Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Vol. VI, No. 34      Oct.1 - 7, 2006      Quezon City, Philippines

HOME

ARCHIVE

CONTACT

RESOURCES

ABOUT BULATLAT

 

Google


Web Bulatlat

READER FEEDBACK

(We encourage readers to dialogue with us. Email us your letters complaints, corrections, clarifications, etc.)
 

Join Bulatlat's mailing list

 

DEMOCRATIC SPACE

(Email us your letters statements, press releases,  manifestos, etc.)

 

 

For turning the screws on hot issues, Bulatlat has been awarded the Golden Tornillo Award.

Iskandalo Cafe

 

Copyright 2004 Bulatlat
bulatlat@gmail.com

   

DAGLI SA KRISIS

Milenyo

Ang bagyong Milenyo ay walang countdown.  Bigla na lamang itong dumating, biglang umalis.  Nag-iwan ng malawakang pinsala.  Tinanong ni Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang sekretaryo, kung hindi raw ba mapapabilis ang pagbabalik ng kuryente sa Luzon.  Kung iisipin, walang tiyak na itinatanong at isinasagot ang pamahalaan sa anumang bagay na ipinaparating sa kanya.   

NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat

Hindi ba’t ito ay tumutukoy sa isang libong taon?  Nakakadalawang milenyo na tayo, at nasa loob na nga tayo ng bukana ng ikatlong milenyo.  Dalawang milenyo ng uring tunggalian kung iisipin ng mga marxista, ng patriyarkal na pang-aapi ng mga feminista, ng produksyon ng pribilehiyong kaalaman ng kanluran ng mga postkolonyalista, ng labis na pag-aaksaya at pambubusabos sa kapaligiran ng mga environmentalista.

Pero mas simple ang sinasabi ng bagyong Milenyo.  Lumalabas na hindi random at aksidente ang pagkapangalan nitong bagyo na wumafung sa Luzon, lalo na sa Manila. 

Kung ang milenyo ang pagsisimula ng muling pagbilang ng edad at siglo, ang bagyo ay nagsasaad rin ng pagpatlang ng buhay, tungo sa pagsasara at pagbubukas.  Bigla tayong napatanga isang Huwebes na hapon na walang pagdausdos ang hangin, at mula sa bintana natin, nagliparan ang mga dahon, sanga at basura.  Dumagundong ang hangin, bumulagta ang mga puno, at nagpasukan ang mga tubig sa dingding, bubong at sahig.

Sabado na at wala pa ring kuryente sa kabuuang Manila.  Sa Bikol nga ay walang kuryente ang buong rehiyon.  Ang mga puno sa New Manila at Diliman ay napigtas at nakabalandra sa kalsada.  Tanging ang monumento ni Bonifacio na may hawak ng tabak ang nanatili sa harap ng Vinzon’s Hall sa U.P.

Ano ang isinasara at binubuksan ni Milenyo?

Ang paglikha ng hindi mapapantayang peligrong dulot ng bagyo ang naglilibing sa ngalan nito.  Hindi na ulit gagamitin ang pangalang Milenyo, tulad ng iba pang pangalang nakapaghasik ng napakalawak na peligro sa bansa. 

Tulad ng mga sentenaryong pagdiriwang ng kalayaan ng bansa o maging ang taunang pagbibilang ng kung ilang araw na lang bago magpasko, ang mas mahalaga ay ang countdown, hindi ang aktwal na araw ng selebrasyon at paggunita.

Pero ang bagyong Milenyo ay walang countdown.  Bigla na lamang itong dumating, biglang umalis.  Nag-iwan ng malawakang pinsala.  Tinanong ni Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang sekretaryo, kung hindi raw ba mapapabilis ang pagbabalik ng kuryente sa Luzon.  Walang tiyak na sagot ang sekretaryo.

Kung iisipin, walang tiyak na itinatanong at isinasagot ang pamahalaan sa anumang bagay na ipinaparating sa kanya.  Lalo na kung siya ay may kasalanan, na sa pambansang pamamalakad ay paratihang may accountability ito.  Magtatag ito ng komisyon para mag-imbestiga politikal na pagpaslang nang maipit ito ng mga organisasyong karapatang pantao at dayuhang pamahalaan.  Sa kasaysayan ng mga komisyong inatasang mag-imbestiga, walang kinahantungan ang mga ito maliban sa papatse-patseng pagtukoy ng maysala at pwersang nagdulot nito. 

Kung naghanda lamang tayo sa panahon ng sakuna, sakit, peligro, aksidente, disaster at paghihikahos…  Sino ang lubos na dapat maghanda, lalo na kung ito ang pamahalaan ng bansang may pinakamaraming bilang ng natural na disaster sa buong mundo?  Bakit parating kapos, mas matagal ang hagupit, mas malawak ang perwisyong dulot kada may malaking disaster na nangyayari?

Humilata tayo sa ating mga kama, tumitig sa kadiliman dulot ng blackout na bumabalot sa ating kapaligiran, at mag-isip habang nagpapaypay ng init, kung ano pa ang pwede nilang gawin para mas maging miserable ang ating pang-araw-araw na buhay? Bulatlat

------------------------------

(Ang maikling kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)

 

BACK TO TOP ■  PRINTER-FRIENDLY VERSION  ■   COMMENT

© 2006 Bulatlat  Alipato Media Center

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.