DAGLI SA KRISIS
Dalawang Buwan Matapos ang Reming, Albay
Nananaginip si Bobet gabi-gabi ng
pagbukas niya sa bintana at rumaragasa ang putik at bato. Maitim ang
ilog sa bukana ng bahay. Tinatangay ang sumasalungat na tao, manok,
baboy at kalabaw. Naghuhimiyaw ang mga ito pero hindi kaya ng
dambuhalang tunog ng pagragasa. At araw-araw ay gumigising si Bobet para
maglakad, wala namang pinatutunguhan, pero umaasang may matutunghayang
mahalagang bagay.
NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat
Naglalakad si Bobet, wala naman talagang
pinatutunguhan, umaasang may makikitang bagay na may halaga. Tinakpan ng
buhangin at higanteng bato ang baranggay Busay. Kalahati nito, binaon
sa limot, kasama ng 49 mamamayan. Isang daan at apatnapu’t siyam ang
nawawala pa rin, buhat-buhat ang toneladang bigat ng masaganang buhangin
at bato.
Dalawang buwan lamang ang nakaraan, may
bagyong nagparagasa ng naipong putik na naipon sa halos araw-araw na
pagputok ng bulkang Mayon. Mailap ang Mayon, pinakaperfektong apa na
bulkan sa buong mundo. Madalang matunghayan ang kanyang buong kariktan.
Kahit maaraw ay natatakpan ng ulap ang paligid nito.
Sabi ng isang gumagawa ng outlet
ng Jollibee sa Albay, sanay na ang mga tao sa pagputok ng Mayon.
Ipinagpapatuloy ang pagkain, paglalakad, pag-inom. Kapag lumindol o
nakarinig ng pagputok, isang patlang na sandali lamang ng agam-agam,
matapos ay mapupuno ng tawanan ang mga tao at babalik sa kanilang
ginagawa.
Sa susunod na buwan pa magsisimula ang
pagbabalik sa ayos ng Busay. Sa Padang, sa kalahati pa ng taon.
Walumpu’t tatlo ang nawawala o namatay sa Padang, ayon sa sensus nitong
buwan. Marami na ang lumipat dahil kalahati ng baranggay ang tinabunan
ng pag-agos ng putik at bato.
Dalawang beses lamang ang rasyon ng
relief. Nagsisiksikan ang 17 pamilya sa loob ng isang klasrum sa
mababang paaralan na ginawang evacuation center. Binabantayan ang
mga tao ng 9th Infantry Division ng Philippine Army. Wika ng
isang sundalo, “We are working here to secure the safety and the
properties of the people.” Ano pa bang ari-arian ang natitira!
Sa araw, ginagamit na klasrum ang
tinutuluyan ng evacuees. Lumilipat sa likod ng gusali ng klasrum ang
evacuees pero hirap, lalo na kapag umuulan. Habang sila ay nababasa,
umiiyak ang mga supling. Tumitingala sila sa langit—ito o ang pagragasa?
Nananaginip si
Bobet gabi-gabi ng pagbukas niya sa bintana at rumaragasa ang putik at
bato. Maitim ang ilog sa bukana ng bahay. Tinatangay ang sumasalungat na
tao, manok, baboy at kalabaw. Naghuhimiyaw ang mga ito pero hindi kaya
ng dambuhalang tunog ng pagragasa. At araw-araw ay gumigising si Bobet
para maglakad, wala namang pinatutunguhan, pero umaasang may
matutunghayang mahalagang bagay. Bulatlat
(Batay sa ulat
ni James P. Lopez, “More than a month after typhoon Reming: Slow
Recovery for Albay Residents,” Bulatlat VI:50 (Jan. 21-26, 2007),
https://www.bulatlat.com/news/6-50/6-50-albay.htm.)
------------------------------
(Ang maikling
kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon
ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring
dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang
pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.