Patuloy ang Barikada
sa Hacienda Luisita
Ni
Gelacio Guillermo
Inilathala ng Bulatlat
Fellow strikers bid massacre victims goodbye
in a 6,000-strong
funeral march, with vows to fight for justice
Sabado ng
umaga, Nobyembre 20. Nakahimlay ang bangkay ni Jhaivie Basilio, 20 taong
gulang, sa harap ng Gate One ng Central Azucarera de Tarlac (CAT) sa San
Miguel, Tarlac. Isa siya sa
14 (at nadaragdagan pa) na pinatay noong hapon ng Nobyembre 16 nang
biglang lusubin ng mga pulis at militar ang nagwewelgang mga manggagawang
bukid na kasapi ng United Luisita Workers Union (ULWU) kasama ang kanilang
mga pamilya. Winasak ng isang APC ang geyt, binomba ng water canon (ang
tubig ay hinaluan ng pinagtabasan ng bakal), at pinagbabaril ng kanilang
M14, M16 at Calibre 30 ang mga welgista.
Ganito rin ang
ginawa sa mga manggagawang industrial, mga kasapi ng CAT Labor Union (CATLU)
na nakapusisyon sa looban, ilang metro lang ang layo sa Gate One.
May partikular
na mga hinaing ang dalawang unyong ito.
Ang kahilingan
ng CATLU ay ang pagdaragdag ng P150 sa kanilang pang-araw-araw na sahod.
Pero P12 lang daw ang kayang ibigay ng management dahil nalulugi
daw ang central sa palengke ng asukal.
Totoong ang
pangunahing produkto ng Hacienda Luisita ay ang asukal (na ang pangunahing
parokyano ay ang Coca Cola, Inc.). Pero
ang produksyon ng asukal ay may mga by-product tulad ng alcohol (na ang
pangunahing parokyano ay si Danding Cojuangco ng San Miguel Corporation),
carbon dioxide, yeast, mulasis at biogas.
Paano ito malulugi?
Sa kagyat, ang
kahilingan ng ULWU ay ang pagpapabalik sa gawain ng mga manggagawang bukid
na tinanggal sa gawain dahil sa hindi pagpayag sa alok ng management sa
pwersahang retirement (may gratuity pay at bonus na P50,000) ng mga
regular at seasonal na mga manggagawang bukid para mahalinhan sila ng mga
casual na lamang.
May mas malalim
na kahilingan ang mga manggagawang bukid, at ito ay ang pagpapatupad ng
tunay na reporma sa lupa sa asyenda.
Nang lumuklok
bilang presidente ng Pilipinas si Corazon Cojuangco- Aquino noong 1986,
ipinangako niyang ipatutupad ang ganitong reporma kahit sa kanyang asyenda,
pero noong 1988, nagbago ang kanyang tono: ipaiilalim na lang daw sa Stock
Distribution Program ang buong asyenda.
Ano ang
kalagayan ng mga manggagawang bukid bilang mga stockholder ng asyenda mula
noong 1989? Ang kanilang
pagtatrabaho ay nilimita sa isang araw (Lunes) bawat linggo, sa kitang
P194. Pero dahil sa mga
deduction para sa mga utang (rasyon ng bigas, educational loan, atbp.) ang
kita bawat araw ay umaabot lamang sa P9 o P9.50. Ang kasalukuyang tindig ng management ay: walang dagdag sa
sahod, walang dagdag sa bilang ng araw ng paggawa.
Ang Hacienda
Luisita ay may 6,453 ektarya. Ang
pinakamalaking bahagi nito, na sumusukat ng 5,400 ektarya, ay nakalaan
para sa tubuhan na umaani ng 200,000 tonelada ng tubo bawat kabyawan.
Ang tubuhan ay nasa pamamahala ng Hacienda Luisita, Inc, isa sa mga
entidad sa loob ng asyenda na nasa pangkalahatang pamamahala ng Cojuangco
& Sons, Inc. Ang iba pang entidad ay ang CAT, ang pinakamalaking
pabrika ng asukal sa buong Luson; ang Luisita Marketing Corporation na
namamahala sa kalakalan ng asukal at iba pang produkto ng asyenda; ang
Luisita Realty Corporation; ang Luisita Golf & Country Club; ang
Industrial Park; at ang Plazuela sa bukana ng asyenda.
Paano malulugi
ang ganito kadambuhalang korporasyon?
