This story was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. IV, No. 43, November 28 - December 4, 2004 


 

TULA (POETRY) 

 

Diskurso ng Estado

 

NI JOI BARRIOS

 

Kalimutan nating may patay.

Sa halip, magngumiyaw:

"Ang welgista ang unang nambato

Kaya nagpaputok ang sundalo."

 

Kalimutan nating labing-apat ang ngayo'y nililibing.

Sa halip, maghanap ng ibang sisisihin:

"Nasulsulan lamang sila ng taga-labas

Kaya ang nag-aklas, at siyang bumulong, barilin nang lahat."

 

Kalimutan natin ang kanilang pinaglaban.

Ang kasaysayan ng lupa,

Ang salaysay ng dalita:

"Isisi ang naganap sa komunista,

Sa isipan, panatilihing tanga

 Ang magsasaka."

 

Ito ang laman ng diyaryo,  

Ang palabas sa telebisyon.

Ang diskurso ng estado.

 

Pagkat ngayo'y paghihiwalay ng panig.

Saan titindig? Ano ang matwid?

 

Kung tayo man na sa burol dumalaw

Kung ang kamay man natin na nakiramay,

At ang puso na nakiluksa

Ay ipinta nilang pulang-pula

Isuot natin ang kulay ng dugo

Nang may dangal at taas-noo.

 

Batid natin ang totoo: Ang estado na dumudura

Sa puntod ng magsasaka

Ay estadong may pangamba

Na may mundong babaligtad

Sa sandali ng pag-aklas!

 

Joi Barrios, Congress of Teachers for Nationalism and Democracy

(CONTEND-Alliance of Concerned Teachers)

Bulatlat

 © 2004 Bulatlat  Alipato Publications

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.