TULA (POETRY)
Hadlangan! VFA!
This poem was written
by Gelacio Guillermo in 1998 in the heat of the debates on the Visiting
Forces Agreement (VFA). Written in Filipino, this creates scenarios if the
VFA were approved, a decision that the Philippine Senate eventually did in
1999. The recent case of the alleged rape of a young woman by six American
soldiers in Subic, Zambales and the rape survivor’s quest for justice
validate the points raised by the author, a former professor at the
University of the Philippines (UP). The poem was first read on Sept. 4,
1998 at the UP Diliman campus during the launch of the Junk VFA Movement.
BY GELACIO GUILLERMO
Posted by Bulatlat
The G.I.s (government issue o sundalong
Kano at Kana) were willing to travel far away and give their lives, if
necessary, to secure the rights and freedoms of others.
– Gen. Colin Powell (1999)
When you can kill the hell out of them
there, goddamn, you feel real good.
– Maj. Gen. James Hollingsworth (Byetnam,
1972)
Kill and burn – this is not time to
take prisoners – the more you kill and burn, the better –
Gen. Jacob Smith (Pilipinas, 1901)
Sinasabi nila, “Okey ang VFA”
Sabi naman natin, “Junk! Junk! Junk VFA!”
Si Erap, si Siazon, pati na si Orly’y
Kampi sa idea ni Clintong U.S.A.
Sa kasunduan daw ang makikinabang
Ay ang bayan nati’t mga kababayan
Ililigtas tayo sa sinumang dayuhang
Magbalak kamkamin ang ating kayamanan
Protektado tayo ng mga bisita
May bapor nukleyar, fighter planes at
bomba
At hindi lang iyan, komersyo’y gagana
Dahil sa R and R, tiyak na may kita
Kay kitid mag-isip nitong mga lider
Inuuna muna kusina’t pridyider
Sunud-sunuran sa utos ng kumander
Ng Pacific Command, ang bulldog na Prueher
VFA, VFA, ano nga ba ito
Kundi isang sungay ng imperyalismo
Para tumagal pa pagpopoder nito
Sa saklaw ng rehiyong Asya-Pasipiko
Kung sa ekonomya’y may globalized
APEC
At sa pulitika’y mayro’ng mga papet
Sa militar naman ay may mga base’t
Tropang Amer’kanong sanay manibasib
Sa mga eksersays kasama raw nila
Ang mga sundalo nitong ating bansa
Sasanayin sila batay sa doktrina
Ng imperyalismong gahama’t masiba
Sa gera-gerahan, tuturuan silang
Maniktik, lumusob, tumudla’t mambomba
Sakay ng submarin, war planes, salbabida
Sa tunog ng kanyon, walang pagkailang
Mainam siguro kung ang pagsasanay
Ay para humusay ang pwersang militar
Sa pagtatanggol ng ating kasarinlan
Laban sa anumang agresyong dayuhan
Pero ang totoo, ang mga sundalo’y
Gagamitin lamang pambala sa kanyon
Ng imperyalismong may sariling layon
Para patatagin ang poder sa reh’yong
Asya-Pasipiko, kasabwat ang Hapon
Kontrolin ang dagat, lupa’t himpapawid
Pagkat ito raw ang poder sa Pacific
N’un pa man at hanggang sa siglong kasunod
Sino ang kaaway na minamanmanan?
Dati’y Rusyang Sobyet, ngayon nama’y Tsina
Minsan nang nanakot nang imaniobra
Ang bapor panggera sa kipot ng Taiwan
Isa’y Independence, himpila’y sa Japan
Isa pa’y ang Nimitz, galing ng Hawaii
Dalawang modernong bapor de nukleyar
Lulan ay fighter planes at tropang
pampatay
Tayo’y idadawit sa labanang bago
Ng superpawer sa ating mundong ito
Ang gera patani kung magkatotoo
Sinumang manalo, tayo’y talung-talo
Kalaban ng iba’y kalaban mo na rin
Kahit sa sarili’y walang kaya mandin
Umaastang siga tulad ng salaring
Namber wan sa mundo salang paninikil
At maasahan ba talaga ang tulong
Kung sakaling tayo’y gantiha’t lupigin?
Noong Second World War, sa Sydney nagtuloy
Si Douglas MacArthur, baya’y inihain
Sa mga Hapones, kaya’t tatlong taong
Tayo’y kinulata, binomba’t ginutom
Hanggang ang Maynila’y sintulad ng Warsaw
Sa pinsala, may aid ba sa rekonstruksyon?
Oo nga’t ang mga base’y nawala na
Pero Mutual Defense nananatili pa
Tratadong patuloy na nananalasa
Sa ating lupaing lugmok na sa dusa
VFA ay isang anak lamang nito
Para protektahan ang sundalong Kano
Sakaling mahuli sa kriminalismo
Ay di malilitis ng ating husgado
Paano nga naman ang mga biktima
Kung di mabibigyan sapat na hustisya
May laya ang Kanong gawin lahat nila
Lapastanganin man ating soberanya!
At hindi lang ito: saanmang daungan
Piliing magbase para magpasarap
Tiyak maghahanap ng magagahasa’t
Mapaglilipatan ng sakit at malas.
Bukas sa kanila ang dagat, pier, airport
Kalupaan, himpapawid, pati bundok
Isasapanganib ang lahat ng sulok
Dahi sa nukleyar, buhay nati’y lagot
Nawalan ng base, heto’t bumabalik
Ang sundalong Kano, bisita lang kuno
Pero kung umasta, ay! anak ng lintik!
Parang kanila na ang lahat ng pulo
At hindi lang pulo, pati mga puno
ng bayang mag-isip ma’y para ring Kano
Na ang inuuna’y ang galing ng dayo
Kaysa ang interes ng mga kadugo
Bukod sa VFA, nariyan ang ACSA
Dala ay listahan ng mga paninda
Modernong ‘roplano, riple, bapor, bomba
Modernisasyon daw ng ating puwersa
At ang forward basing nama’y magbibigay
Ng kapangyarihang bumase saanman
Para sa kanilang gera sa dayuhan
Sa Asia-Pacific o sa Middle East man
Wala na ang base, ano’t papayagan
Nating mamayagpag muli ang gahaman?
Wala itong dala kundi kahirapan
Di ba’t Okinawa’y pulubi ng Japan?
Laging tatandaan: noong Second World War,
Kung saan naroon ‘Merkanong militar
Tiyak iyong target ng kan’lang kaaway –
Pearl Harbor, Clark Air Base, Subic at
Bataan
Ang sabi ni Erap, VFA okey lang
Siguradong hatid nito’y seguridad
Malayo pa’ng laban, Kano’y tataliba’t
Handang umupak sa sinumang kalaban
Kaya’t tuloy lamang ang sarap ng buhay
Tulog ma’y mayroong bulldog nagbabantay
Pero sobra na ang ating Pagkalingat
Di ba’t ang ‘Merkano ay bantay-salakay?
Kaya nga’t tutulan nang ubod ng lakas
Ang mga pakana’t baluktot na balak
Ng imperyalismo na magpapahamak
Lalo sa atin ngang kalagayang palpak
Ating ibasura ang salot ng bayan
At mga tratadong sa ati’y pampatay
Atin nang igiit kalayaang tunay
May sariling bait, marangal mabuhay
Posted by Bulatlat
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2005 Bulatlat
■
Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.