DAGLI SA KRISIS*
Zap at Static
Habang nanonood ang mga
tao sa kanilang mga telebisyon, bigla na lamang nag-zap sa tuldok ang
mukha ni Marcos. At biglang naglabasan ang mga abong static, tila
naglipanang gamu-gamo sa matimyas na tuldok na tumapos sa pagkapangulo ni
Marcos.
Ni Roland
Tolentino
Bulatlat
Ang alaala ko sa
deklarasyon ng martial law noong 1972 ay isang mahikang araw na bigla na
lamang static ang telebisyon kapag binubuksan. Makailang pindot sa switch
ay hindi pa rin nagbabago ang butil-butil na iba’t ibang abong
nagkikilusang kulay sa screen. Nawala ang mga variety show sa tanghali at
pelikula sa hapon. Sa bandang pagabiha ay biglang nalinaw ang static,
pinalitan ng tuldok, naging itim na screen, matapos ay nagzap muli.
Bigla na lamang
nagpakita ang mukha ni Ferdinand Marcos sa screen. Nakabarong, nakaupo sa
mesang nakatago ang pang-ibabang bahagi ng kanyang katawan, medium shot
ang kanyang black-and-white framing. Parang galit at nag-aalburito ito
dahil nanduduro pa sa mga taong nanonood sa kanya sa kani-kanilang mga
sala.
Naalaala ko nang una
kaming magkatelebisyon sa probinsya. Hindi naman pwedeng ipagkait ng mga
magulang ko ito sa aming mga kapitbahay na dumadayo at nakikipanood.
Tuwing gabi ay inilalabas ang telebisyon, mukhang mga muwebles na tukador
sa panahong ito, sa gilid ng kono namin. Inililipat rin ang rattan na
sala set at doon nauupo ang mga miyembro ng pamilya. Nakapaligid sa amin,
nakaupo sa harap at tagiliran, nakatayo sa likod ang aming mga kapitbahay.
Naluwas na kami para
mag-aral sa Maynila. Ang atensyon ng buong pamilya ay nasa telebisyon ng
araw na iyon. Kahit kaming mga bata ay hinayaang kumain sa harap nito, na
dati naman ay hindi pinapahintulutan. Grade II pa lang ako noon at hindi
ko maintindihan ang sinasabi ni Marcos sa loob ng kahon.
Isang buwan kaming
walang pasok. Wala rin namang ginagawa at tila mas maaga kaming
pinatutulog. Kaya naisip namin na baka may mabuti ring nagawa si Marcos.
Nang pinabalik kami sa eskuwelahan, walang leksyon maliban sa galing sa
mimeo na hawak ng guro. “Bakit dineklara ang martial law?” At ang sagot
na binanggit sa amin ay “Kapayapaan” kahit hindi naman alam at
ipinaliwanag ang kahulugan nito.
Nagbago rin ang
kurikulum. Bigla na lamang kaming pinagdala ng mga buto, piko at maliliit
na pala at pambungkal ng lupa. Mantakin mong nakikita mo ang iyong mga
mestizo at dayuhang kaklase sa exclusive school na bigla na lamang
nagbubungkal ng lupa, gumagawa ng plot, at pinagtatanim ng mga gulay mula
sa buto! Sa kalaunan ay ang boy ng building ang gumawa ng plot ng bawat
klase, at ang hindi mapatubong mga buto ay pinalitan na ng malalaking
buhay na gulay na binili sa tindahan ng halaman. Pinag-aralan din namin
ang pangalawang anthem, “Bagong Lipunan,” ginamit pa hanggang Grade V
habang papasok kami sa entablado para sa sabayang pagbigkas ng isang
piyesang hindi ko naman naiintindihan.
Noong 1986, sa
panlulumo ng pamilyang Marcos sa pagkakulong nila sa Malacañan, nag-live
coverage ito, nagdedeklara ng muling pagkapanalo sa snap election. Walang
pandaraya, sila ang biktima ng mga asulto. Naroroon ang extended na
pamilya at tila si Borgy pa nga yata ang batang nagtatakbo sa paligid,
hindi maawat, habang nagsasalita si Marcos. Hindi maitago ang panlulumo
ng mga kapamilyang nakapaligid sa kanya, pati si Imelda ay parang iiyak pa
nga. Habang nanonood ang mga tao sa kanilang mga telebisyon, bigla na
lamang nag-zap sa tuldok ang mukha ni Marcos. At biglang naglabasan ang
mga abong static, tila naglipanang gamu-gamo sa matimyas na tuldok na
tumapos sa pagkapangulo ni Marcos. Bulatlat
(* Ang maikling
kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon
ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring
dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang
pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.