This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. IV, No. 44,
December 5-11, 2004
TULA (POETRY)
Sa pagitan nang dalawang bayan
Ng Gabaldon at Dingalan.
Sa Gabaldon ang barangay Pinamalisan
At barangay Tanauan sa Dingalan.
Malalaking bato’y matatanaw
Sa pisngi ng bundok Tapao,
Na nalilimbagan ng talata sa Bibliya;
Mistulang prayer mountain sa eden.
Pagbungad mo pa lamang sa bukana,
Kung patugpa kayo sa barangay Caragsakan.
Isang tanawin ang sa puso mo’y magpapapitlag,
Unsod na bulong at tiyak na mapapakalatak;
Isang bungkos at libong tangkal na paghanga
Ang ipupukol sa tanawing naglililang Dagat-Pasipiko,
Isang paraisong nakatago sa silong ng langit.
Isang paraisong nakatago at itinago,
Ng mga salanggapang na mamumuhunan;
Upang itago ang pagpapabara at pagtutumba
Sa mga pinulpol at tinatal na malalabay na troso.
Nabunyag sa lahat at nabantad
Ang paraisong hinamog at nabantod
At kinalambre sa ginaw ang puyat na magdamag.
Ang iyak ng langit ang nagbunyag,
Pinilit nitong ibuhos ang rehas na luha;
Upang makita ng hinihingal na gobyerno
Ang katampalasanan ng patakarang patangkaran.
Umiiyak ang Dingalan, ang naitagong paraiso.
Tata Raul G. Funilas
Disyembre 3, 2004
Bgy. Caragsacan, Dingalan, Aurora Province
© 2004 Bulatlat ■ Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.