Ang Subic Rape Case: Tungo sa Paghusga
sa Visiting Forces Agreement
Mula 1947 hanggang 1991,
sa higit tatlong libong naiulat na krimeng nagawa ng mga hukbong Kano dito
sa bansa, wala ni isang kaso ang umabot sa hukuman at nalitis at
nakapaghatol laban sa mga nagkasalang sundalo ng Estados Unidos, kabilang
na ang mga krimeng karumaldumal.
Ni Roland G.
Simbulan*
Propesor sa Development Studies at Public Management
at Faculty Regent, University of the Philippines
Inilathala ng Bulatlat
|
Lubos kong
ikinagagalak at ikinararangal ang maimbitahan ng Union of Journalists of
the Philippines-UP Diliman at ng Nicole Information Bureau, Task Force
Subic Rape, na talakayin ang Subic Rape Case sa Konteksto ng Relasyong RP-U.S..
Ang patakarang
panlabas ay makapangyarihang instrumento ng pamahalaan na determinadong
mapabuti ang kaunlaran at seguridad ng kanyang bansa. Sa puntong ito ng
ating kasaysayan, at higit kailanman, ang ating pambansa at panlabas na
patakaran ay dapat may iisang layunin: ang muling pagbawi sa buong
pamamalakad ng mga Pilipino sa sariling yamang pambansa (likas, yamang
paggawa, pinansyal, estado, atbp.) upang tayong mga Pilipino ang makatukoy,
nang may buong ganap na kapangyarihang pambansa, ng ating landas tungo sa
pag-unlad na siyang magsisiguro ng pinakamataas na kapakanan para sa
pinakamaraming bilang ng mga Pilipino.\
Ang patakarang
panlabas ay dapat maging instrumento para sa pambansang kaunlaran at
karapatan sa sariling pagpapasya , hindi ang maging sandata ng pagsuko.
Noon pa man, marami nang mga administrasyon sa Pilipinas ang sumunod sa
mga itinatakda ng mga tagapagtaguyod ng imperyalismo at lumunok ng mga
lasong nagpapanggap na gamot na inihahain ng tambalang IMF-World Bank at
nagkaroon ng grabeng epekto sa ating pambansang ekonomiya at nagbunga ng
higit pang di pagkakapantay-pantay at kahirapan. Ang mismong pundasyon ng
isang malayang patakarang panlabas ay, sa katotohanan, nasulat na sa 1987
Saligang Batas ng Pilipinas na nakabatay sa mga prinsipyo ng sariling
pagkakilanlan, kawalan ng banyagang panghihimasok, demilitarisasyon at
denukleyarisasyon.
|
.jpg)
DISMAYED: 'Nicole,' an alias assigned
by a court to protect her identity, covers her face during a
hastily-called news conference at a suburban Quezon city restaurant
Sept. 14, in which she expressed dismay over the public prosecutors’
handling of the trial of U.S. Marines accused of raping her, and
demanded that they be replaced. (AP Photo/Aaron Favila) |
Malinaw ang mga
itinatalag ng 1987 Konstitusyon hinggil sa ating patakarang panlabas.
Nakasaad sa Artikulo II, Seksiyon 2, 7, 8 at 19 ang pangkalahatang
direksiyon ng ating relasyong panlabas.
“Seksyon 2:
Itinatakwil ng Pilipinas ang digmaan bilang kasangkapan ng patakarang
pambansa, tinatanggap bilang bahagi ng batas ng bansa ang mga simulain ng
batas internasyunal na kinikilala ng lahat at umaayon sa patakaran ng
kapayapaan, pagkakapantay pantay, katarungan, kalayaan, pakikipagtulungan
sa lahat ng bansa.”
“Seksyon 7: Dapat
sundin ng Estado ang isang malayang patakarang panlabas sa mga
pakikipag-ugnayan nito sa ibang mga estado, dapat unang-unang isaalang
alang ang ganap na kapangyarihang pambansa, integridad na teritoryal,
kapakanang pambansa, karapatan sa sariling pagpapasya.”
“Seksyon 8:
Tinatanggap at sinusunod ng Pilipinas nang alinsunod sa kapakanang
pambansa, ang patakarang malaya laban sa pagkakaroon ng mga sandatang
nuclear sa teritoryo nito.”
“Seksyon 19: Dapat
bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakakatayo sa sarili at malaya
na epektibong kinukontrol ng mga Pilipino.”
Tinitiyak ng Saligang Batas ang gampanin
ng Kongreso at pagiging bukas ng proseso ng paggawa ng tratado gaya ng
sinasaad sa Artikulo VII, Seksyon 21:
“Hindi dapat maging balida at maybisa ang
anumang tratado o kasunduang internasyunal nang walang pagsang-ayon ng
dalawang-katlo (2/3) man lamang ng mga kagawad ng Senado.”
Sa Artikulo XVIII sa Transitory
Provisions, Seksyon 25, isinasaad nito na: “ Sa pagwawakas sa 1991 ng
Kasunduan ng Republika ng Pilipinas at Estados Unidos tungkol sa mga Base
Militar, ang mga dayuhang base military, mga tropa o mga pasilidad ay
hindi dapat pahintulutan sa Pilipinas maliban sa ilalim ng mga termino ng
tratado na kinatigan gaya ng nararapat sa Senado at kung hinihingi ng
Kongreso, ay niratipikahan ng mayoryang boto ng mamamayan sa isang
reperendum na iriraos para sa layuning iyon at kinilalang tratado ng
kabilang panig ng naikipagkasundong Estado.”
