang pasahod ay lubhang kulang para matamasa ito ng mga manggagawa’t kanyang pamilya.  Ayon mismo sa National Wages and Productivity Commission ng gobyerno, kailangan ng di-bababa sa P509 (Abril) para mabuhay nang sapat ang isang karaniwang pamilya. Wala pang kalahati nito ang pinakamataas na regional wage na P250 (NCR).

                Di-hamak na mas mababa pa ang pasahod sa mga kontraktwal at kababaihang manggagawa na dumaranas ng diskriminasyon sa trabaho.

                Bukod sa karapatang pantao, paglabag din ang mababang pasahod sa demokratikong karapatan na itinakda Constitution ng 1987 ukol sa pagbibigay ng estado ng “living wage” o makabubuhay na sahod sa manggagawa.

                Tungkulin ng gobyerno na galangin at itaguyod ang karapatang pantao at demokratiko ng mga manggagawa -- laluna ng isang gobyernong iniluwal ng People Power II.

 6. Makatwiran ba ang idinadahilan ng mga kapitalista ukol sa krisis?

TOTOONG may krisis. Totoong tumutumal ang negosyo at tumitindi ang kompetisyon. Pero ito’y kagagawan ng mapanakal na kontrol mismo ng mga kapitalista, laluna ng mga dayuhang monopolyong korporasyon at bangko.

                Naiipit ang lokal na negosyo, dahil sa liberal na importasyon, pagkitid ng pamilihan, pagtaas ng presyo ng langis, pagbagsak ng piso at kagipitan sa pautang dulot ng imperyalistang kontrol sa bansa. Ito’y nilalaban din ng mga manggagawa.

                Imbes na kontrahin, dapat pa ngang makiisa ang mga maliliit na negosyante sa pakikibaka ng mga manggagawa.

                Sa gitna ng krisis, hindi dapat isakripisyo ang manggagawa at sahod na ikinabubuhay. Wala naman tayong ari-arian, rekurso ni impok na salapi para pang-agapay sa panahon ng kagipitan. Bakit hindi mga kapitalista ang mag-adyas?

                Katunayan, sa 29 na milyong nagtratrabaho ngayon sa bansa, may 14 na milyon ang sahuran. Tungkulin ng gobyerno na protektahan tayo laluna na nga’t tuluy-tuloy ang krisis.

                Lutasin ang krisis. At huwag isantabi ang sahod ng manggagawa.  Ganyan ang dapat gawin ng gobyerno.

 7. Hindi ba makapipinsala sa ekonomya ang dagdag na sahod?

SA KATWIRAN ng kapitalista, “makapipinsala” sa ekonomya ang dagdag na sahod.  Sa sahod naman na tanging ikinabubuhay ng manggagawa at ng milyun-milyong pamilya, hindi.

                Sa mapagsamantalang ekonomya, masama talaga ang dagdag na sahod. Walang “mabuti” para sa kapitalista basta’t kabawasan sa tubo nila ang pinag-usapan.

                Katunayan, kakayanin ng mga kapitalista na magbigay ng dagdag na sahod.  Ayaw lang nilang mabawasan o magsakripisyo. Manggagawa lang ang pinagsasakripisyo.

 8. Hindi ba dapat unahin muna ang trabaho bago sahod?

HINDI dapat pagbanggain ang dalawa. Panlalansi lang ito ng kapitalista. Kapwa dapat asikasuhin ng gobyerno ang trabaho at sahod.

                Ang ekonomya ng bansa ay bumabagsak dahil na rin sa likas na mapagsamantalang katangian nito. Pinaghaharian ito ng magkasanib na pyudal at imperyalistang pagsasamantala. Tuloy, walang tunay na industriyalisasyon at nakatali sa atrasadong agrikultura. Dahil dito, maraming lumilikas mula kanayunan para maghanap ng trabaho. Dumarami ang maralita ng lunsod at nayon. Malala ang kawalan at kakulangan ng trabaho na nagpapababa pang lalo sa sahod ng manggagawa.

                Umaabot sa 4.5 milyon ang walang trabaho at 5 milyon pa na kulang ang trabaho.  May 15 milyon pa na pwedeng magtrabaho pero hindi ibinibilang ng gobyerno sa lakas-paggawa. Maraming kabataan-estudyante ang walang mapasukan kahit mag-graduate.

                Hindi totoong mawawala ang trabaho kapag nagtaas ng sahod.  Nawawalan ng trabaho dahil sa bangkaroteng ekonomya!

                Hindi naman pangmatagalang solusyon ang target ng gobyernong Macapagal-Arroyo na 1 milyong OCW sa abroad. Ang kailanga’y mag-industriyalisa.  Pero bago magawa ito, kailangang lumaya sa imperyalista at pyudal na pagsasamantala.

