TULA
(POETRY)
Minsang Ako'y Humibik
NI REY TAMAYO, JR.
Inilathala ng Bulatlat
May maipapakinabang ba ang isang tulad ko
na sa kabila ng nagdudumilat na katotohan
ay pilit namang idinidiin sa salang hindi
ko kailanman ginawa
at sa hinagap ay hindi man lamang sumagi
sa akin ang mang-agrabyado ng kapwa tao.
Ang kapalit ba ng pagtulong sa kapwa
ay wari bang isang sumpa ng kamatayan
na malagim pa sa pagpapatiwakal?
Anupa't sakali, ako'y hahatulan ng
pagkabilanggo
odili naman kaya'y ng kamatayan.
Ang inyo bang mga labi ay ngingiti
at sa kalauna'y hahalakhak sa tagumpay na
inyong nagawa?
Kahimanawari'y hindi mapigtal
ang umaandap-andap na liwanag
na nagsusumikap na pumawi
sa nakagigimbal na namamasdang dilim.
(Lumabas ang di-mapigilang mga luha sa
aking mga mata
at tuluyang dumaloy sa pisnging
nangungulila,
habang marahang itinataas ang aking
mukha at iginala ang paningin.)
Tangi nga bang mga luha na lang
ang magsasabi ng katotohanan sa gitna na
kawalang-malay?
Sa dahilang ang malakas kong pagsigaw
ng katarungan ay unti-unti nang
pumapanglaw.
Umid na rin ang paos kong tinig sa
paghiyaw
sa animo'y ilang na dako ngunit sa
katunayan
ay di mabilang na taong kumukubli sa
kasinungalingan.
Mga taong ipinipihit ang kanilang pakinig
na waring ang kasiyahan ay makinig ng mga
katha,
mga paningin na ibig sumaksi sa kabulaan.
Ganito ang gawi ng maraming tao sa
kasalukuyan.
(Panandaliang idinampi ko ang dulo ng
kapirasong panyo
sa nangangalumata kong mga mata)
Sana nga'y makatanggap ako ng tunay na
hustisya.
Inilathala ng Bulatlat
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.