This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com).
Vol. VI, No. 37,
Oct.
22-28, 2006
Punta Spartivento
NI E. SAN JUAN, JR.
Inilathala ng Bulatlat
(Para kina
Sarah Raymundo, Sherlyn Cadapan at Karen Empeño)
Kamusmusa’y
pinaglahuan, Mahal ko,
Nahubdang kariktan
ng lawa bundok ulap ang pinagpalang dulot sa atin ng kalikasan
Sa kabilang ibayo
nagliliyab ang mga bulaklak sagisag ng biyayang ipinangako….
Ngunit anong
bagwis ng lumipas ang sumisingit
lumalambong sa
ganda’t aliwalas ng ating pagtatagpo?
bumibiyak sa pinagbuklod na pagnanais, humahati sa pinagtipan?
Nagugunita ang mga
pinagmalupitang “ininis sa hukay ng dusa’t pighati”….
Alaala ng
kinabukasan—
anong balitang
bulalas ng dumaragsang hangin?
Pinatay sina Juvy
Magsino, Benjaline Hernandez, Eden Marcellana, Rafael Bangit, Alyce Claver….
Sa dalampasigan ng
Punta Spartivento, nagtatagpo’t naghihiwalay ang alon—
sa
kaliwa o sa kanan, hayun at naryan—tila baga walang pagpapasiya,
itinutulak sa
kaliwa o kinakabig sa kanan
pinaghahati ng
tadhana o kapalaran?
itinitulak
ng pagkamuhi, kinakabig ng pagmimithi?
Anong layag ang
pumalaot sa kabilang pampang—urong sulong pataas pababa?
Kukong dayukdok ng
mandaragit ang humahagupit ngayon—
Halos di madalumat
ng manlalakbay ang krimeng naganap at nagaganap--
764 pinatay, 184
dinukot at pinagsamantalahan—
Nasayang ba, Salud?
“Buhay ma’y abuting magkalagot-lagut”—ilan pang hakbang?
Dumurugtong ang
inabot ng mga hinagupit ng walang-katarungang orden,
Iniuugnay ng mga
pinaglaho’t nilunod ng kabuktutan….
Agaw-dilim sa
Punta Spartivento….
humahati’t
bumibiyak sa agos ng karanasan….
Sa pangungulila,
kumikintal sa budhi ang mga mandirigmang sumakabilang buhay
Nakaigpaw sa
kuko’t pangil ng daungang humahati’t naghihiwalay—
Mahal ko, sa iyong
labi namilaylay ang bukang-liwayway ng biyayang ipinangako,
inilagak sa
hiwa ng dalamhati’t luwalhati, ng kailangan at di-kailangan,
ng walang halaga
at may halaga, habang magkayapos, tiim ang bagang,
sumasagupa sa
buhawi ng dalampasigan….
Pinagpala ang
ilanlibong mamamayang biktima ng mga oligarko’t komprador
sa biyak ng
kahapong lumubog at ng kinabukasang pumapaimbulog
Pinagpala ang mga
kasamang naghiwalay at humati, nagbukod at bumiyak
Makikilala din ang
umiwas at ang dumulog, ang nakihamok at ang tumiwalag,
Magtatagpo ang
lahat sa Punta Spartivento ng himagsikan.
Bellagio, Italya
Setyembre 2006
Inilathala ng
Bulatlat © 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
“Walang pag-aalsang nasasayang. Bawat isa’y hakbang sa wastong direksyon.”
—Salud Algabre