Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Vol. VII, No. 2      Feb 11 - 17, 2007      Quezon City, Philippines

HOME

ARCHIVE

CONTACT

RESOURCES

ABOUT BULATLAT

www.bulatlat.com

www.bulatlat.net

www.bulatlat.org

 

Google


Web Bulatlat

READER FEEDBACK

(We encourage readers to dialogue with us. Email us your letters complaints, corrections, clarifications, etc.)
 

Join Bulatlat's mailing list

 

DEMOCRATIC SPACE

(Email us your letters statements, press releases,  manifestos, etc.)

 

 

For turning the screws on hot issues, Bulatlat has been awarded the Golden Tornillo Award.

Iskandalo Cafe

 

Copyright 2004 Bulatlat
bulatlat@gmail.com

   

KULTURA

Ang Pag-unlad ng Sining ng mga Makata ay Salamin ng Karanasan ng Kanilang Audience

Ang pagiging written at spoken art ng tula ay makitid na dimension lamang ng pag-iral nito. Mas malawak ang hamon sa tula na makalampas pa sa mabusising pagkakasulat, mahusay na pagkakabigkas o kaiga-igayang pagkakatanghal, papunta sa pagtanggap ng mambabasa, na makakarinig at makakatunghay dito bilang sarili rin niyang karanasan.

NI AXEL PINPIN*
Inilathala ng Bulatlat
 

Nakaramdam ako ng konsuwelo sa sarili matapos kong maisulat ang tulang aking binigkas noong unang gabi ng aking interogasyon sa kamay ng mga di-kilalang armadong kalalakihan na kalauna’y nagpakilalang mga pulis. Ang tagal kong binabalikan sa alaala kung ano ba talaga ang binigkas ko noong gabing iyon. Hindi ito madaling gawin. Mananatiling ang mga kaharap kong nakarinig ang saksi sa orihinal na tula. Pero, sadyang napaka-relieving sa pakiramdam noong mabuo kong muli mula sa aking rekoleksyon ang tula. Humigit-kumulang. 

Ngayong nayari na, muli ay maiiwan sa mambabasa ang hatol at pagtanggap. Huhusgahan ng tagapakinig ang akdang ayaw kong angkinin, bagkus ay isang tula ng karanasan ng sinuman.

Dahil nauuna naman talaga ang karanasan. Ito ang nagluluwal ng mahusay na tula at anumang obra o likhang-sining. Kaya totoong mahirap at walang katuturan ang lumikha ng anumang tula kung nakakahon ang makata sa “standard na panitikan” na itinaktakda ng estado/lipunan. Ang buhay, mga karanasan at pakikibaka ng mamamayan ang marapat pa ring pamantayan at panuntunan ng anumang paglikhang makasining. 

Isang nagpapatuloy na karanasan ang pagsusulat.  Karanasan sa praktikang panlipunan at hindi lamang kasanayan o craft development sa workshop, training at/o pag-aaral kung paano magsusulat. Isang kabalintunaan na sa yaman ng panitikang Pilipino at istorikong pagkakahilig ng mga Pinoy sa kultura at sining ng panulaan ay nalikha ang nagbabanggaang ideya na ang panulaan ay para lamang sa mga makata, “malalalim na intelektuwal” at mag-aaral ng malikhaing pagsusulat; at di ito para sa masang tagatunghaydahil diumano’y hindi ito katanggap-tanggap sa huli (at itong masa na may appreciation pa sa panulaan ay yaong mga “baduy” at “romantiko”). 

Ang pagiging written at spoken art ng tula ay makitid na dimension lamang ng pag-iral nito. Mas malawak ang hamon sa tula na makalampas pa sa mabusising pagkakasulat, mahusay na pagkakabigkas o kaiga-igayang pagkakatanghal, papunta sa pagtanggap ng mambabasa, na makakarinig at makakatunghay dito bilang sarili rin niyang karanasan. 