May mga probisyon rin tayo na nauukol sa
ating diplomasyang pang-ekonomiya. Sa Artikulo XII,sa pambansang
ekonomiya at patrimonya:
“Seksyon 1: Ang mga tunguhin ng pambansang
ekonomiya ay higit pang ekwitableng pamamahagi ng mga pagkakataon, kita,
at kayamanan, sustinadong pagpaparami ng kalakal at mga paglilingkod para
sa kapakinabangan ng sambayanan at lumalagong pagkaprodukto bilang susi sa
pag-aangat ng uri ng pamumuhay para sa lahat, lalo na sa mga kapos palad.”
“Seksyon 12: Dapat magtaguyod ang Estado
ng makiling na paggamit ng paggawang Pilipino, domestikong materyales at
mga kalakal na yaring local at dapat magpatibay ng mga hakbangin upang
makalaban sa kumpitensya ang mga ito.”
“Seksyon 13: Dapat magtaguyod ang Estado
ng patakarang pangkalakal na mauukol sa kapakanang panlahat at magagamit
sa lahat ng mga anyo at ayos ng palitan na nasasalig sa pagkakapantay
pantay at pagtutumbasan.”
Habang marami sa mga probisyong malaya’t
makabayan ng Saligang Batas ng 1987 ay nanatili pa ring epektibo at
nakatala, ang mga ito’y pinag-iisipan nang palitan kung di man tuluyang
burahin. Ang proposisyong baguhin ang Konstitusyon ay mga hakbang upang
maalis ang maka-soberanya at maka-Pilipinong probisyon at upang patuloy na
tagpasin ito palapit sa patakarang neo-liberal at ‘global cop’ na papel
para sa Hukbong Sandatahan ng Amerika.
Dahil sa makabayan at maka-soberaniyang
probisyon ng Saligang Batas, marapat na tayo ay tumutol sa tangkang
pagbura o dili kaya’y delisyon sa mga ito, at sa tangkang isingit ang mga
probisyong maka-militarisasyon o maka-dayuhan. Dapat nating itaguyod ang
mga ipinamanang probisyon sa Konstitusyon na para sa kapayapaan,
istrakturang pangkabuhayan, kalayaan at katarungan.
Ang patakarang panlabas ng bansa ay
karapat-dapat lamang gabayan ng isang malinaw na balangkas na ang layon ay
pagpapanatili at pagtataguyod ng hanap-buhay, negosyo at mga lokal na
industriya, at sa pamamagitan nito, makikita natin ang papel ng
pandayuhang kapital, pautang at anumang tulong mula sa labas, maging an
gating pakikapag-alyansa sa mga makapangyarihang bansa. Maging ang
diplomasyang pang-ekonomiko ay marapat lamang na nakasentro kung paano
magiging patas ang relasyong pangkalakalan at base sa kapwa nakakabuting
relasyon.
Ang patakarang panlabas ng Pilipinas ay
maiuugat at patuloy na sinisilip ang mga suliraning pangdaigdigan tulad ng
terorismo at pambansang seguridad sa prisma at pananaw ng Estados Unidos.
Samakatuwid, ang unang hakbang upang magkaroon ng alternatibong patakarang
panlabas ang Pilipinas ay baguhin ang ganitong klase ng pamamalakad para
mas malalim at makatarungang relasyong Pilipinas-Estados Unidos.
Ang pambansang istratehikong interes sa
pampulitikal at pang-seguridad na aspeto ay hindi kailanman maihihiwalay
sa pang-ekonomikong layunin. Ang pambansang pangangalakal at pagpapalak
kung gayon ay dapat kaakibat ng produkto, kalakalan at pagkakaiba-iba ng
merkado. Para sa pambansang interes, dapat siguraduhin ng gobyerno na
mayroong ekonomikong kooperasyon, tulong pangdayuhan at puhunan at
malampasan nito ang tradisyonal na samahan. Marapat na gumawa ito ng
mainam na hakbang upang maka-alis sa anino ng Estados Unidos na kung saan
tayo ay patuloy na inaabuso at ginagamit para sa global na pulitika.
Dapat na maghanap tayo ng alternatibo na higit na makabubuti para sa ating
pambansang interes, kabilang ang ‘Timog sa Timog’(South-South) na
pagkakasundo at relasyong pangkalakalan, pamumuhunan at pangteknolohiya.
Sa ngayon, mahalagang maunawaan at
mapaghandaan ng bansa ang praktikal na patakarang may relasyon sa epekto
ng globalisasyong pang-ekonomiko sa ilalim ng rehimeng GATT/WTO, maging
ang paglitaw ng ‘European Union’, NAFTA at iba pang samahang rehiyong pang
ekonomiko. Ang ganitong pagbabago ay may mahalagang pang-ekonomiko at
pampulitikal na implikasyon para sa Pilipinas.
Ang panunumbalik ng banyagang tropa sa
ating baybayin kasabay ang ilang mga maanumalyang kasunduang panseguridad
ay malinaw na balakid sa ating hangaring magsulong ng isang malayang
patakarang panlabas. Ang VFA o Visiting Forces Agreement ang
pinakatiwaling aspeto ng ating patakarang panlabas sa kasalukuyan. Ang
kasong panggahasa sa isang dalagang Pilipina ng mga Kanong sundalo pati na
ang mariing pagmamatigas ng pamahalaan ng Estados Unidos na ayaw isuko ang
mga unipormadong kriminal sa kustodyo ng ating mga korte ay siyang
pumipilit sa atin na masusing tingnan at repasuhin ang mga implikasyong
panlipunan, at panseguridad, na dulot ng muling pag-apak at aktibidades ng
sundalong Kano sa Pilipinas. Ang mga ito ay tuluyan nang naibalik sa
pagbasbas ng VFA.
