This story was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VII, No. 10, April 15-21, 2007


 

TULA (POETRY)

Kapag Pumula ang Araw sa Silangan

 

NI OLIVER CARLOS

Inilathala ng Bulatlat

 

Kung paanong kinauuhawan ng mga uhay ng palay

Ang kristal na hamog sa bukang-liwayway

Ang kung paanong sabik na sinasalubong

Kinakanlong ng mga bitak sa linang ng lupa

Ang agos ng tila nahihiyang tubig

Na titighaw at dadampi sa dibdib ng sakahan

 

Alam kong hinihintay mo rin ako

 

Inang bayan¸ babalik ako

Tulad ng isang agilang magpapakupkop sa init ng iyong pugad

ikampay man nang kay layo sa nagpupuyos na hangin ang kanyang mga pakpak

Lakbayin man ang dawag ng mapagkanlong na gubat

At tawirin ang mga nagkulay dugong batis sanhi ng digmaan

 

Sa iyong nawasak at naulilang dibdib, babalik ako

Libong ulit man akong masugatan

Hangga’t makatitindig ay buong-giting na aawit ang tangan kong baril

Pipilitin kong huwag malugmok sa kasukalan

Pipilitin kong makabalik

 

Dahil batid ko…

 

Tulad ng mga uhay ng palay na kinasasabikan

Ang dampi ng masuyong hangin

Ang kristal na hamog sa bukang-liwayway

Nasasabik ka nang salubungin ang katuparan ng isang pangarap…

 

Pangarap na balang araw, tulad nila’y makababalik din ako sa iyong sinapupunan

At taas-kamao mong ipagbubunyi kasama ng iyong mga anak ang iyong kalayaan…

Kapag pumula ang araw sa silangan.

 

Inilathala ng Bulatlat

 

© 2007 Bulatlat  Alipato Publications

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.