This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VI, No. 51, Jan. 28-Feb. 3, 2007
Just-in-time Tila
mahika ang bilis ng pag-deliver ng mga pagkaing dayuhan tulad ng hamburger at
pizza na hindi kayang pantayan ng mga lokal na gumagawa ng pagkain. Pero iba pa
rin ang sarap ng huli dahil ang kasiyahang nadarama ay hindi lang simpleng
paglalaway.
Ni Rolando B. Tolentino Masaya si Latifundia dahil
tuwing pumipikit siya, iisip ng gustong makain at hindi pa man bumubuka ang
kanyang bibig, rumorolyo ang dila sa ibabaw ng bunganga at tagiliran ng ngipin
ay bigla na lamang dumarating, impunto, ang kanyang pinapangarap. Gusto niya ng hamburger,
sumagi pa lamang sa kanyang diwa, ay bigla nang may nakaunipormeng nakangiti at
bumabati ng “Good morning. Have a nice day.” na naghahatid ng hamburger. Gusto
niya ng pizza at may magdo-door bell na, may mainit na nakakahong pizzang
inilalabas sa pakete. Gusto niya ng tall decaf green tea frappuccino with
machiatto syrup, low fat milk, double-whip cream with white mocha, at walah!
nandiyan na kasabay ng boses na nag-aanunsyo ng kanyang ino-order para sa tila
itinatanging Latifundiang binibigkas ng barista. Pero hindi nagtatagumpay
ang ganitong mahikal na sandali sa ibang pagkain—kapag gusto niya ng Ma-mon-luk
na mami at siopao, 3M Pizza o D’ Original Buko Pie, kailangan niyang mag-antay
ng syam-syam para makarating ito sa kanya. Minimum na isang araw na pataan,
parang kapag gusto niya ng boneless roast duck sa Binondo, marang sa Davao,
Malaybalay na kape, at maging ang paradusdos at sapinsapin ni Nanang Henyang sa
San Leonardo, Nueva Ecija. Hindi pantay ang bilis ng
paggawa, pagbenta at pagkonsumo ng pagkain. Bawat araw ang gawa ni Nanang
Henyang sa kanyang mga minatamis na ibinebenta at nauubos tuwing hapon. Ang
pastillas ng San Miguel, Bulacan ay mabibili na sa lahat ng mall, maging ang
iba’t ibang bersyon ng puto ube, maliliit na kutsinta at putong puti ng
Pangasinan ay nasa tagong mga kalsada ng Quezon City. Ang Fuji apple at mangga
ay nakakapagtakang pwedeng mabili kahit anong araw. Ano nga ba ang
pinakamabilis na malutong instant mami o pansit canton? Pumikit si Latifundia,
tulad nang nakahiligan niyang gawin tuwing bigla siyang naglalaway, iniisip kung
ano ang kailangan niyang matikman para maibsan ang pagnanasa ng bibig. Gusto
niya ng matamis pero nang dumating ang ube cake ay tila hindi siya nasiyahan.
Para pa ngang pinipilit lang niyang maubos ang buong cake. Gusto niya ng maasim,
at nang dumating ang tsitsarong may maanghang na sukang sawsawan, sumakit na ang
kanyang batok pero nanatili siyang hindi masaya. Gusto niya ng mapait, at
dumating ang nakabotelyang atsarang ampalaya, ibinebenta ng NGO na nagbibigay ng
negosyo para sa mga babaeng biktima ng domestikong karahasan sa Gagalangin,
Tundo, pero hindi rin siya naging masaya rito. Naisip niya ang pait ng
karanasan ng mga biktima. Ngayon ay parati na lamang
nakadilat si Latifundia lalo na habang naglalakad sa food court ng kanyang
paboritong mall. Tinatakam siya ng bawat nakalista sa menu, bawat litrato ng
pakain, at bawat ulam na tinatanglawan ng malakas na ilaw. Hindi na siya
naglalaway. Tutungo siya sa paborito niyang fastfood. Maririnig ang mga ingles
na pabalat-bungang pagbati ay tunay na nakakapagpataba ng kanyang puso. Halos
maiiyak siya habang binibigkas ang kanyang tugon, “Budget meal 3, upsize
please.” Bulatlat
------------------------------ (Ang maikling
kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon
ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring
dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang
pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.) © 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
Bulatlat