This story was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly newsmagazine (www.bulatlat.com).
Vol. VI, No. 50, Jan. 21-27, 2006


 

TULA (POETRY)

Pagpupugay kay Kasamang Monico Atienza

NI E. SAN JUAN, JR.

Inilathala ng Bulatlat


Tuwing dalaw namin, naghuhuntahan tayo sa lagusan ng DiliMall –
Ngiti't biro mo'y testimonyo, sa gitna ng terorismong umiiral,
Sa masiglang pagsulong ng proletaryong masa sa bansa't buong daigdig
Buhat pa sa mahimalang pagkaigpaw sa tortyur sa Crame't Bicutan…

Tunay ngang bawat sakit at sakuna'y katambal ng tuwa't ligaya –
Sumalubong ka sa ulan ng punglo, di alintana ang panganib sa bukana,
Walang pangambang binagtas ang diyalektikong landas ng pakikibaka
Walang pakundangan sa ahos at tukso ng imperyalismong humahadlang

Nagmamadali sa pagtawid sa rumaragasang agos ng kasaysayan –
Malayo ka na, pulang manlalakbay, ngunit aantabayanan pa rin namin
Habang libu-libong puso'y nagpupumipiglas sa Crame, Abu Ghraib, Guantanamo,
Sa susunod nating pagtatagpo sa lagusan ng DiliMall, Ka Nick,

Sasalubungin ka namin, tiwala na naghihintay sa dulo ng daang magubat
Ang himala ng ngiti mong bumabati sa tagumpay ng rebolusyon.

Inilathala ng Bulatlat

 

© 2006 Bulatlat  Alipato Media Center

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.