This story was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VII, No. 11, April 22-28, 2007


 

 

TULA (POETRY)

Si Bengbeng

 

NI MARK ANGELES

Inilathala ng Bulatlat

 

Mercedita ang kanyang pangalan.

Bengbeng ang sa kanya ipinalayaw.

Ito ang huli niyang naulinigan

matapos itumba sa kinakapitan.

 

Magtatatlong taon si Mercedita

noong mangyari ang trahedya.

Naglalakad siya mula sa eskuwela

nang matanaw ang kanyang ina.

 

Hawak sa leeg ng armadong sundalo

ang buntis na inang napa-Diyos ko!

habang dinuduraan sa kuwelyo

ang asawang napaigtad sa mga bayo.

 

Nang mamalas, patakbong lumapit,

sa saya ng ina siya ay napakapit.

Sagitsit ng putok ang huling narinig

bago ang mga mata niya ay ipikit.

 

Mga asong palaboy ay nagsikahulan.

Pati mga manok na kanilang inalagaan

ay nagsilipad at nahintakutan

sa mga dugong bumuhos sa bakuran.

 

Bengbeng! anang musmos, Bengbeng!

(maliliit na mga daliri ay hinugis-baril),

nang sa ospital siya ay magising

at trahedyang sinapit ay usisain.

 

Mercedita ang kanyang pangalan.

Bengbeng ang kanyang palayaw.

Hindi lamang siya dapat kaawaan.

Singilin ng dugo ang mga kriminal!

 

Inilathala ng Bulatlat

 

*Si Mark Angeles ay dating vice president for Luzon ng College Editors Guild of the Philippines. Naging Fellow sa Tula ng magkasunod na IYAS at Iligan National Writers Workshops nitong 2006. Nakapaglabas na siya ng mga tula sa Sunday Inquirer Magazine, Literary Apprentice, Philippine Graphic, atbp.

 

2007 Bulatlat  Alipato Publications

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.