(Para sa
pangkasaysayang batayan ng kahilingan ng mga manggagawang bukid para sa
distribusyon ng lupa at pagtatakwil sa stock distribution option, tingnan
ang ilang sipi mula sa praymer, “Buhay at Pakikibaka ng mga Magbubukid
sa Hacienda Luisita” (1990)
Sa kasalukuyang
welga sa Hacienda Luisita, ang pinakainteresanteng pangyayari ay ang
sabayang pagkilos ng mga manggagawang industrial at manggagawang bukid.
Bakit hindi’y magkabuklod ang kanilang interes, buhay at
hinaharap sa asyenda?
Samantala’y
umaangal ang mga Cojuangco na simula noong Nobyembre 6, nawawalan sila ng
P7 milyon araw-araw dahil sa welga.
Sa paligid ng
Gate One, ang mga tubong sakay ng six by six at yaong nakatiwangwang sa
bukid ay lanta na. Nakaplastar
sa wasak na geyt ang mga islogan ng mga manggagawa:
“Cojuangco-Aquino, Berdugo, Ganid na Asindero!”
“Lupa para sa Nagbubungkal!” Labanan ang Sabwatang Gloria, Sto.
Tomas, Cojuangco!”
Sa gawing kanan
ng kinahihimlayan ni Jhaivie Basilio, nakatayo ang isang billboard ng
Hacienda Luisita: “You are now entering a factory that is friendly to the
environment! Be a friend too.”
Mapagkaibigan
sa kapaligiran ang Hacienda Luisita?
Pati sa kanyang mga trabahador?
(May mga tala
mula sa interbyu kina Ricardo Ramos, Manny David at Joey Romero, mga
upisyal na dalawang unyon.)
===================
Sipi mula sa
isang praymer (1990):|
Buhay at Pakikibaka ng mga Magbubukid sa Hacienda
Luisita
Maikling
kasaysayan ng Hacienda Luisita
Ang Hacienda
Luisita ay pag-aari ng mga Kastila bago ito napasailalim sa mga dayuhang
Amerikano na nangangasiwa ng Compana General de Tabacos de Filipinas (TABACALERA),
isang malawak na tubuhan. Noong
1957, isang grupo ng mga negosyante sa agrikultura na pinamumunuan ni G.
Jose “Don Pepe” Cojuangco Sr. ang nakipagnegosasyon sa TABACALERA
upang bilhin ang 6,453-ektaryang hacienda.
Noong unang
buwan ng 1957, kinausap ng dating Pangulong Ramon Magsaysay si G. Benigno
Aquino, alkalde noon ng Concepcion, Tarlac, upang kumbinsihin ang kanyang
biyenang si Don Pepe Cojuangco Sr. na bilhin ang Hacienda Luisita.
Ito ay para maunahan at maiwasang mapasakamay ang hacienda sa mga
Lopez ng Negros, kalaban diumano sa politika ni Pangulong Magsaysay.
Hindi lang pumayag ang mga Cojuangco. Hinangad din ng pamilya ni
Don Pepe na masolo ang hacienda at CAT nang hindi makasosyo ang kanyang
mga kapatid na sina Eduardo, Juan at Antonio.
Sa
pakikipag-negosasyon ni Don Pepe sa TABACALERA, tiniyak niyang ganap ang
kanyang kontrol at pagmamay-ari sa CAT.
Ang kasunduang
nilagdaan ng dalawang partido ay may dalawang bahagi. Una, ang pagbili ng
mga Cojuangco sa Hacienda na buong pag-aari ng TABACALERA, kasama ang
quota rights, fixed improvements at lahat ng mga kasangkapan at kagamitan
na nasasaad sa kontrata.
Ang pangalawang
bahagi ay nagsasaad ng pag-angkin ng mga Cojuangco sa karapatang makontrol
ang CAT o ang sugar central sa pamamagitan ng pagkuha ng maksimum na
106,424 (70%) sapi mula sa kabuuang stock na 151,890 sapi noong 1957.
Ang mga nabanggit na sapi ay pagmamay-ari ng TABACALERA at iba pang
mga indibidwal na nakabase pa sa Espanya.
Dagliang
nilakad ni Don Pepe ang pagpapa-apruba sa Bangko Sentral ng isang bagong
transaksyon at awtorisasyon para makahiram ng kinakailangang pinansya sa
mga institusyong dayuhan.
Noong ika-27 ng
Agosto 1957, inaprubahan ng Bangko Sentral sa pamamagitan ng Resolusyon
Blg. 1240 ang pagbili ng mga Cojuangco sa karapatang makontrol ang CAT.
Ngunit ito’y nagtakda ng ilang kondisyon tulad ng “…sa kalaunan,
kailangang maipamahagi ang hacienda sa mga kasama na magsasaka alinsunod
sa social justice policy ng pamahalaang Magsaysay.”
