This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. V, No. 2, February 13-19, 2005
BYAHE
Pagpasok din ang paglabas,
kaya’t nang tumikom ang pinto ng bahay
matapos kang maghabilin,
magpaalam
sa mga kasamang iiwan sandali,
bumukadkad na mirasol
ang mundo sa labas, umiigkas na ngiti
kahit sinusuwag
ng kombatbuts
ang bangas na araw: hanging tumatahip, kambat ng ligasgas,
ligamgam ng yapos
na ang anas na salubong:
pumaloob
sa ubod niyang nagpupuyos,
danasin ang pusag
ng utak at puso na sinasalisod ng itim na noo
sa aspalto, burak, lansanga’t pilapil:
yagit, ipa, kalyo
at basahang kinukulob,
binubulok
sa karsel ng gabi’t huklubang tagsalat.
Sa muling pagpupog
ng paa sa lupa, ano na’ng manlagkit sa taing-kalabaw?
Ano ba’ng paminsanminsan ay madulas,
tulad ng sinapit
ng isang kasamang di nakapanimbang,
dumausdos,
at tihayang lumagapak
sa putik ng pitak? Sa pangil at kukong inalpasang tiktik,
ano na nga ang mahindik?
Habang malayo ka sa mga nilisan,
naging matalik mong kabigkis-hininga ang mga dinatnan.
Ang simula’y sunudsunod na pakilalanan
hanggang sumabukay sa balintataw mo, parang bagong bukal
na biglang bumulaga
sa paglusong-ahon sa burol at patag:
hindinghindi natatapos
ang pagtuklas,
ang paghahalukay at ang paggalugad,
muli’t muling sinisino
ang bawat masanggi
o mabangga
ng pandama at sintido.
Sapupo ng dampa
o sa lilim ng pergola,
kumustaha’y tigib ng init at giliw:
sa salimbay
ng alyas, ng samutsamot na salaysay,
tumitibok na luningning
ang mga anino na sa kadawaga’y kailangan magkubli
para maitanghal
ang dila ng araw sa bibig ng karbin:
magtatapas, magkokopra,
aktibistang masa, peryodista, kuryer,
kadre at gerilya.
Anong klase ito ng bato, at itak wari kung umiwa?
Kalpi ito, hidni dayap,
hindi kalamansi
pero kauri din, pinsan ng sinturis,
lukban, kahel;
Ito nama’y lubilubi,
akala mo’y gabi, at kapag naluto’y masarap na laing
lalo kung may halong tuyo o tinapa.
Alin ang Colt,
ang Smith & Wesson? Ito ang armalayt,
ang masinggan,
at nagpakilatis ang iba pa:
grenade launcher, Garand…
At ang mga ito’y hindi lang pangalan,
hindi lamang bansag:
laman ay ganito ng ganitong balat
at kasanib
ang hilatsa, lasa, laki,
kulay, hugis,
tunog, bigat, amoy.
Kahit ka pa nakapikit,
ipaghalimbawa, bakit malilito
ang ilong mo’t ngalangala:
kamoteng-bagin ba o kamoteng-kahoy?
Si Amado iyon at hindi si Perding: sa bahaw na boses
na ang hinihimig ay ang sulak, mithi
at pag-asam
ng laksang duhaging kapwa anakpawis,
sinabi niyang buong-tatag
na bukas-makal’wa, itaga sa bato,
at atin na’ng lupa’t tubig:
minahan, plantasyon,
trosoha’t sabana na sagpang ng barnwayr,
lawa’t bai
na ngayon ay hamig ng dolyar at pisong namamalikaskas
sa pulbura; noong Lunes
ng linggong nagdaan, umagang-umaga,
pinamunuan niya ang tagumpay na reyd sa kampo ng PC,
at ang sona’y kapuluan
na nagbunyi.
Walang wakas
ang dalawang linggo,
munting baryo’y buong bayan:
karagatang ilog,
duro ngunit tarak, bulong na dagundong,
dingas ng amihan
at ng hamog,
mahinahong alimpuyo
sa yungib ng dibdib na agaw-liwanag,
naghuhunos na ulirat.
Pagbungad mo, lagi, may bagong larangang iyong sinusuong.
http://romulosandoval2.blogdrive.com/archive/
© 2004 Bulatlat ■ Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.