This story was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. IV, No. 43, November 28 - December 4, 2004 


 

TULA (POETRY) 

Bawat Butil ng Palay ay Buhay

Ni Victor Bisperas
Inilathala ng Bulatlat

Nanghahalina ang hiwaga ng tinapay

Ang kanyang halimuyak ay kumakaway,

Nakapagpapa-ibig ang kanyang matipunong bisig

Katakamtakam ang kanyang matikas na tindig.

Siya ang nagpanday sa kamao ng magsasaka ng trigo,

Silang ninakawan ng kalayaan sa kanilang bayang

sinilangan

Ngayon ay panadero sa makulimlim na bansa ng Holland.

 

Ngunit nakapananabik ang kasimplehan ng kanin,

Ang kanyang puti ay ang budhi

ng magsasakang walang dungis;

Buong tiyaga na nag-alay ng pawis sa palay

Buong tapat na kumalinga sa lupa

Para sa susunod na henerasyon.

 

Ang bigas na nagdurugtong sa aking pusod

Sa bayang Pilipinas, aking pinag-ugatan

At sa kinabukasan ay paghihimlayan.

 

O gintong palay, halaga mo‘y walang kapantay

Ilang sikmura ng henerasyon ang iyong binuhay,

Ilang hapag-kainan ang dinulugan ng iyong linamnam.

Nakapananabik ang iyong hinahon

Sa kundimang awit mo sa mga pilapil

Ang marikit na pag-indak sa mga pitak,

At ang halimuyak ng iyong kabuwanan

Ay nagpapaalala sa aking lupang sinilangan.

 

Ang aking pagka-destiero sa lupang banyaga

Ay dahil sa pagnanais na kalingain ang lupa

At dito ipunla ang lipunang walang timawa

Sariwa sa habambuhay, baon ko sa hukay.

 

Nakapangangamba sa bawat pamamahinga

Ang pag-aalay ng buhay na sa iyo dinadahil

Ng mga kapatid kong magbubukid sa Lupao

Nag-alay ng sustansiya sa lupang sinusuyo.

Nakapag-papaigtad ng bughaw kong dugo

Ang mga ala-ala ng bisig at talampakang nangaupos

Sa makasaysayang tulay ng Mendiola

Sa tarangkahan ng tanggapan ng panginoon.

Nakapag-ngitngit ang halakhak ng balita,

Na dinilig ng dugo ang Hacienda Luisita

At ang hayok na makina ng kanyang Asukarera

Ay ginatungan ng laman ng aking mga magulang.

O palay, o bigas, o kanin ng aking buhay,

Sa ibutod ng iyong sinapupunan isisilang

Ang mga kamaong babaklas at dudurog

Sa kaharian ng panginoong sa iyo naglugmok.

Babaha ang mga dugong sa lupa idinilig

Kakalusin ang berdugong sa magbubukid sumibasib.

Ang kaganapan mo ay magluluwal

Ng isang lipunang kakalinga

Sa naghahasik ng buhay

At nagbubungkal sa lupa.

Ang minimithing ating muling pagniniig

Ay aking pakaaabangan sa silangan

Upang dito hintayin ang hudyat

Ng pagsilang ng iyong mapagkalingang lipunan

Upang akoy permanenteng humimlay sa kandungan

Ng  pinaka-iibig nating inang bayan.

Nobyembre 23, 2004
Bulatlat

 © 2004 Bulatlat  Alipato Publications

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.