Ang pagsuko ng
kapangyarihang hurisdiksyon sa batas at korte ng Pilipinas
Nang lumagda ang pamahalaan ng Pilipinas
sa VFA, ay tuluyan na nating isinuko ang ating lubos na karapatang litisin
ang mga nagkasala sa loob ng lupain natin para lamang sa mga tropang
banyaga. Masdan natin kung paano naging inutil ang ating mga hukuman at
batas sa pagpapatupad ng ating saklaw ng batas at karapatan sa
pangangalaga ng mga dayuhang kriminal kahit pa sa ating sariling lupain.
Nang ipinapatupad pa ang Kasunduan ng RP-US sa Base Militar, ginamit ng
mga pinunong sundalo ng mga base militar ng U.S. para mabigyan ng silong
ang mga nagkakasalang sundalong Kano bilang pananggala sa pagdiin sa mga
krimeng nagawa nila habang sila ay nasa Pilipinas pa. Samakatwid, mula
1947 hanggang 1991, sa higit tatlong libong naiulat na krimeng nagawa ng
mga hukbong Kano dito sa bansa, wala ni isang kaso ang umabot sa hukuman
at nalitis at nakapaghatol laban sa mga nagkasalang sundalo ng Estados
Unidos, kabilang na ang mga krimeng karumaldumal.
Sa ilalim ng ikalimang Artikulo ng VFA,
ang nagkakasalang sundalo ng Estados Unidos ay mapapasailalim sa
pangangalaga at saklaw ng mga awtoridad ng Estados Unidos, at sa gayon
walang habol dito ang batas ng Pilipinas kahit na ang sala ay ginawa sa
anumang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ang ikalawang artikulo ng VFA ay
nagliligtas sa mga tauhan ng militar ng Estados Unidos at tauhang sibilyan
nito mula sa mga regulasyon sa mga pasaporte at visa. Ang parehong
pribileheyo na ito na ibinibigay sa mga taga Estados Unidos ay hindi
ibinibigay sa mga Pilipinong tauhan o hukbo na bumibisita sa Estados
Unidos. Maging ang mga diplomatiko na pumapasok sa Pilipinas ay hindi nga
nakakaranas ng ganitong pribilehiyo, kayat bakit kailangang ang militar at
sibilyang tauhan (mga CIA?) ng Estados Unidos sa ilalim ng U.S. Department
of Defense ay nakakaranas ng ganitong mas mataas na kaluwagan?
At sa ikatlong artikulo ng VFA ay
nagtatakda na ang mga tagapamuno ng mga sasakyang panghimpapawid at
pandagat ng hukbo ng Estados Unidos ay siyang magsasagawa ng inspeksyon sa
mga nasabing sasakyan at mga kargamentong sila rin ang nagmamay-ari. Bakit
naman kailangang kung sino pa ang mga bumibisita dito ay sila pa ang
nagsasagawa ng mga inspeksyon ng sarili nilang mga papasok na sasakyan at
kagamitan para sa atin na tumatanggap sa kanila?
Ang VFA at ang kawalan
ng katumbas na ratipikasyon ng Senado ng Estados Unidos
Para muling pahintulutan ang mga banyagang
tropa sa ating lupain, malinaw na isinasaad ng Saligang Batas na ang
hakbanging ito ay nangangailangan ng isang tratado. Ang ganoong tratado ay
dapat napagkasunduan ng 2 katlong (2/3) kasapi ng Mataas na Kapulungan o
Senado at gayon din ay naratipika ng kabilang estado na gusting
makipagkasundo sa atin. Dahil ang Saligang Batas ay humihiling na ang
tratado ay dapat na may katumbas na ratipikasyon ng kabilang estado, sa
kasong ito, ang Senado ng Estados Unidos, ang di pagsunod dito ay
nangangahulugan ito ay magiging isang “executive agreement”, sa gayon
ito’y salat sa rekyimento ng isang tratadong itinatakda ng mismong
Saligang Batas.
Narinig ko na binabanggit ng Kagawaran ng
Ugnayang Panlabas ng Pilipinas na hindi niraratipika ng Senado ng Estados
Unidos ang mga tratadong sinusulong ng magkabilang bansa. Ito ay
napakalinaw na kamalian. Maaari nating banggitin na ang Treaty of Paris
ng 1899 ay nilagdaan at pormal na niratipika ng Senado ng Estados Unidos
isandaang taon na ang nakararaan sa pagitan ng Espanya at Estados Unidos.
Noong 1976, ang U.S.-Spanish Bases Treaty ay pormal na niratipika ng
Senado ng Estados Unidos bilang isang tratadong bilateral. Hindi ba
kinikilala ng Senado ng Estados Unidos ang Senado ng Pilipinas bilang
kapantay o katumbas nito sa ratipikasyon ng tratado?
Sinasabi rin na ang Estados Unidos ay
mayroong iba pang 78 na Status of Forces Agreement (SOFA) sa iba pang
bansa na katulad ng VFA. Ang datos na ito ay walang katotohanan. Halos
lahat ng bansang ito na may SOFA ay mayroon pa ring mga base militar at
pasilidad ng Estados Unidos. Karamihan ng mga SOFA ay naipapatupad lamang
sa loob ng mga pasilidad o base na mga ito. Habang ang mga pasilidad ng
NATO/Estados Unidos o Japan/US ay sakop ng SOFA, ang mga tumatanggap na
bansa ay di pa rin isinusuko ang kanilang saklaw na buong teritoryo.
Masasaksihan pa lamang ngayon sa atin ang SOFA ng isang bansa na walang
pasilidad ng Estados Unidos na isinusuko na natin agad ang saklaw nito sa
buong teritoryo sa kapuluan.
