This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VI, No. 14, May 14-20, 2006
TULA (POETRY)
Patawad Bayan at Kita’y Nilisan
NI RAUL FUNILAS
Inilathala ng Bulatlat
Ipagpatawad mo Bayan at
kita’y nilisan,
Upang balo’y dukalin sa Gitnang Silangan
Ang mabangong Riyal. Libong katanunga’y
Bakit pa umalis kung talagang minahal
Ang sariling bansang may ginto ring lantay?
Huwag maghinanakit kung saang lupalop
Ako ay lumayo. Hayaang hanapin ang bilog
Na pag-asang hindi nakita at sana’y nasaklot,
Upang ipamugong sa kalam ng tiyang makirot;
Ay! Banyagang bansa’y gustong ipagbantog.
Hindi mo ba alam na ang inihunta’y lumang
Aparador na ang nasa loob ay tudyong salita?
Manangis ka Bayan! Dahil ang nagpapasasa
Ay ang malalapit sa nililok na gintong banga!
Na hugong-balitang isang birhen ang gumawa.
Bayan ko! Ako’y patawarin sa aking pag-alis,
Hayaan magsanga ang landas ng binging daigdig –
Bago ko balikan ang lantay mong gintong kinupit,
Inumit, isiniksik sa kaban ng tipan sa sariling silid
Nitong mga gunggong na sa pamahalaan ay ganid.
Sakaling mapugto ang hininga ng yutang gahaman
Doon sa palasyo, uuwi rin ako o mahal kong Bayan.
10 Mayo 2006
© 2006 Bulatlat ■ Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.