Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Vol. VI, No. 35      Oct. 8 - 14, 2006      Quezon City, Philippines

HOME

ARCHIVE

CONTACT

RESOURCES

ABOUT BULATLAT

 

Google


Web Bulatlat

READER FEEDBACK

(We encourage readers to dialogue with us. Email us your letters complaints, corrections, clarifications, etc.)
 

Join Bulatlat's mailing list

 

DEMOCRATIC SPACE

(Email us your letters statements, press releases,  manifestos, etc.)

 

 

For turning the screws on hot issues, Bulatlat has been awarded the Golden Tornillo Award.

Iskandalo Cafe

 

Copyright 2004 Bulatlat
bulatlat@gmail.com

   

DAGLI SA KRISIS

Pambansang Isda

Ano ang turing natin sa mga simbolong ipinagbubunyi ng bansa? Sa kaso ng bangus sa kasalukuyan, ito ay dine-debone.  Mahikal na trinatransforma ang mabilis na lumalangoy na pilak na isda tungo sa isdang biniyak sa kalahati, ibinabad sa suka at bawang, at walah! wala pang tinik.

NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat

                Ano ang kahulugan kapag sinasabing pambansang simbolo? 

                Pambansang dahon?  Anahaw.

                Pambansang prutas?  Mangga.

                Pambansang hayop?  Kalabaw.

                Pambansang isda?  Bangus.

                Nagpupugay ba tayo sa mga ito gaya nang pagpupugay ng mamamayan at bansa sa paanan ng dambana ni Jose Rizal, ang pambansang bayani?  Ano ang turing natin sa mga simbolong ipinagbubunyi ng bansa?

                Sa kaso ng bangus sa kasalukuyan, ito ay dine-debone.  Mahikal na trinatransforma ang mabilis na lumalangoy na pilak na isda tungo sa isdang biniyak sa kalahati, ibinabad sa suka at bawang, at walah! wala pang tinik.

                Si Princess Ballesteros ang pinakamabilis na magtanggal ng tinik ng bangus.  Simula pa nang siya ay nasa Grade IV, ngayon sa edad na 17 ay nakakatanggal siya ng lima hanggang pitong bangus kada minuto!

                Nagtratrabaho si Princess kay Aling Fe na nakakapagtanggal ng tinik ng bangus galing sa 35 na banyera.  Kay Aling Alma napupunta ang mga tinik.  Pinsan kasi ng asawa ni Aling Fe si Aling Alma.  Nakasalampak nang apat na oras sa munting bangko, pitong taon na niyang kinakayod ng kutsara ang nasamang laman sa tinik.  Masakit man ang kanyang braso, likod at balikat, nakakaipon pa rin siya ng limang kilong laman na ibinebenta niya ng P40 bawat kilo.  Ito ang sumusuporta sa lima niyang anak, apat ay nagpapaaral pa.

                Sa syudad ng Dagupan, ipinagdiriwang nang husto ang pambansang isda.  Taunang ipinagbubunyi tuwing Abril ang Bangus Festival.  Sa katunayan, sa nakaraang “Kalutan ed Dagupan,” ang malaking barbeque party, ang syudad ang nakalampas sa world record ng Peru nang mag-ihaw ito ng 24,000 bangus na umabot sa 1,007 metro at mapasok sa Guinness Book of World Records.  Ang record ng Peru ay 613 metro lamang.

                Sa syudad ng Dagupan, lahat ay may katumbas na lutong bangus:  lumpiang bangus, bangus belly, bangus sisig, tinapang bangus, daing na bangus, bangus longganisa, chicarong bangus, at bangus tapa, halimbawa.  Kulang na lang ay may halayang bangus, halohalong bangus, leche flang bangus, at iba pa.

                Matalas ang pang-amoy ng dayuhan sa pagdambana ng mamamayan at syudad ng Dagupan sa pambansang isda.  Isinama ang syudad sa 33 inilista ng World Bank sa City Development Strategies.  Ang mga proyektong inihanay para sa Dagupan ay flood control mitigating project, bangus processing plant, at pagtayo ng tatlong palapag na palengke para sentralisadong lugar ng pagbenta ng mga produkto mula sa planta.

                Para itayo ang processing plant, kailangang i-demolish ang Bagong Barrio, ang lugar ng CBN Bonuan Boneless Bangus, ang negosyong itinatag noon pang 1994 mula sa pawis at dugo ni Aling Fe, at pinagkukunan ng kabuhayan ni Aling Alma.

                 Malapit nang dumating ang hantungan at bawat araw ay lalong kinakabahan ang mga maliliit na negosyanteng, tulad ni Aling Alma, at iba pang indibidwal na pinagkukunan ng negosyo mula rito, tulad ni Aling Alma.  Kapag natatag ang planta ng bangus, baka wala nang mapagkunang libreng tinik si Aling Alma.

                Habang tsinatsani ni Princess ang natitirang hiblang tinik at kinakayod ng kutsara ni Aling Alma ang huling nakakapit na laman, may saglit na sandali na bigla na lamang silang mapapatigil, mapapabuntung-hininga nang tila hindi nila namamalayan na dahilan.  Sa ngayon, habang kumikirot pa ang likod ni Aling Alma at malinaw pa ang mga mata ni Princess, bigla silang babalik sa gawain nang tila walang patid sa nangyaring iglap.  Ni hindi na rin maalaala na ang kanilang maingat na trinatrabaho ay isang simbolo ng pagbubunyi sa bansa. Bulatlat

------------------------------

(Ang maikling kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.

 

BACK TO TOP ■  PRINTER-FRIENDLY VERSION  ■   COMMENT

© 2006 Bulatlat  Alipato Media Center

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.