Ang SOFA o VFA ay ginawa para sa adbentahe
ng Estados Unidos sa loob ng mga base o pasilidad nito tulad na lamang ng
sa naibasura nang RP-US Military Bases Agreement kung saan ang mga
probisyon ng SOFA ay nakalahad din. Ngunit, maging sa Military Bases
Agreement o MBA na hindi na muling tinanggap bagkus binasura na ng Senado
ng Pilipinas noong 1991, wala sa anumang saklaw o karapatan sa buong bansa
ang binibigay ng VFA sa Estados Unidos.
Ngunit hindi ito ang kahuli hulihang
pagkakataon na iniwasan ng Ehekutibo ang Senado sa pamamagitan ng ilegal
na tangkang magpasok ng isang executive agreement sa usapin ng pagbabalik
ng pananatili ng banyagang pwersang military at pasilidad. Noong 2001,
pormal na nilabas ang Mutual Logistics and Support Agreement(MLSA) na
nilagdaan ng mga mababang ranggo na opisyal ng Sandatahang Lakas ng
Estados Unidos at Pilipinas para mapagbigyan ang pagtatambak at paglipat
ng mga basura ng hukbo ng Estados Unidos ditto sa ating lupain. Ang MLSA
ay inihayag bilang para sa pagsulong ng RP-US Mutual Defense Treaty, para
may basehan ito kung sakaling maging kwestiyonable ito batay sa itinatakda
ng kasalukuyang Saligang Batas, ang VFA ay sasabihing karugtong ng MDT ng
1951 at kinokonsidera bilang isang utos para maipatupad ang nasabing
tratado.
Pagbibigay sa Estados
Unidos ng di tiyak na garantiya
para sa karapatan nito
sa ating lupain
Ang VFA ay nagbibigay ng isang malabo at
di tiyak na garantiya sa Estados Unidos para sa mga aktibidad ng kanilang
hukbo sa ating lupain dahil hindi nito isinasaad kung gaano katagal at
kung ilang pwersa ng Estados Unidos ang papayagan para sa mga di matukoy
na aktibidades sa ating lupain. Nasasaksihan natin ngayon ang paglipana
ng mga tauhan ng Sandatahang Lakas ng Estados Unidos sa halos lahat ng
kapuluan ng bansa.
Ang kasunduan ay hindi nagtatakda ng kung
anuman ang pinakamalaking bilang ng sundalong Kano na maaring
pahintulutang makapasok sa Pilipinas. Hindi rin tinitiyak ang panahon na
ang mga ito ay papayagang manatili sa Pilipinas. Kaya naman malinaw na
ang VFA ay nagbibigay ng kakayahan ng mga ito na makapasok at makinabang
sa Pilipinas sa di tiyak na panahon at di tiyak na mga aktibidades.
Ang operasyon ng Sandatahang Lakas ng
Estados Unidos sa mga sasakyang pandagat at panghimpapawid na nakasaad sa
ikawalong artikulo ay malabo ang itinatakda. Hindi nito tinutukoy kung
saan ang maaari o kung saan ang limitasyon ng Sandatahang Lakas sa akses
nito sa Pilipinas. Mapanganib na hayaang maging hayagang bukas ang
teritoryo ng Pilipinas at payagan ang mga aktibidades na salat sa
regulasyon itong mga banyagang hukbo, dahil ito ay isang banta sa ating
sariling pambansang seguridad.
Ang Artikulo 9 sa “Duration and
Termination” ay nagtatakda na ang kasunduan ay walang tiyak na araw ng
terminasyon, samakatwid ay mabubuhay nang walang hanggan ang kasunduan.
Binibigay ng kahulugan sa Artikulo 1 ng
VFA na ang tauhan ng hukbo ng Estados Unidos ay mga tauhang militar at
sibilyan ng Estados Unidos na pansamantalang lumalagi sa Pilipinas upang
gawin ang anumang mga aktibidades na sinang-ayunan ng pamahalaan ng
Pilipinas. Anong mga aktibidades?
Paano naaapektuhan ng
VFA ang pambansang seguridad ng Pilipinas
Hindi pinapabuti ng VFA ang pambansang
seguridad ng Pilipinas. Bagkus, ito ay nalalagay sa panganib.
Ang mga nakaraang presensiya ng tropang
militar ng Estados Unidos sa teritoryo ng Pilipinas ay nagpapakita na
ginagamit ang bansa bilang panimulang punto ng interbensyong militar ng
Estados Unidos laban sa ibang bansa. Ang akses ng militar ng Estados
Unidos sa pamamagitan ng VFA ay nagbabalik ng papel ng Pilipinas sa
istrukturang military ng Amerika bilang suporta sa mga operasyon ng
kanilang lakas pandagat at sandatahang lakas. Ang mga bisitang nabal o sa
porte ay hindi lang mga “goodwill visits” o “to show the flag”. Ang mga
bisitang nabal ay suporta sa patuloy na operasyon at misyong militar sa
pamamagitan ng pagpapanatili ng suplay, pagpapasigla ng eskuwadron,
pagbibigay ng pahinga at libangan, pag-iimbak ng gasoline at pagpapaayos,
para manakot ng interbensiyong militar at higit sa lahat, ang maghamon ng
digmaan.
Ang mga problemang idinulot ng
paghihiganti ng muling lumilitaw na nasyonalismong Pan Arab at
pundamentalistang Islam bilang reaksyon sa agresiyon at interbensiyon ng
Estados Unidos sa Gitnang Silangan ay hindi natin problema. Sa ngayon,
ang persepsiyon sa Estados Unidos ay isang siga na estado na nanananakop o
nambobomba ng mas maliliit na bansa ayon sa kanilang kagustuhan, nanag
walang respeto sa mga pambansang hangganan o soberaniya ng ibang nasyon
tulad ng ginawa nito laban sa Grenada, Panama, Sudan, Afghanistan at Iraq,
at ngayon ay ang mga banta nito laban sa Iran. Idinulot nila sa kanilang
sarili ang parusa ng mga kaganapan nung 9/11 na kung tawagin ng
Amerikanong manunulat na si Chalmers Johnson ay “blowback”, mga hindi
sinasadyang kaparusahan ng mapanghamon na pandaigdigang patakaran ng
Estados Unidos. Itinatanim ng Amerika ang sarili nitong mga punla ng
pambansang inseguridad.