 9. Ano ang kagyat na kahilingan ngayon ng mga manggagawa?

IGINIGIIT ngayon ng mga manggagawa, sa pangunguna ng KMU, ang P125 dagdag na sahod, across-the-board, sa buong bansa. Iginigiit ito sa gobyernong Macapagal-Arroyo. Pinakamainam kung isabatas ito sa Kongreso.

                Hindi tayo umaasa sa inutil na regional wage board na dapat lamang ay buwagin na.  Bagkus, umaasa ang mga manggagawa sa militanteng sama-samang pagkilos, kaisa ang mamamayan, laluna ang iba pang maralita ng lunsod at kanayunan.

                Bunga ng pakikibakang ito, sumuporta na ang mga obispo ng simbahang katoliko at protestante sa kahilingang P125. Patuloy pang umaani ito ng suporta mula sa iba’t ibang sektor. Katunayan, nabuo ang  Wage Increase Solidarity (WINS 125) na pagkakaisa ng mga unyon, maralita, panggitnang pwersa, simbahan at iba pang sumusuporta sa P125.

                Bunga ng militanteng pakikibaka sa sahod ng mga manggagawa, lumakas din ang pakikibaka ng mga kawani ng pamahalaan, pati na ang mga guro at manggagawang pangkalusugan, para sa P3,000 na dagdag sa buwanang sweldo. Ang pagtaas sa sahod ay nagtataas din ng pangkalahatang antas ng kita ng mga mala-manggagawa.

 10. Ano ang kaibhan ng kahilingang P125 sa ibang mga panukala tulad ng sa TUCP-LSM at Lagman Bill?

Ang Petisyon ng TUCP-LSM sa NCR regional wage board ay tumatawad ng P77 at pansamantalang humihingi ng P50 sa alawans lamang -- na pwede pang iawas sa anumang dagdag na gagawin ng wage board.  Limos ang hinihingi nito sa inutil na wage board at tugma sa unang hirit ng ECOP (samahan ng mga kapitalista) na dagdagan ang alawans lamang hindi ang sahod.

                Ang Lagman Bill (HB 1377) naman ni Rep. Krisel Lagman sa kongreso ay nagtatakda ng “living wage” ayon sa Konstitusyon, bubuwagin daw ang regional wage boards, pero walang pagsasabatas ng aktwal na dagdag. Katunayan, kung hindi raw kayanin ng kapitalista, sasagutin daw ito ng gobyerno sa pamamagitan ng non-wage benefits -- na hindi totohanang dagdag sa sahod.

                Ang kahilingang  P125 ay totohanang dagdag at bahagi ng pakikibaka para sa isang makatarungang lipunan. Kung talagang nagmamalasakit ang TUCP at si Lagman sa manggagawa, dapat nilang itulak ang P125 na dagdag at huwag manlansi sa manggagawa at mamamayan.

 11. Ano ang halaga at papel ng pampabrika o pangkomunidad na pakikibaka sa kabuuang kampanya para sa P125?

TUWIRANG nagpupukaw at nagpapakilos sa malawak na bilang ng mga manggagawa’t iba pang maralita ang mga pampabrika at pangkomunidad na mga isyu’t pakikibaka.

                Halimbawa, binabarat na nga ang sahod, tinatanggal pa sa trabaho at sinusupil ang karapatan ng mga manggagawa. Ang pabahay naman sa maralita ay hindi matutugunan kung wala ring trabaho at maliit ang sahod.

                Ang mga isyung tulad ng dagdag na sahod, kita, trabaho, pabahay, edukasyon, serbisyo, at demokratikong karapatan ay kailangan at maaaring mahigpit na iugnay sa kampanyang P125.

                Ang masisiglang mga lokal na pakikibaka ay nagpapalawak at nagpapalakas sa kampanyang P125.

 Ano ang inyong magagawa para ipaglaban ang P125?

  • Sa mga pabrika, magdaos ng mga talakayan at mga aksyon tulad ng pagtitipon sa gate tuwing labasan

  • Pasiglahin ang mga lokal at pang-erya na pakikibaka sa sahod at paglaban sa kahirapan

  • Magdaos ng mga pagbabahay-bahay sa mga komunidad, talakayang-grupo at pulong-bayan kaugnay ng kahilingan

  • Magpalaganap ng mga polyeto, poster at banner ng P125

  • Magpahayag sa midya ukol sa makatarungang kahilingan

  • Kalapin ang suporta ng lahat ng kakilala’t kaibigan

  • Dumalo sa mga pulong, pag-aaral at pagtitipon

  • Lumahok sa mga pangmasang kilos-protesta

  • Abutin ang pinakamaraming unyon, samahan at komunidad


We want to know what you think of this article.