This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. IV, No. 45, December 26, 2004 - January 3, 2005
TULA
Tulang alay sa Pitong Gatang
(kay FPJ)
Ni Richard R. Gappi
Ang dulo ng iyong imortalidad
ay nasa balotang binalasubas.
‘Di mabilang ang ‘di nabilang
na pangalan o alyas dahil binura
at nilapastangan ang iyong katauhang
patibay sa iyong pagsilang ng iyong kaakuhan.
Ano ang iniikot ng kanilang mga pwet?
Ang mawala sila sa upuan ng kapangyarihan?
Pero sino ang nagtatakda ng mananahan sa Malacañang?
Sa kasaysayan ng iilan, sila lamang ‘yung iilan.
Ngunit sa batas ng kasaysayan, sila ang naghatid sa iyong libingan –
silang amoy-pawis at hindi cologne at alcohol,
silang balot ang palad ng kalyo at hindi ng brilyanteng ginto,
silang mga walang pangalan.
At nakita nila sa iyo
ang kanila ring nawawalang apelyido
sa telon ng makukulay na pagbabago,
ng bahaghari ng iyong pagiging hari.
Dahil ito ang sumpa sa ating bayan:
hanggang nakalugay din ang telon ng pelikula sa pulitika,
binabalakubak din ang peluka.
At ang bentahe mo lamang sa kanila,
nauna mong makabisa ang kiliti ng masa.
Natutuwa sila pagkahupa ng galit.
Dahil sa panahon ng poot at pag-ibig,
ang masa ay hindi nauubusan ng pag-asa.
(Angono, Rizal
23 Disyembre 2004)
© 2004 Bulatlat ■ Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.