Ang pundamental at seryosong isyu ngayon
tungkol sa VFA ay ito: Gusto ba nating bigyan ng lugar ang sandatahang
lakas ng Estados Unidos sa ating teritoryo, kahit labas sa ating mga batas
at Konstitusyon, upang magamit ng Estados Unidos ang Pilipinas bilang
pangunang punto ng interbensiyong military laban sa ibang bansa? Ito ang
ginawa ng Estados Unidos isang daan taon na ang nakalipas matapos sulutin
ang kalayaan ng Pilipinas at gamitin ang teritoryo bilang pangunang punto
ng lokal at banyagang interbensiyon. Gusto ba nating maging haligi na
magpapalakas sa pandaigdigang sistema ng Estados Unidos na patuloy na
nakikialam sa pamamagitan ng pagpapadala ng tropa nito sa internal na isyu
ng ibang bansa? Gusto ba nating maging ispringbord ang bansa upang
muling mapalakas ang mga yunilateral na aksyon ng Estados Unidos sa buong
mundo na lumalabas sa pambansang soberaniya ng ibang pala-kaibigang bansa?
Binabalangkas ng mga pangyayari ang
mapanganib na yunilateral na pagsasanay ng tropang militar sa Estados
Unidos na dinadahilan para sa “seguridad” at “pandaigdigang digmaan laban
sa terorismo.” Umaasta ang Estados Unidos na parang isang internasiyonal
na siga na kinakaya-kaya ang mga maliliit na bansa sa pamamagitan ng
pagyayabang ng kapangyarihan. Tinatali ng VFA ang Pilipinas sa
istratehiya ng Estados Unidos na pandaigdigang pakikialam at naaayon sa
kanilang istratehiyang nuclear.
Sa ilalim ng VFA, ang Pilipinas ay naging
“de facto” na nagsasanay sa lahat ng pang-sibilyang daungan at paliparan,
at pagseserbisyo ng mga sasakyang dagat ng Estados Unidos na may misyon at
obhektibong pang-militar. Ibinabalik ng VFA ang papel na ginampanan ng
Pilipinas nung nandito pa ang base military ng Estados Unidos – bilang
kasabwat sa mga operasyon ng interbensiyon at agresyon ng sandatahang
lakas ng Estados Unidos sa Asya Pasipiko, Gitnang Silangan, o saan mang
parte ng mundo. Pinapahina ng VFA ang mga lehitimong interes ng Pilipinas
sa relasyon nito sa ibang mga bansa, particular sa mga kumukuha ng
serbisyo ng mga manggagawang Pilipino at pati na rin ang mga
nakikipagkalakalan sa atin. Lahat ito ay tahasang lumalabag sa
konstitusyonal na pagbabawal sa paghahamon ng digmaan bilang kasunduan ng
mga hidwaan, kung kaya’t gusto nilang amyendahan ang 1987 na Saligang
Batas.
Dahil dito kaya nagging panganip sa
pambansang seguridad at seguridad ng mga Pilipino ang VFA. Ito ay
panganib sa ating seguridad bilang mga mamamayan at bansa, dahil ang
anumang bansa na nagsisilbing “host” sa sandatahang lakas ng Estados
Unidos – bilang base, o akses military, o pagbisita ng sandatahang lakas
ng Estados Unidos – ay nagkakaroon ng peligro na madamay sa armadong
interbensyon ng militar ng Estados Unidos sa mga patuloy na pinapadalang
tropa ng kanilang sandatahang lakas. Kailangan nating makapagpasiya kung
patuloy na magiging parte ang ating teritoryo ng suportang istruktura sa
ibayong dagat ng isang bansang inaabuso ang namamagitan na pandaigdigang
posisyon ng “pagdepensa”. Kailangan din nating magpasiya kung patuloy
nating babaluktutin an gating mga patakaran at batas, sa ikakasama n
gating dignidad bilang nasyon upang maglulan sa ating teritoryo, ang
sumosobrang paglaki ng mga gamit pandigma at patakaran ng Estados Unidos
na nagbigay daan sa mas maraming digmaan at hidwaan. Dapat din alalahanin
na bilang kapinsalaan, ang Estados Unidos (at mga mamamayan nito sa
ibayong dagat) ay mga pangunahing nakakaakit ng mga pag-atake dahil sila’y
mga nagpapa-lala sa mga galit sa kanilang bansa. Sa pamamagitan ng VFA,
tuluyan tayong nag-aanyaya ng mga paghiganti at parusa sa mga dumadaming
kaaway ng Estados Unidos.
Binuksan din ng VFA ang mga daungan at
paliparan ng lakas pandagat, pang-armas at panghimpapawid. Habang
pinupuna ng Estados Unidos ang kakayahayg nuclear ng ibang bansa tulad ng
Iran, North Korea, atbp., ang sarili nitong armas nuclear ay nananatiling
mahalagang elemento ng modernong lakas pang-dagat ng Estados Unidos. Ito
ang dahilan kung bakit patuloy na giagamit ng Estados Unidos ang
patakarang “hindi magkukumpirma at hindi magtatanggi” tungkol sa mga armas
nukleyar sa kanilang mga sasakyang dagat. Mayroong hindi patas na
pamantayan sa pagsasabi sa ibang bansa na isiwalat ang kakayahang nukleyar
ng kanilang pasilidad habang tumatanggi itong ibunyag din ang kanila.