Kaalinsabay
nito, inaprubahan ng Manufacturer’s Trust Company of New York at Chase
Manhattan Bank ang paghiram ng mga Cojuangco ng halagang $2,128,489.00.
Bukod dito, pinayagan si Don Pepe na mangutang ng halagang P5.9
milyon sa Government Service Insurance System (GSIS).
Ang GSIS ay nagpalabas ng Resolusyon
Blg. 320 noong Nobyembre 25, 1957 at Resolusyon Blg. 356 noong
Pebrero 5, 1958, na nag-uutos sa mga Cojuangco na ipamahagi ang mga lupain
ng hacienda sa mga kasama nito matapos ang sampung taon.
Sa pamamagitan
ng pinansyang nanggaling sa mga institusyong nabanggit, napasakamay ni Don
Pepe ang kontrol at pagmamay-ari ng Hacienda Luisita at CAT.
Ito ay naganap
noong 1957. Dalawampu’t
tatlong taon na ang nakalilipas mula nang mabili ng mga Cojuangco ang
Hacienda Luisita, subalit wala ni isang ektaryang lupain sa hacienda ang
naipamahagi.
Ang
pakikibaka ng mga manggagawang bukid
Noong 1952,
kumilos at nagsimulang lumaban ang mahigit isang libong manggagawang bukid
mula sa dating labing-anim na barangay ng Hacienda Luisita.
Sila ay nagpahayag ng kanilang damdamin at pagnanais na maipatupad
ang programang “Land for the Landless” ni Pangulong Manuel Roxas.
Dalawang gabi at tatlong araw silang nagkampo sa Malacanang upang
hilingin ang pamamahagi ng mga lupaing nasasakupan ng Hacienda Luisita na
noon ay pag-aari pa ng TABACALERA. Subalit
ang mga lupain sa anim na barangay lamang ang naaprubahan at binili ng
pamahalaan. Ito ay ang mga barangay ng Comillas, Sierra, Dumarais, Ungut,
Buenavista at San Miguel.
Bagamat nabigo
ang sampung barangay sa kanilang kahilingan, hindi pa rin tumigil ang
kanilang pakikibaka. Maraming
paraang ginawa ang mga asendero upang sawatahin ang pag-aalsa ng mga
manggagawang bukid tulad ng pananakot, pagpatay at panunulsol sa ibang mga
lider.
Noong 1967,
kumilos ang mga mamamayan sa pamumuno ni Bgy. Cpt. Cecilio Sumet ng
Motrico upang hilingin sa gubyernong pilitin ang pamilyang Cojuangco na
ipamahagi ang Hacienda Luisita. Subalit
noong Disyembre 2, 1967
si G. Sumet ay dinukot at pinatay. Dahil
sa pangyayaring ito, nawalan ng sigla at nanghina ang mga manggagawang
bukid.
Noong 1977, sa
tulong ng ilang organisasyong pangmagbubukid, muling kumilos ang mga
manggagawa sa pamumuno ni G. Bonifacio Navarro.
Siya ay gumawa ng petisyon na nilagdaan ng 90% ng manggagawang
bukid sa Hacienda Luisita sa pamahalaan ni Pangulong Marcos upang muling
igiit ang pagpapatupad ng Resolusyon BLG. 1240 ng CB Monetary Board. Dahil
sa ganitong pagkilos, napilitan ang pamahalaan na magsampa ng demanda sa
pangunguna ng Central Bank, Department of Agrarian Reform at Government
Service Insurance System laban sa pamilyang Cojuangco.
Pagkaraan ng limang taong paghihintay, nagdesisyon ang korte sa
ilalim ni Judge Bernardo Pardo, Branch XLIII ng Maynila na ipamahagi ng
ang mga lupain ng Hacienda Luisita sa mga manggagawang bukid.
Nag-apela ang pamilyang Cojuangco.
Nang mailuklok
si Pangulong Cory Aquino, natigil ang paglilitis sa dahilang hindi na raw
interesado ang pamahalaan na ipaglaban ang kaso.
Ipaiilalim na lamang daw ito sa Stock Distribution Program ng
Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) o Republic Act No. 6657 (1988)
Sa kasalukuyan
[1990?], patuloy na nakikibaka ang mga manggagawang bukid ng HLI hinggil
sa usapin ng stock distribution. Iisa
pa rin ang kanilang hiling: ipamahagi ang HLI sa mga magbubukid na siyang
mas may karapatan dito.
BACK TO TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2004 Bulatlat
■ Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified. |