This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VII, No. 10, April 15-21, 2007
TULA (POETRY)
Butil ng Palay, Sako at Baril
(Alay kay Kasamang Noel,
martir ng dekada 80)
NI OLIVER CARLOS
Inilathala ng Bulatlat
May luha sa iyong mga titig
Lipos ng takot ang namamaga mong mukha’t dibdib
At sa pagkahandusay ng duguang katawan sa
inaanay mong sahig
Tiim-bagang nanghihina, pahagulgol mong nasambit,
Mga salot! Mga ganid! Mga lintang sumisipsip!
O kay hapdi ng iyong sugat mula sa palo ng
baril
Habang kipkip ang duguang sako na lalagyan sana
ng mga butil…
Butil ng palay mula sa lupang iyong inaruga at
inibig
Lipakin mong palad at butuhang gulugod ang
naghasik
Sa bawat pitak ng lupa na piping saksi sa iyong
mga pasakit
Bakit nang aanihin na’y saka sila darating?
Panginoong maylupa, usurerong ganid at sakim
Nangakangising kinamkam, mga butil na iyo na
lamang kakainin
Wala na ang butil!
Wala ka nang palay na ipupunla’t itatanim
Wala na rin
ang lupang ipinambayad sa utang na sapilitang siningil
Sa kaunting utang na dumoble, tumubo nang walang
tigil
Matagal na dapat nailuwal sa ani ng lupa ang mga
utang na iyon
Bakit ngayo’y kanila pa itong inaangkin?
Wala na ang
lupa!
Wala ka nang
palay na maisisilid
Sa ulilang sako na naghihintay sa inani mong mga
butil
Kaytalim ng iyong mga titig
Lipos ng galit ang kinulata mong mukha’t dibdib
May apoy ang bawat salitang nagnunulas sa iyong
bibig
O kay tatag ng iyong mga hakbang, kay lalim ng
iyong iniisip
Duguang
sako’y may halaga pa rin! Nagsisilbing pambalot....
Pambalot sa bitbit mong baril!
Inilathala ng Bulatlat © 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.