Palaging isinasawalang-bahala ng VFA ang patakaran ng Pilipinas patungkol
sa mga sandatang nuclear. Dahil sa ang Pilipinas – pangloob man o
panglabas – ay nagpapatibay at nagtataguyod ng malayang patakarang
konstitusyonal sa mga sandatang nuclear sa teritoryo nito, dapat na
malinaw ang mga probisyon ng VFA sa pagtaguyod ng konstitusyonal na
pagbabawal sa mga armas nuclear. Dapat na ituring na ilegal para sa
Estados Unidos o ibang dayuhang sasakyang dagat o eroplano na armado ang
pagdala sa teritoryo ng Pilipinas, kahit na para sa transportasyon,
daungang tawag, pangserbisyo, o para sa pagdidiskarga, ng anumang armas
nuclear o anumang parteng nuclear. Ang mga bumibisitang armadong
sasakyang-dagat ng anumang bansa ay kinakailangan munang magpatunay nito.
Matagal ko nang pinanukala ang pagpasok ng
nasabing probisyon sa VFA, pero hindi natin ito maaasahang maipatupad sa
tratadong maglilibre ng mga sandatahang lakas ng Estados Unidos sa ating
teritoryo mula sa mga lokal na batas.
Ang Pilipinas ay dapat laging sumusunod sa
mga patakaran ng estado na kalayaan mula sa armas nuclear at mga prinsipyo
ng pagdidisarmang nuclear na ating sinuportahan sa mga kasunduan ng United
Nations at internasyunal na pagpupulong. Pinirmahan natin ang tratadong
ASEAN para sa Southeast Asia Nuclear Weapons Free Zone nuong Disyembre 14,
1995 na pinatupad nung Marso 26, 1997. Ilang taon ang nakakaraan, malaki
ang ibinahagi ng gobyerno ng Pilipinas para manalo ng declamatory judgment
mula sa World Court (International Court of Justice) sa The Hague,
Netherlands, na nagsasaad na, “ang paggamit at pagbabanta gamit ang mga
armas nukleyar ay mga krimen labas sa sangkatauhan.” Kailangang
ipagpatuloy ng ating bansa ang pagsunod sa kasunduan laban sa armas
nuclear, lalo na sa pakikipag-ugnayan sa mga bansang armadong nuclear
tulad ng Estados Unidos na ang nuclear arsenal ay mayroong 15,000 armas at
bagong henerasyon ng mga armas nuclear kabilang ang mga uranium-depleted
na armas na ginamit nito laban sa Iraq.
Hayaan ninyo akong magtalakay ng aspeto ng
“pantaong seguridad” (human security) na madalas ay isinasang-tabi natin
sa pagsusuri ng mga isyung pang-seguridad. Ang ating karanasan sa
presensiya ng mga military ng Estados Unidos ay nagpapakita na hindi
lamang nito sinisira ang local na ekonomiya dahil nagiging kuta itong
dumedepende sa dayuhang militar, ngunit totoo’t mahalagang banta sa
kalagayan n gating mga kababaihan at kabataan. “Pahinga at libangang
aktibidad” (rest and recreation) o prostitusyong military para sa kung
tawagin a “morale” ng tropa, ay nagpalala sa sekswal na pananamantala n
gating mga babae’t bata na pinakadelikado sa lahat. Ang imahe ng ating
mga babae’t bata ay nasa libo-libong batang Amerasian na ulila sa ama at
nasa lumalagong industriya ng sex para sa mga tropang Amerikanong nasa R &
R na bakasyon. Dadami pa ang ating mga babae’t bata na magiging biktima
ng sekswal na pananamantala ng mga miyembro ng sandatahang lakas ng
Estados Unidos. Ang kaso ng panghahalay na naganap sa Subic ay isang
pang-araw na kuwento sa Okinawa, Japan laban sa kanilang mga babae’t bata
na madalas ay biktima ng pananamantalang sekswal ng mga Amerikanong
Marino.
Tungkol sa modernisasyon ng Sandatahang
Lakas ng Pilipinas, pagkatapos ng higit sa 50 taon ng kasunduang militar
ng Pilipinas at U.S., ano ang kasalukuyang lagay ng lakas pangdepensa ng
bansa? Nakapagsagawa ang mga kasunduang military na ito sa pagpigil ng
tunay na pagpapabuti at pagpapalakas n gating sandatahang lakas na
dinisenyo ng mga kasunduang ito upang sumandal o umasa sa Estados Unidos.
Sinuportahan ban g RP-US Mutual Defense Treaty o ng natsuging Military
Bases Agreement an gating pag-angking karapatan sa Sabah laban sa
pananatili ng Malaysia? Hindi kailanman naging layunin ng kasunduang
ipinataw sa atin ng Estados Unidos na mapabuti ang kakayahan ng Pilipinas
sa pagtatanggol at ang pagkakaroon ng isang nagsasarili at modernisadong
establisimientong pananggol. Dapat matutunang mabuti ng establisimientong
pananggol ng Pilipinas ang mga aral na ito at makapagbuo ng isang tunay na
kapanipaniwalang patakarang pananggol batay sa ating kakayahan.
Kailan tayo matututo? Pagbabayaran pa
rin ba nang mahal para sa ilusyong “seguridad” sa aspetong pulitical,
sosyal, legal, pang-ekonomiko, at pangkapaligiran? Ang pagbibigay ng
kabuuang ekstrateritoryaliti sa sandatahang lakas ng Estados Unidos sa
buong archipelago ay nangangahulugan ng pagsuko ng hurisdiksyon at
pambansang dignidad para sa wala.