Anong “madyik” meron ang “Kung Tuyo Na ang Luha Mo, Aking Bayan” ni Ka Amado V. Hernandez? Bakit ang nabanggit na akda ay inangkin ng mamamayang Pilipino (kundi man memoryado ay tiyak na batid ang mensahe) bilang sariling karanasan, samantalang ang mga premyadong tula ni Rio Alma (Virgilio S. Almario) at ng kanyang mga katotong makata ay pang-library lamang? Kapwa sila mga makatang lawreado kung tutuusin. Pero ang mga tula ni Ka Amado V. Hernandez ay inakap ng mas malawak na bilang ng mamamayan, habang ang kay Rio Alma at iba pang premyadong makata ay di na nakalampas sa matte-coated na pabalat at book-paper na pahina: tumigil na ang mga ito sa loob ng mga inaagiw na aklat, sa mga library na pinamamahayan ng gagamba, sa mga poetry reading ng kapwa rin nila intelektuwal at makatang sila-sila rin ang nagkakaintindihan, at di mawawaan ng masa. 

Iyan na rin ang magpapaliwag kung bakit imortal ang mga tula ng mga di-kilala at di-sumisikat na makata at manunulat mula sa hanay ng mga progresibo at rebolusyunaryong materyalista. Hindi sila nalulong sa teknikalidad ng ritmo at sulat, pagbigkas at pagtatanghal, ng simpleng pagpapaunlad ng “art craft.” Sinikap ng mga ito na ipayakap sa mga tagatunghay ang kanilang mga akda, o mas tamang sabihin na ibinabalik nila sa hiniraman ng karanasan ang sariling kuwento ng mga ito.

At ang ganitong pananaw sa literature ay di namimili ng panahon. 

Palasak na argumento dito sa Pilipinas noong dekada 1980: ang pagiging punk ay 99 porsiyentong attitude at 1 porsiyento lamang na porma. Pero ibang kwento na iyon. 

Ang punto: ang makata ay manunulat ng karanasan. At ang audience pa rin ang nagtatakda ng pag-iral ng anumang likhang-sining. At ang audience na binabanggit ay yaong kumakatawan sa mayorya. At hindi ito ang selective elite at/o intelektuwal. 

Tanong. Kaya ba nagsusulat ang makata ng akda ay para sa kapwa niya makata at/o manunulat? 

Kung “hindi” ang sagot ng makata sa tanong, target niya kung gayon ang mayoryang audience – at marapat na matuto ang makata mula sa kayang audience. Unang hakbang lamang ang pagkuha at paghiram ng karanasan mula sa audience at kalauna’y isusulat ang karanasang ito. Mas mahabang proseso ang susing kawing na commitment sa pakikisangkot sa karanasan ng audience upang makalikha ng akda, tula o anumang porma ng sining. Sining na kalauna’y maaaring hindi na tawaging sining, kundi isang materyal na bagay na iniluwal at bahagi ng praktikang panlipunan. 

Naalala ko ang banggit ng isang kaibigang makata na abogado rin, wika nya: “Nililikha ang sining para wasakin ang iba pang naunang likha para magluwal ng bagong sining.” Magandang pakinggan pero abstrakto ang aking pagkaunawa nang una kong marinig. Lutang ang pagtatangka ng pagtakas. 

Sabi ko, “Likhain natin ang sining at hayaang ang audience ang magwasak sa lumang karanasang pinagmulan nito. At saka pa lamang iluluwal ang bagong kaayusan na muling paghahalawan ng isang mas maunlad na sining at ito’y isang walang-katapusang pag-ikid.” Inilathala ng Bulatlat

*Si Axel Pinpin ay kabilang sa tinaguriang “Tagaytay 5” – kasama nina Riel Custodio, Aristedes Sarmiento, Enrico Ybañez, at Michael Masayes – na dinukot ng mga pulis at military noong Abril 28, 2006 sa Tagaytay City, pinaratangang mga “rebeldeng komunista” at ngayo’y halos isang taon nang nakakulong sa Camp Vicente Lim ng Philippine National Police (PNP). Naging fellow siya para sa tula ng UP National Writers Workshop noong 1999. 

 

BACK TO TOP ■  PRINTER-FRIENDLY VERSION  ■   COMMENT

 

© 2007 Bulatlat  Alipato Publications

Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.