Just-in-time
Tila mahika ang
bilis ng pag-deliver ng mga pagkaing dayuhan tulad ng hamburger at pizza
na hindi kayang pantayan ng mga lokal na gumagawa ng pagkain. Pero iba
pa rin ang sarap ng huli dahil ang kasiyahang nadarama ay hindi lang
simpleng paglalaway.
Ni Rolando B. Tolentino
Bulatlat
Masaya si
Latifundia dahil tuwing pumipikit siya, iisip ng gustong makain at hindi
pa man bumubuka ang kanyang bibig, rumorolyo ang dila sa ibabaw ng
bunganga at tagiliran ng ngipin ay bigla na lamang dumarating, impunto,
ang kanyang pinapangarap.
Gusto niya ng
hamburger, sumagi pa lamang sa kanyang diwa, ay bigla nang may
nakaunipormeng nakangiti at bumabati ng “Good morning. Have a nice
day.” na naghahatid ng hamburger. Gusto niya ng pizza at may magdo-door
bell na, may mainit na nakakahong pizzang inilalabas sa pakete. Gusto
niya ng tall decaf green tea frappuccino with machiatto syrup, low fat
milk, double-whip cream with white mocha, at walah! nandiyan na kasabay
ng boses na nag-aanunsyo ng kanyang ino-order para sa tila itinatanging
Latifundiang binibigkas ng barista.
Pero hindi
nagtatagumpay ang ganitong mahikal na sandali sa ibang pagkain—kapag
gusto niya ng Ma-mon-luk na mami at siopao, 3M Pizza o D’ Original Buko
Pie, kailangan niyang mag-antay ng syam-syam para makarating ito sa
kanya. Minimum na isang araw na pataan, parang kapag gusto niya ng
boneless roast duck sa Binondo, marang sa Davao, Malaybalay na kape, at
maging ang paradusdos at sapinsapin ni Nanang Henyang sa San Leonardo,
Nueva Ecija.
Hindi pantay ang
bilis ng paggawa, pagbenta at pagkonsumo ng pagkain. Bawat araw ang
gawa ni Nanang Henyang sa kanyang mga minatamis na ibinebenta at nauubos
tuwing hapon. Ang pastillas ng San Miguel, Bulacan ay mabibili na sa
lahat ng mall, maging ang iba’t ibang bersyon ng puto ube, maliliit na
kutsinta at putong puti ng Pangasinan ay nasa tagong mga kalsada ng
Quezon City. Ang Fuji apple at mangga ay nakakapagtakang pwedeng mabili
kahit anong araw. Ano nga ba ang pinakamabilis na malutong instant mami
o pansit canton?
Pumikit si
Latifundia, tulad nang nakahiligan niyang gawin tuwing bigla siyang
naglalaway, iniisip kung ano ang kailangan niyang matikman para maibsan
ang pagnanasa ng bibig. Gusto niya ng matamis pero nang dumating ang ube
cake ay tila hindi siya nasiyahan. Para pa ngang pinipilit lang niyang
maubos ang buong cake. Gusto niya ng maasim, at nang dumating ang
tsitsarong may maanghang na sukang sawsawan, sumakit na ang kanyang
batok pero nanatili siyang hindi masaya. Gusto niya ng mapait, at
dumating ang nakabotelyang atsarang ampalaya, ibinebenta ng NGO na
nagbibigay ng negosyo para sa mga babaeng biktima ng domestikong
karahasan sa Gagalangin, Tundo, pero hindi rin siya naging masaya rito.
Naisip niya ang pait ng karanasan ng mga biktima.
Ngayon ay parati na
lamang nakadilat si Latifundia lalo na habang naglalakad sa food court
ng kanyang paboritong mall. Tinatakam siya ng bawat nakalista sa menu,
bawat litrato ng pakain, at bawat ulam na tinatanglawan ng malakas na
ilaw. Hindi na siya naglalaway. Tutungo siya sa paborito niyang
fastfood. Maririnig ang mga ingles na pabalat-bungang pagbati ay tunay
na nakakapagpataba ng kanyang puso. Halos maiiyak siya habang binibigkas
ang kanyang tugon, “Budget meal 3, upsize please.” Bulatlat
------------------------------
(Ang maikling
kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon
ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring
dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang
pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.