TULA (POETRY)
Arestuhin si Gloria upang Makaglorya
NI RAUL FUNILAS
Inilathala ng Bulatlat
Ang amin pong bayang sintang Pilipinas
Ay nasa Silangang kayrami ng perlas;
Kaylawak ng dagat ang sabi’y maunlad
Subalit mag-ingat sa b’wayang nagkalat.
Kahit sa baranggay may utong Kapitan,
Ang utos ni Meyor hindi sinusuway;
Kapag may proyekto kindata’y salimbay
Kaydaling panaho’y kayganda ng bahay.
Tayo ay pumaron sa probins’yang liblib,
Mahabang kalsada’y bakit ba tagilid?
Bulong ng Governor malaki ang kupit
Ng tusong Kongresman na kanyang kagalit.
At dumako tayo doon sa Senado,
Panay ang bangayan ng sira ang ulo;
Walang nagagawang batas nitong taong
Nagutom, nagbili ng iisang boto.
At ang gabinete’y panay lang ang tango,
Minsa’y natutulog sa pagkakaupo;
Daig pa ang isang taong grasang sinto
Huwag lang magpatlang ang baha ng ginto.
Ang militar nama’y may ibang eksena,
Di naman artista’y sige ang pagbomba;
Saka magbibnintang sa kilusang masa
Upang may dahilang ituloy ang g’yera.
At ang kapulisa’y laging nanggigipit,
Ayaw magbigay sa rali ng permit;
Ang laging dahila’y baka makasingit
Tropa ni Bin Ladeng may granadang kapit.
Lahat ng maganap sa bayan kong irog,
Tila ba kayhabang dusang binangungot;
Sino ang maysala? Sino ang naglugmok?
Hindi ba’t si Gloriang Presidenteng
punggok?
Kaya kabangkilas tayo ang huhusga,
Sa Pekeng Pangulong nag-aastang reyna;
Ating arestuhin, sa krus ay idipa’t
Nang tayo’y magkamit ng tunay na glorya.
Inilathala ng Bulatlat
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.