This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com).
Vol. VI, No. 36,
Oct.
15-21, 2006
DAGLI SA KRISIS*
Pagninilay-nilay
NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat
Koro 1: Kapag napaliit natin ang populasyon ng mundo sa isang maliit na baranggay na may exaktong 100 tao, na nananatili ang namamayaning human ratio na pareho, ito ang magiging hitsura:
Mayroong
57 na Asyano
21 na Europeo
14 mula sa Western Hemisphere, parehong North at South
8 Afrikano
52 na babae
48 na lalake
70 na hindi puti
30 na puti
70 na hindi Kristiano
30 na Kristiano
89 na heterosexual
11 na homosexual
6 na magmamay-ari ng 59 porsyento ng kabuuang yaman ng mundo; lahat ng anim ay galing sa US
80 na nakatira sa substandard na bahay
70 na hindi makapagbasa
50 na may malnutrisyon
1 na malapit nang mamatay
1 na malapit nang manganak
1 na nakatapos ng kolehiyo
1 na mayroong kompyuter
Koro 2: Kapag gumising ka ngayong umaga na mas malusog kaysa may karamdaman, isa ka sa mas nabiyayaan kaysa sa isang milyong hindi makakaligtas sa karamdaman ngayong linggo.
Kapag hindi ka pa nakakaranas ng peligro ng pakikidigma, kalungkutan ng pagkakulong, pagdurusa sa tortyur, o ang pagdanas ng matinding kagutuman, abante ka kaysa 500 milyong tao ng mundo.
Kapag nakakasimba ka nang walang takot ng harassment, pagkaaresto, tortyur o kamatayan, mas banal ka kaysa sa tatlong bilyong tao ng mundo.
Kapag may pagkain ka sa ref, damit sa iyong katawan, at barya sa bulsa, mabuhay! kasama ka sa nakakataas na walong porysento ng pinakamayaman sa mundo.
Kapag buhay pa ang pareho mong magulang at nananatiling kasal, tunay kang kakatwa, kahit sa US at Canada.
Kapag nababasa mo itong dagli, mas nabibiyayaan ka dahil lampas na dalawang bilyong tao sa mundo ay hindi nakakapagbasa.
Koro 3: Kung ano ang isinusok mo, siya mo ring dudukutin.
Ipagsigawan daw ito; ipalagay na kasinlaki ng karatula ng Great Wall ng Tsina; ilagay na table sign sa mga mesa nina Bush, Saddam Hussein; ipalilok sa mga haligi ng bawat kuweba na nandoon si Bin Laden na maaring matagpuan, buhay man o patay; ilagay sa mga mesa nina Powell, Rumsfeld, Ari Fletcher, Ms. Rice, at Jose Maria Sison sa Amsterdam (sinong hunghang ang nagdagdag nitong huli sa email?).
Koro 4: Mga pampababa ng luha para sa inyong unan:
Magtrabaho na parang hindi mo kailangan ng pera.
Magmahal na parang hindi ka pa nasasaktan.
Sumayaw na parang walang nanonood sa iyo.
Umawit na parang walang nakikinig sa iyo.
Mamuhay na parang ito ay langit sa mundo!
Koro 5: Kung hindi ka ba naman tinamaan ng lintek, paano mo magagawa ang Koro 3 at 4 kung kalalahad mo pa nga lang ng Koro 1 at 2!
Liberalismo, anti-komunistang pananaw!
Idealistang pananaw ni Gloria Macapagal Arroyo na isasaalang-alang ng taumbayan!
Mantra ng naghaharing uri!
Koro 6: Alternatibong pagninilay-nilay kung bakit nakikibaka
Bakit pinatay si Obispo Alberto Ramento gayong ipinagtatanggol niya ang karapatan ng mamamayan?
Bakit iniipit ang pondo ng diyaryong Philippine Collegian gayong ito ay pera ng mag-aaral?
Bakit wala pa ring ulat ang Task Force Usig ni Arroyo gayong Oktubre 7 ang deadline nito para lutasin ang sampu man lamang kaso ng politikal na pagpaslang?
Bakit imbis na mahanda ang bansa sa direksyon ng pag-unlad nito ay lalo lamang humahantong sa mas peligrosong posisyon sa pagdanas ng mga sakuna at peligro?
Bakit maraming bata pa rin, kasama ang mga anak at pamangkin, ang hirap sa buhay ngayon at sa hinaharap? Ano ang pangitain nito?
Bakit hindi pa rin tunay na malaya ang bansa?
(Halaw sa “A Bit of Philosophy,” mula kay Joy Lancero at naipadala sa plaridel_papers@yahoogroups.com (inakses noong 30 Enero 2003.)
------------------------------
(Ang maikling kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)
© 2006 Bulatlat ■ Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.