This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VI, No. 2, February 12-18, 2006
TULA
(POETRY)
Posted by Bulatlat © 2006 Bulatlat
■
Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
LOLITO R. GO, JR.
Inilathala ng Bulatlat
Sangkap sa gayuma:
Isang kutsaritang katatawanan
Dalawa't kalahating bote ng nimpas
Isang tableta ng harana ni Lito Camo
Tatlong bayong ng mga hilaw na pangako
Gayuma'y para kanino?
Para kay Pedrong nagpapagal at napupuyat
sa pamamasada
habang kumakaskada ang laway
ng pagnanasa
sa hiwaga ng ideyang biglang-yaman
Para kay Mariang mamad na ang mga palad
sa paglalaba
habang umaatungal ang mga anak niyang
mulagat na
sa pagdadalang-bulatI't kabag
Para sa mga panatikong paboritong ulamin
ng mga pulitikong
bukambibig ang pagbabago at paghahango
sa mga natubog
sa pusali ng karukhaa't kamangmangan
Para sa mga taong kinakagat ng ulol na tadhana
at kinakasta
ng kamalasan habang sinasampal pa ng mataray
na demokrasyang
iilan lang talaga ang kinikilala
Bisa ng gayuma:
Laksa-laksang isdang walang palaypay
sa laot ng agaw-buhay na pangarap
Laksa-laksang ibong walang pakpak
sa alapaap na nagbabadya ng ulan
nagkaumpuga't nagkabalyahan
pasugod sa tarangkahan ng ginayumahang
bitag!
Masusumpungan din nila ang langit,
sa wakas!
Sino'ng masisisi?
Ika-5 ng Pebrero, 2006
kinaumagahan matapos ang Stampede sa ULTRA