Ang
VFA at ang kalikasan
Walang hakbangin o probisyon sa VFA kung
paano mananagot ang sandatahang lakas ng Estados Unidos sa anumang
paninira sa kalikasan. Dahil sa nakakadismayang record ng Estados Unidos
sa paglilinis ng kanilang mga dumi sa mga dating base-militar, dapat
lubusan tayong mag-alala sa mga paninira sa kalikasan na idudulot ng
militar ng Estados Unidos sa isang buong taong pagsasanay-militar at
daungang pagtawag.
Hanggang ngayon, ang gobyernong Amerika ay
tumatanggi pa rin kilalanin at walang pinapakitang pagkukusang-loob na
imbestigahan o linisin ang anumang mga kumpirmadong lugar na kontaminado
sa mga dating base militar rito. Sa mga limitadong pagsusuri sa mga
dating base ng Estados Unidos dito, napatunayan na ang tubig at lupain ng
mga malapit na komunidad ay kontaminado ng mga sangkap at solvent na
carcinogenic, bombing hindi pa sumasabog, at tingga at asoge. Ang mga
pagsasanay military ng Estados Unidos ay nagresulta sa kontaminasyon at
pagkasira ng kalikasan tulad ng mga nakatalang kaso sa Okinawa, Japan kung
saan:
“ …mga pagsasanay sa pamamaril ay nanira
ng mga kagubatan at kabundukan at kinontamina ang mga lupa ng TNT, RBX,
DNT at mga hindi pa sumasabog na amunisyon at misayl; kontaminasyon ng
asbestos, tingga, PCB ng mga tubig ng Okinawa; erosyong red soil dahil sa
regular na paggalaw ng militar; cobalt 60 galing sa mga daungang militar;
ang pagkatuklas ng mga palakang mutant sa mga baybaying dagat na sobrang
kontaminado sa paligid ng mga pasilidad military ng Estados Unidos sa
Okinawa.”
Sa Pilipinas, isang sarbey pang-kalusugan
sa ilalim ng Health for All Project (1998) ilang taon na ang nakakaraan sa
dating Clark Air Force Base sa Pampanga at kinondukta ni Dr. Rosalie
Bertell bilang punong imbestigador, ay napagtugma ang ilang mga dumi ng
military ng Estados Unidos sa ilang mga sakit sa munisipalidad at
komunidad ng Mabalacat, Pampanga. Kasama rito ang mga sakit na
nagpapahina ng imyuniti at mga sakit dulot ng kontaminadong tubig galing
sa mga dating base ng Estados Unidos.
Ang mga karapatang paglapag at pagdaong na
nakasaad sa Visiting Forces Agreement ay muling pinakilala ang puwersa ng
militar ng Estados Unidos sa buong bansa para sa mga pagbisita sa mga
daungan pati sa mga gawaing militar gamit ang mga mapanganip na kagamitang
pandigma. Masama ang rekord ng gobyernong Amerika sa pagkabigo nitong
imbestigahan, isiwalat, at linisin ang mga panganib sa kalikasan na dulot
ng mga pang-militar na aktibidad ng Estados Unidos hindi lang sa Pilipinas
kundi pati na rin sa Panama, Puerto Rico, Japan, South Korea, Hawaii at
Alaska.
Kung ang mga sasakyan ng hukbong dagat ng
Amerika na tumatakbo gamit ang makinang nuclear nito ay nag-emit ng
radyasyon habang nakadaong sa Pilipinas, paano sila papanagutin sa kawalan
ng probisyong pang-kalikasan sa VFA? Ngayong ang buong bansa ay bukas na
sa mga pambibisita sa daungan at paliparan ng mga armadong tropa at
simulasyon ng kombat sa pagsasanay military, kailangang asahan na natin
ang mga pang-kalikasan at pang-kalusugan na katumbas ng ganitong mga
aktibidad. Isang editorial ng New York Times ang nagtampok sa problemang
ito nung Disyembre 25, 1998:
“When the United States pulled out of the
Clark and Subic Bay Bases in the Philippines beginning in 1991, it left
dozens of sites where toxic chemicals and asbestos had been dumped or
buried in unsecured landfills. These may now be the cause of disease
among people living nearby. Washington has paid the Philippines nothing
for cleanup and has released only perfunctory information about the
hazards.”
Huwaran ang VFA ng ibang
bansa?
Ngunit mas higit pang insulto sa
kapangyarihan ng Pilipinas ang pagpayag ng ibang bansa, katulad ng
Australia, New Zealand o Singapore, na gamitin ang VFA bilang isang modelo
ng kasunduan para nila hasain ang kanilang pwersang militar. Gusto nilang
gawin tayong kampo ng pagsasanay at pagdusahan ang lahat ng pang-kalikasan,
sosyal, at pulitikal na katumbas ng paghohost ng pagsasanay ng kanilang
puwersa. Hindi natin pinaalis ang mga base militar ng Estados Unidos
upang maging kampo para sa OJT o “on the job training” ng sandatahang
lakas ng ibang bansa. Aking pinapayuhan ang mga bansa na nabanggit na
huwag nang ituloy ang mga ganitong plano dahil magbubunga lamang ito ng
pagkamuhi ng mga tao at komunidad na maaapektuhan ng sosyal at pang-kalikasang
epekto ng pagsasanay militar. Halimbawa, ag presensiya ng special
operations forces ng Estados Unidos sa Mindanao nung Balikatan at iba pang
uri ng pagsasanay militar nang buong taon ng 2003 ay nagpaalala ng mga
krimen ng mga puwersang nananakop ng Estados Unidos nung simula ng 20th
siglo tulad ng masaker ng Bud Dajo. Dito, higit sa 600 Muslim ang
pinaslang ng mga sundalong Amerikano.
