Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Volume 3,  Number 19              June 15 - 21, 2003            Quezon City, Philippines


 





Outstanding, insightful, honest coverage...

 

Join the Bulatlat.com mailing list!

Powered by groups.yahoo.com

Kay Kasamang Edi at Eden… 

NI ARMAN KATINIG

 

wag kang masyadong

mag-alala

mahal kong asawa,

kung inakala

mong naging mahirap

ang aking pagpanaw. 

katunayan 

halos di ko naramdaman

ang mga paso ng sigarilyo

sa aking hita.

higit akong naluha,

nang sumagi sa aking isip

ang mga tahanang

sinunog ng militar. 

kahit ang dalawang tusok

ng icepick sa aking batok,

ay naging madali

dahil inagaw ang kirot

nang ala-ala

ng mga matang dinukot

at tinapyas na leeg

ang hapdi nito.

 

di ko na rin pinansin

ang matigas na bagay

na ibinagsak sa aking

mukha.

kahit pa nga ikinadurog

ito ng lahat ng aking ngipin.

kahit halos magtalita

ang aking mga panga

at lumuwa ang aking mata. 

paano, 

higit na mas masaklap

ang mga di nabalitang

masaker, 

strafing,

pamumugot ng ulo,

ng kapwa mo rin magsasaka. 

 

ang mga di na natagpuang bangkay

ang mga inulilang anak

at nilisang tahanan

 

mahal kong asawa,

kung maari, wag mo nang

ipatak ang iyong luha.

 

ngayong gabi,

tiyak

magtitipon kayo sa isang parangal,

mag-aawitan,

magtatalambuhayan,

aalalahanin ang aking mga ambag.

sa huling pagkakataon magdudulot

ng kilabot

ang aking kabaong sa inyong harapan.

 

ngunit may hamon ang pagkahapis,

kukuyom ang inyong kamao sa iisang nais,

sa pag-awit ng Internasyunal

maaring di nyo mapipigilan

papatak ang inyong luha,

hahalo sa lupa,

sa lupang pinatakan ng aking dugo.

 

kung magkaganito,

maari ba mahal kong asawa,

tipunin mo ang kanilang mga luha,

 

ihulma sa hugis ng punglong

itinubog sa kumukulong asero

 

ipangako

mo ring iambag ang ating makikisig

at masisigasig

na anak

 

at sa dulo ng aking libing

ay ang sigaw ng makauring

paghihiganti

tungo sa kalayaan.   

 

29 Mayo 2003

 


 

Back to top


We want to know what you think of this article.