This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com).
Vol. VI, No. 22, July
9-15, 2006
NI REY TAMAYO, JR.
Sa nakabibinging katahimikan ng gabi,
Dinala ako ng aking mga paa
Sa isang sulok nang kawalang malay.
Na ewan ko, kung ito’y makapaghihilom
Ng mga sugat ng alaala,
O kaya’y makapagpapanday ng mga natungkab na pangarap.
Sinilip ko sa isang guwang ng bato ang kahapon.
Ang kahapong sumubok ng aking katatagan.
Agad naman akong sinalubong
Ng nakapangingilabot na dilim,
Na ang dala’y kawalang pag-asa sa bawat masisilo.
Marahan din akong hinaplos
Ng malamig na ihip ng hangin mula sa timugan,
Na ang dala’y mapanlinlang na sigwa.
Narinig ko ang isang tinig sa di kalayuan,
Nang kumawala ang umid kong tinig na nagsabi.
Mahaba-habang paglalakbay na rin ang aking tinahak,
Patungo sa isang masalimuot na pakikipagsapalaran –
Sa di-matingkalang laban ng buhay.
Tanging ang isang malalim na bugtong hininga
Na may kasamang luha sa mata –
Ang pumupukaw sa aking balintataw upang lumaban.
Di mawaglit sa aking gunita
Nang una nilang binusalan ang aking bibig
Na huwag magpahayag ng nakilalang katwiran.
At sa halip ay sinugatan nila ang aking abang katawan,
Nakita ko kung papaanong unti-unting dumaloy
Ang maamong dugo sa aking
Noo
Braso
Kamay
Tiyan
Hita
at Paa
Bagama’t hapo at pagal na ang aking katawan
Sa pakikipagbuno sa mga maling haka
At sa mga mapagmalabis sa kapangyarihan.
Nananatili ang isang katotohanan,
Gusto ko pang lumaban!
Nais ko pang makita ang aking sarili
Na makakalas sa tanikalang labis na nagpalumbay
Ng aking pagkatao.
Gusto ko pang makalaya,
Dahil wala akong kasalanan.
Inilathala ng Bulatlat
© 2006 Bulatlat ■ Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.