Ang VFA bilang
kasangkapan ng buong pagsuko ng kapangyarihan ng Pilipinas
Sinasabi ko na ang tratadong ito – ang VFA
– ay isang pambansang indignidad at instrumento ng pagsuko. Ito ay
nagsisilbi lamang sa iisang panig. Ito ay hindi makatarungan at ito’y
mali. Ang mga probisyon nito ay kumikiling lamang sa interes ng Esados
Unidos habang ginagamit ang mga malabong alituntunin upang tapakan ang mga
karapatan ng Pilipinas bilang isang soberaniyang estado sa sarili nitong
teritoryo.
Mga labing-apat na taon na ang nakakaraan,
pinakita natin sa buong mundo na sa kabila ng ating mga kahinaan bilang
nasyon at kahit na sa pagpe-presyur galing sa isang superpower, alam natin
kung paano ipagtanggol ang ating mga soberaniyang interes at ipahayag ang
ating dignidad. Dahil sa desisyon na alisin ang mga base ng Estados
Unidos nung Setyembre 16, 1991, ipinagmalaki natin na tayo ay Pilipino.
Ang desisyon din na alisin an gating mga tropa sa Iraq ay isang tagumpay
laban sa bansang inagaw an gating maikling kalayaan isang siglo na ang
nakaraan, at tulad ng ginawa nito sa Iraq ngayon, trinato ang ating mga
bayani para sa kalayaan, na lumaban sa agresiyon at kolonisasyon ng
Estados Unidos, tulad ni Macario Sakay, Montalan at iba pa bilang mga
terorista, rebelde, at criminal na pinaghuhuli at pinagpapatay.
Ang isyu ng
pagbabalik ng presensiya ng militar ng Estados Unidos sa Pilipinas, na
pinaalis nung 1991, ay mahalagang iugnay sa patuloy na paggamit sa ating
teritoryo ng Amerika sa kanilang mga patakarang interbensiyon sa maraming
parte ng mundo. Ito ay inilahad sa isang dokumento ng U.S. General
Accounting Office, “Overseas Presence” (June 1997), na nagsaad,
“Military exercises demonstrate U.S. resolve and capability to project
military presence anywhere in the world."
Sa kasalukuyan, sa
ikasasama ng pambansang soberaniya ng ibang nasyon, ang mga yunilateral na
hakbanging militar ng Estados Unidos ay pinagdedesisyunan ng Estados
Unidos bilang nag-iisang tagapagpasiya ng kapayapaan, bilang
tagapagpaganap at tagaseguro ng kaayusan na pinapaliwanag nito sa
ikasusulong ng kanyang sariling pambansang interes. Ngayon, gusto ba
nating pabayaan ang ating interes sa mga sariling patakarang panlabas at
panseguridad upang suportahan ang Sandatahang Lakas ng Estados Unidos at
ang mapanghimasok at interbensiyonistang istratehiya nito sa mundo?
Hinihintay pa rin
nating malaman kung paano napabuti ng Visiting Forces Agreement ang
kalagayan ng Republika. Basta ang malinaw ay nagdudusa ang Republika sa
indignidad ng paglabag sa sarili nitong Konstitusyon at mga lokal nitong
mga batas. Sa katunayan, dahil sa VFA, ang ginagahasa ng mga tropang
dayuhan ay hindi lamang ang ating mga kababaiahn katulad ni Nicole, kundi
ang mismong dangal ng buong bansang Pilipinas.
Sa kabuuan, payagan
niyo akong idiin na ang patakarang panlabas ng isang bansa ay
pinagpapasyahan ng pulitika, sistema ng ekonomiya at kultura nito. Marami
sa mga pambansang problema natin ngayon – kabilang ang utang panlabas,
malawakang paghihirap, lumalalang kakulangan sa trabaho, at iba pa – ay
sanhi ng ating pagkakasangkot sa pandaigdigang sistema ng ekonomiya. Dito,
ang desisyon at aktibidad ng mga bansang may dominanteng ekonomiya at
pinakamalaking impluwensiya sa mga institusyon tulad ng World Bank, ang
IMF at World Trade Organization ay nakakaapekto ng malaki sa ating lokal
na pulitika.
Ang
transnasyonalisasyon, dominasyon at dependensiya ay nagpapataw ng mga
limitasyon sa ating mga patakarang lokal, panlabas, at panseguridad.
Ngunit, kailangan pa rin alalahanin na ang ibang nasyon na ating kapareho
ng sitwasyon ay mas nakakapagpahayag ng kanilang pambansang interes at
pambansang kalayaan. Nagawa natin ito nung Setyembre 16, 1991 nang patalsikin
natin ang mga base militar sa Pilipinas. Nagawa natin ito sa kaso ni
Angelo de la Cruz, nang magawa nating i-urong ang mga tropa ng Pilipinas
mula sa Iraq.
Sana ay tumulong ang
dakilang unibersidad na ito sa paghubog ng ating mga susunod na lider at
tagapaglingkod upang tumanim sa kanila ang isang malalim na
pagkakakilanlan sa sarili bilang isang Pilipino at layunin, na buong loob
na paglilingkuran ang interes ng bayan, at na mayroong di maytatawarang
propesyonalismo at katapatan. Sa pamamagitan ng mga lider at
tagapaglingkod na ganito sa Serbisyong Panlabas, maaring magkaroon tayo ng
mas magandang posisyon sa pagkamit ng isang malayang patakarang panlabas
na ayon sa ating Saligang Batas. Inilathala ng Bulatlat
*Isang Lektyur at
pagtalakay sa Symposium na Inisponsor ng Union of Journalists of the
Philippines-UP Diliman at Nicole Information Bureau, Task Force Subic
Rape.College of Mass Communication Auditorium, Unibersidad ng Pilipinas,
Diliman, Sept. 14, 2006.
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.