Bali-balita
NI EDEL GARCELLANO
Inilathala ng Bulatlat
Noong i-text sa akin ng isang guro ang tungkol sa mga nawawalang
estudyante sa Bulacan, hindi ko malaman ang aking daramahin: araw-araw
sandamukal na balita ang aking nababasa at napapakinggan, at itong
mistulang desaparecidos sa ating panahon – luma na marahil sapagka’t
mula’t mula pa sa rehimen ni Marcos ito’y ulit-ilit nang pinangangambahan
– ay waring hindi na ito tumimo sa aking isipan. Sino sila? Bakit nga raw
dinukot? Alam ko na rin naman ang sagot sa istoryang ito: tiyak na mga tao
ng estado ang nagpasimuno, mga sintomas wika nga ng mga dapat ilihim at
isiwalat sa publikong lipunan na gumagalaw sa kumpas ng iilan: iyong mga
nakakotse’t sekretarya, kasunod ang mga hagad na escort at agresibong
kumakaway, tabi! tabi! may lakad kami!
At sa telebisyon mo nga maririnig ang pakiusap ng isang ina: sana ay
makita na ang aking anak, birthday niya sa makalawa, ang presidente ay isa
ring ina, sana ay magawan ng paraan ito, sana... Ang TV screen ay babalik
sa broadcaster, sa ibang dako naman... Luma na ang mga eksena: sa
Arhentina ang mga naulila ay magpu-prusisyon upang ipaalala sa unti-unting
lumilimot ang mga malagim na pangyayari, alalaumbaga’y pilit na binubuhay
ang mga pangalan at mukha sa mga taong nakatulala, nakatingin, at
humihinga nang malalim upang kagyat muling bumalik sa kanilang ginagawa:
huntahan ng Eat! Bulaga, mga tanong sa Deal or No Deal ni
Kris Aquino o magkamot ng alipunga na nababad na naman sa baha.
Ang ingay ng ulan ay bubuhusan pa ng mga ingay ng mga radyo at tawanan
sapagkat iyon ang napapala ng mga pakialamero yang mga erehe sa gobyerno o
yung sobrang mag-isip kaya nakukursunadahan ng mga heneral na nagtatrabaho
lamang upang panatilihin ang kapayapaan sa loob ng tahanan sa palengke sa
kalsada sa ilang na pook sa buong kabayanan.
Ano ang kanilang kasalanan? Ilang talaan ba na ng nadisgrasya ang kaniyang
natunghayan buhat nang siya’y magbinata sa Maynila at ngayo’y namumuti na
ang buhok sa kaiisip ng pera sa pamantasan, ganito pa rin hanggang ngayon?
Ilan na ba sa mga kakilala – malayo o malapit - ay di na niya nabalitaan
pa at kung mabalitaan man ay may sukob ng lagim ang mga kwentong maririnig.
Ilan daang taon na bang nangyayari ito: ang bumalikwas na naliligo sa
malamig na pawis kung may kakatok sa pinto sa oras na wala namang
inaasahang darating o makakasalubong ang isang tao nananinipat ng tingin
at ika’y kagyat na iiwas sa pagsulyap sapagkat baka isang peligrosong
engkwentro ito.
Malaki na ang mga bata. Silang nalahian na rin ng takot ng matatanda ay
bagkus ngayong tumatahak sa daang kanyang iniiwasan. Marahil sa kanilang
panahon ito ngayon ang nararapat gawin. Marahil anuman ang mangyayari,
inisip nilang baka pagsisihan sa dakong huli ang di pagsunod sa kutob at
lohika ng nararapat sa mundo.
Ganun nga siguro. Ang kinabukasan ay nililigiran ng mga bangkay ng mga
berdugo ng kapitalismo at mangingibig ng hustisya at karapatan.
Inilathala ng
Bulatlat
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.