This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com).
Vol. VI, No. 42,
Nov. 26-Dec. 2, 2006
How did I Spend My First Interrogation Night?
NI AXEL PINPIN
Inilathala ng Bulatlat
Madilim. Alangang mapusyaw na abuhin at itim.
Madilim. Madilim na madilim ang dulot ng piring.
Tumutulo ang aking uhog sa sangsang ng amoy ng
tinta
Ng dyaryong ‘pinantakip at ipinulupot sa aking
mukha
At saka waring pinalitadahan ng pagkit ng teyp
Na siyang tuluyang gumapi sa nalalabing ilaw.
Malamig. Dumadaiti ang lamig na dulot ng
armalayt
Sa lagkit ng pawis sa aking noo. Malamig sa
balat
At malagkit na malagkit ang upuang plastic
Na kumakaskas sa pawis ng siko kong nanginginig.
Ramdam ko ang pag-angat ng aking puwit sa tinig
At titig na matalim na waring naglalagos sa
aking piring.
Sino ba kayong mga dumukot at nagdala sa akin
dito?
Sino ba sa atin ang biktima at sino ang
tagapagligtas?
Kayo ba ang kapwa ko biktimang bumibiktima
Sa mga tagapagligtas ng biktima? Sino? Sino
kayo?
Bakit di tayo kapwa ipahamak ng putok ng inyong
baril
At ng talas ng katotohanan ng tugmaan kong
matatabil?
At kung tayo nga ay ipahamak, saka kapwa
magpatawad.
Subalit di kailangang agad makalimot kahit
nagpatawad,
Dahil mag-iiwan ng pangit na marka ang posas sa
‘king braso,
Dahil mag-iiwan ng ngitngit ang dulo ng baril sa
‘king sentido,
Dahil mag-iiwan ng dilim ang duwag na piring sa
‘king mata,
Dahil paghihigantihan ang tagapagligtas ng
kanyang biktima!
A, kung gayo’y kayo nga ang matwid na
tagapagligtas!
At kayo rin ang magiging biktima ng aming
Kapatawaran!
Ay, kamatayan! O, kamatayang walang kasing tamis!
Ihimlay mo na ako kapiling ng tula ng mga gahis,
Sa ritmo at awit ng putok ng baril ng mga
salarin,
At sa ngalit ng pagganti ng tugmaan kong
matatabil!
Unang binigkas:
28 Abril 2006/gabi
lugar na di alam sa Metro Manila
na malapit sa airport at riles ng tren
Muling isinulat:
11 November 2006/ 0211hrs
Camp Vicente Lim
Inilathala ng Bulatlat © 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.