TULA
(POETRY)
Karsel
NI REY TAMAYO, JR.
Inilathala ng Bulatlat
Sa nakabibinging katahimikan ng gabi,
Dinala ako ng aking mga paa
Sa isang sulok nang kawalang malay.
Na ewan ko, kung ito’y makapaghihilom
Ng mga sugat ng alaala,
O kaya’y makapagpapanday ng mga natungkab
na pangarap.
Sinilip ko sa isang guwang ng bato ang
kahapon.
Ang kahapong sumubok ng aking katatagan.
Agad naman akong sinalubong
Ng nakapangingilabot na dilim,
Na ang dala’y kawalang pag-asa sa bawat
masisilo.
Marahan din akong hinaplos
Ng malamig na ihip ng hangin mula sa
timugan,
Na ang dala’y mapanlinlang na sigwa.
Narinig ko ang isang tinig sa di kalayuan,
Nang kumawala ang umid kong tinig na
nagsabi.
Mahaba-habang paglalakbay na rin ang aking
tinahak,
Patungo sa isang masalimuot na
pakikipagsapalaran –
Sa di-matingkalang laban ng buhay.
Tanging ang isang malalim na bugtong
hininga
Na may kasamang luha sa mata –
Ang pumupukaw sa aking balintataw upang
lumaban.
Di mawaglit sa aking gunita
Nang una nilang binusalan ang aking bibig
Na huwag magpahayag ng nakilalang katwiran.
At sa halip ay sinugatan nila ang aking
abang katawan,
Nakita ko kung papaanong unti-unting
dumaloy
Ang maamong dugo sa aking
Noo
Braso
Kamay
Tiyan
Hita
at Paa
Bagama’t hapo at pagal na ang aking
katawan
Sa pakikipagbuno sa mga maling haka
At sa mga mapagmalabis sa kapangyarihan.
Nananatili ang isang katotohanan,
Gusto ko pang lumaban!
Nais ko pang makita ang aking sarili
Na makakalas sa tanikalang labis na
nagpalumbay
Ng aking pagkatao.
Gusto ko pang makalaya,
Dahil wala akong kasalanan.
Inilathala ng Bulatlat
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.