DAGLI SA KRISIS
Uniquely Singapore!
Gagastos ang Singapore
ng SD$3 milyon para magkaroon ng isang brand image. Isa rito ang
“Uniquely Singapore” na nagpapahiwatig na espesyal ang magiging karanasan
sa bansa. Subali’t sa likod ng magarbong imahen na nais ipalaganap ng
bansa ay ang mga kwento ng mga katulong sa Singapore.
NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat
Gagastos ang
Singapore ng SD$3 milyon para magkaroon ng isang brand image. Isang
kwento, pakiwari at sinasabi lamang. Hindi na pwede ang iba-ibang kwento.
Kabilang sa kokonsolidahin ang “Uniquely Singapore” na nagpapahiwatig sa
pagiging espesyal na karanasan sa bansa.
Narito ang ilang
kakaibang kwento ng mga katulong, ang pinakamaraming bilang ng mga
Filipino, mula sa bansang ito:
Bawal mabuntis ang
katulong sa Singapore. Kakaltasin sa security bond ang multang $5,000.
Akala ng mga amo, sila mismo ang magbabayad nito. Kaya marami ang hindi
nagpapahintulot na mag-day-off ang katulong. Baka raw magka-boyfriend, at
kung gayon, mabuntis kahit pa labag ito sa reproductive rights ng babae.
Wala ring batas na nagbibigay ng day-off sa katulong. At ang
pinag-uusapan pa lamang ay proposal na isang araw kada buwan na day-off!
Kaya rin 24/7 ang
maraming katulong sa pagtratrabaho. Maraming amo ang walang tiwala sa
katulong kaya inila-lock ang bahay kapag paalis na sila sa trabaho.
Nakakulong ang katulong, ang iba ay nakakakita lamang ng labas kapag
nagsasampay ng labada.
Ito siguro ang
dahilan kung bakit mula 1999 hanggang 2005, 147 na migranteng katulong ang
namatay sa pagtalon o pagkahulog sa mga building na tinitirahan. Puro
high-rise na housing ang kalakhan ng tirahan sa Singapore. Delikadong
maglinis ng mga bintana pero inuutusan pa rin gawin ito. Naalaala ko ang
isang puna sa high-rise na tirahan na ipinatayo sa riles ng Osmena Avenue
ng dating pangulong Fidel Ramos. Hindi sanay ang mga tao na walang
sentrong pagtitipunan (tulad ng sari-sari store), at hindi nag-iimbita ang
mga lugar para mangapitbahay. Higit ang epekto nito sa nakakatandang
hirap mag-akyat panaog sa hagdan.
Hindi kasama ang
katulong sa Employment Act and Workmen’s Compensation. Hindi sila
tinataguriang manggagawa, at kung gayon, walang karapatan sa paggawa.
Wala ring minimum wage na batas sa Singapore. Ang market ang magdidikta
ng kanilang presyo.
Ang hardinero at
cleaner ay kumikita ng $700-850 bawat buwan. Tatlong katulong ang
katumbas ng ganitong kababa ring gawain sa Singapore. Ang simulang sahod
ng Filipinang katulong ay $320, ang Indonesian at Sri Lankan ay $220-260,
at ang Indian ay $150-180. May premium ang Filipina dahil nakakaunawa raw
ito ng ingles na siya namang iniaangal ng iba pa dahil kahit marunong
silang mag-ingles at pareho ang kanilang gawain, bakit raw mas mababa ang
kanilang sahod?
Mababa ang pasahod sa
katulong dahil parating inirarason ng amo, nagbabayad pa sila ng $200-295
sa gobyerno bawat buwan. Kung mayroong 150,000 katulong sa Singapore,
kumikita ang gobyerno ng $360-531 milyon bawat taon na hindi naman
ibinabalik sa serbisyo para sa katulong.
Kapag hindi
nagustuhan ng amo ang katulong, maari itong magpapalit nang libre mula sa
agency hanggang apat na beses isang taon bago mapilit na magseminar ng
pamahalaan. Ang natenggang katulong, lalo na kung bagong dating, walang
magiging pambayad sa agency na umaasang makakaltas ng buo sa kanyang unang
tatlo hanggang anim na buwang sweldo bilang placement fee. Pinagbabayad
pa siya ng pagkain at paglagak, $2 bawat araw na naglagi sa ahensya kahit
pa nga wala na siyang kita.
May isang ahensya sa
Singapore, Nation Employment Agency sa Bukit Timah shopping center, na
bilang panghimok sa mga prospektibong amo ay gumagamit ng tunay na
katulong, nakauniporme bilang mga buhay na manekin, kunwari ay naglilinis
ng bintana, nagsasampay ng damit, nagwawalis at napapaligo sa mga bata
para mapanood.
Maraming amo ang
abusado sa kanilang katulong: verbal na mayroon pang tinatawag na
“indiota” imbes na ang tunay na pangalan ng katulong, parating nilalait sa
bawat pagkakamali; pisikal na kaparusahan, tulad ng pamamalo ng bakal na
ruler o pagtapon ng mainit na tubig; pagkakait ng pagkain; hindi
pagbabayad ng sweldo, o kung magbayad man ay hindi sapat o yung
napagkasunduan; kulang sa oras ng pahinga; sexual na pang-aabuso; at
iligal na pangangatulong sa ibang poder, tulad ng nanay ng amo o sa
opisina, may isa pa ngang binibigyan rin ng trabaho sa pabrika bukod pa sa
trabaho sa bahay!
May teorya ako
tungkol sa Singapore. Sa huling 30 taon ito lubos na umunlad, hindi pa
pantay na uri ng pagkaunlad. Nananatiling maraming mahirap, may
naisantabing mga lahi sa kanilang multikultural na lipunan. Hindi pa sila
sanay na maging mayaman at umaskang mayaman. Sa katunayan, ang sinasambit
na taunang kita ng bawat mamamayan ay lampas sa USD$35,000. Pero malaking
bilang ay hindi kumikita ng ganitong halaga bawat taon. Hindi lamang iisa
ang kwento ng karangyaan at pagpapadloy sa Singapore.
Paano kaya
pag-iisahin ang kwentong katulong kung ang sarili nitong kwento ay hindi
na kayang iganyak sa kwentong Singapore? Bulatlat
-------
Halaw sa Human Rights
Watch, Maid to Order: Engding Abuses Against Domestic Workers in Singapore
17:10 (Disyembre 2005),
http://hrw.org/reports/2005/singapore
1205/singapore1205wcover.pdf (accessed noong 21 Setyembre
2006).
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.