This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com).
Vol. VI, No. 40,
Nov. 12-18, 2006
Pagdalaw sa Libingan ng mga
Buhay: Sagutang-tula
NINA AXEL PINPIN AT RONALYN OLEA
Inilathala ng Bulatlat
Ang Pagdalaw sa Libingan ng mga Buhay*
Ni Axel Pinpin,
sa ngalan ng Tagaytay 5
Iwan n'yo na ang kandila, 'wag nang mag-abala sa
bulaklak
'Wag n'yo lang kalilimutan na magbaon ng
halakhak,
Pagkat kailangan iyan ng nauupos naming tuwa,
Pampahalimuyak din iyan ng alingasaw ng dusta.
Kami ay ipinanganak noong taon ng pagkadupilig
At tinangkang patayin sa panahon ng paglupig.
Ngunit imbing krimen ay bigo; hindi nagtatagumpay;
Pasya ng sepulturero'y ibaon kami sa libingan ng mga buhay.
Ang binubulok dito'y hindi malamig na katawang-lupa
Kundi mga pangarap at alab ng hangad ng paglaya.
Ang inaagnas dito'y hindi buto, buhok at ngipin
Kundi mga karanasan ng paglaban ng kauring alipin.
At kung maliligaw ka sa paghahanap ng aming
puntod,
Hanapin lamang ang kurus na punglo sa baywang ng
mga tanod.
Ang nitso nami'y di marmol, bagkus ay kalawanging
rehas
At sa lapida ay nakaukit ang walang-kamatayang
pag-aaklas.
23 October 2006
Camp Vicente Lim *Binigkas ni Axel ang tulang ito nang
dumalaw ang mga kasapi ng pambansang konseho ng Bagong Alyansang Makabayan
(Bayan) sa kanilang piitan.
Sa Pagdalaw sa Libingan ng
mga Buhay
(Tugon sa Tagaytay 5)
Ni
Ronalyn Olea, sa ngalan ng Bayan National Council
Wala kaming alay na kandila't mga bulaklak
Baon namin sa pagdalaw ay galak,
Sapagkat hindi nauupos ang diwa
ng inyong paglaban para sa mga dukha
Tayo'y ipinanganak sa taon ng pagkadupilig
At hindi mananaig ang paglupig.
Imbing krimen ay bigo; hindi magtatagumpay;
Hindi maililibing ang inyong pag-aalay.
Ang binubulok diyan ay hindi malamig na katawang
lupa
'Di rin nabubulok mga pangarap at alab ng hangad
ng paglaya.
Maagnas man ang buto, buhok at ngipin
Magpapatuloy ang paglaban ng kauring alipin.
Sakali mang mayroong mahanap na mga puntod,
May tatangan sa kurus na punglo sa baywang ng mga
tanod.
Wala mang marmol na nitso at kalawangin ang rehas
Sa puso ng masa, nakaukit ang walang kamatayang
pag-aaklas.
Oktubre 29, 2006
Inaresto noong April 28, 2006 at inilabas
lamang noong Mayo 1 ng mga miyembro ng Phgilippine National Police (PNP) at
Naval Intelligence Security Forces (NISF) sina Axel Alejandro Pinpin, Riel
Custodio, Aristedes Sarmiento, Enrico Ilagan Ybañez at Michael Masayes. Sa loob
ng 58 oras nilang pagkawala, sila ay sumailalim sa matinding mental at pisikal
na tortyur. Ang grupo, na mas kilala na ngayon sa tawag na "Tagaytay 5" ay
inaakusahang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines at New People’s
Army (CPP-NPA). Inaakusahan din silang may tangkang pasabugin ang Malacañang
noong Mayo 1. Hindi na inilitaw ng PNP ang nasamsam nitong perang umaabot sa
P400,000 na pambili sana ng mga magsasaka ng kagamitan sa pagsasaka. Hanggang
ngayon, nakapiit sila sa sa Camp Vicente Lim, sa kasong rebelyon.
Inilathala ng Bulatlat © 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.