This story was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. IV, No. 43, November 28 - December 4, 2004 


 

TULA (POETRY) 

Katas ng Tubo
(Alay sa mga napatay sa Hacienda Luisita) 

Ni Tata Raul G. Funilas
UP-Diliman 

Tanging ikaw lamang ang pamana ni Apo,

Sa paninigasig mo nabubuhay ang aming buhay,

Sa tuwing tumatawing ang iyong lunting dahon;

Sa tuwing humahagahas ang hishis ng iyong halas

Sa tuwing naninigasig ang iyong katangkaran.

 

Hindi alintana ang kati, hapdi ng aming katawan,

Hindi pansin ang lintos at lapnos ng sakong at palad;

Hindi pinapapasok ang pusok na nasa dibdib.

 

Dahil ang daloy ng iyong katas

Ay lagi at laging nagsisilbing

Pukyutan ng aming mga punggok

Na pangarap.

 

Subalit habang nalalagtas ang luoy mong dahon,

Habang iniipit ka ng gumigiyagis na bakal

At pumapatak ang matamis mong katas;

Inaangkin kang lahat

Ng aming among pinagsasakadahan.

 

Ang nalalagtas sa ami’y luha ng pangarap,

Ang naluluoy sa ami’y ang bikil at balagat;

Ang kumakatas sa ami’y isang balumbong along pawis.

 

Ngayon, ang sa iyo’y nagmamahal na sakada’y

Binababag ng bagabag ang lumigwak na utak,

Pulang dugo’y  kumatas at pumatak;

Upang ang tigang na lupang ipinangako’y

Madilig ng aming sariwang dugong natigmak.

 

Dito sa aming lupang sinilangan:

Ang Hacienda Luisita.

Nobyembre 20, 2004

Bulatlat

 © 2004 Bulatlat  Alipato Publications

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.