This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VII, No. 2, Feb. 11-17, 2007
KULTURA Ang
Pag-unlad ng Sining ng mga Makata ay Salamin ng Karanasan ng Kanilang
Audience Ang
pagiging written at spoken art ng tula ay makitid na dimension
lamang ng pag-iral nito. Mas malawak ang hamon sa tula na makalampas pa sa
mabusising pagkakasulat, mahusay na pagkakabigkas o kaiga-igayang pagkakatanghal,
papunta sa pagtanggap ng mambabasa, na makakarinig at makakatunghay dito bilang
sarili rin niyang karanasan.
NI AXEL PINPIN* Nakaramdam ako ng konsuwelo
sa sarili matapos kong maisulat ang tulang aking binigkas noong unang gabi ng
aking interogasyon sa kamay ng mga di-kilalang armadong kalalakihan na kalauna’y
nagpakilalang mga pulis. Ang tagal kong binabalikan sa alaala kung ano ba talaga
ang binigkas ko noong gabing iyon. Hindi ito madaling gawin. Mananatiling ang
mga kaharap kong nakarinig ang saksi sa orihinal na tula. Pero, sadyang napaka-relieving
sa pakiramdam noong mabuo kong muli mula sa aking rekoleksyon ang tula.
Humigit-kumulang. Ngayong nayari na, muli ay
maiiwan sa mambabasa ang hatol at pagtanggap. Huhusgahan ng tagapakinig ang
akdang ayaw kong angkinin, bagkus ay isang tula ng karanasan ng sinuman.
Dahil nauuna naman talaga
ang karanasan. Ito ang nagluluwal ng mahusay na tula at anumang obra o
likhang-sining. Kaya totoong mahirap at walang katuturan ang lumikha ng anumang
tula kung nakakahon ang makata sa “standard na panitikan” na itinaktakda
ng estado/lipunan. Ang buhay, mga karanasan at pakikibaka ng mamamayan ang
marapat pa ring pamantayan at panuntunan ng anumang paglikhang makasining. Isang nagpapatuloy na
karanasan ang pagsusulat. Karanasan sa praktikang panlipunan at hindi lamang
kasanayan o craft development sa workshop, training at/o
pag-aaral kung paano magsusulat. Isang kabalintunaan na sa yaman ng panitikang
Pilipino at istorikong pagkakahilig ng mga Pinoy sa kultura at sining ng
panulaan ay nalikha ang nagbabanggaang ideya na ang panulaan ay para lamang sa
mga makata, “malalalim na intelektuwal” at mag-aaral ng malikhaing pagsusulat;
at di ito para sa masang tagatunghaydahil diumano’y hindi ito katanggap-tanggap
sa huli (at itong masa na may appreciation pa sa panulaan ay yaong mga
“baduy” at “romantiko”). Ang pagiging written
at spoken art ng tula ay makitid na dimension lamang ng pag-iral
nito. Mas malawak ang hamon sa tula na makalampas pa sa mabusising pagkakasulat,
mahusay na pagkakabigkas o kaiga-igayang pagkakatanghal, papunta sa pagtanggap
ng mambabasa, na makakarinig at makakatunghay dito bilang sarili rin niyang
karanasan. Anong “madyik” meron ang
“Kung Tuyo Na ang Luha Mo, Aking Bayan” ni Ka Amado V. Hernandez? Bakit ang
nabanggit na akda ay inangkin ng mamamayang Pilipino (kundi man memoryado ay
tiyak na batid ang mensahe) bilang sariling karanasan, samantalang ang mga
premyadong tula ni Rio Alma (Virgilio S. Almario) at ng kanyang mga katotong
makata ay pang-library lamang? Kapwa sila mga makatang lawreado kung
tutuusin. Pero ang mga tula ni Ka Amado V. Hernandez ay inakap ng mas malawak na
bilang ng mamamayan, habang ang kay Rio Alma at iba pang premyadong makata ay di
na nakalampas sa matte-coated na pabalat at book-paper na pahina:
tumigil na ang mga ito sa loob ng mga inaagiw na aklat, sa mga library na
pinamamahayan ng gagamba, sa mga poetry reading ng kapwa rin nila
intelektuwal at makatang sila-sila rin ang nagkakaintindihan, at di mawawaan ng
masa. Iyan na rin ang
magpapaliwag kung bakit imortal ang mga tula ng mga di-kilala at di-sumisikat na
makata at manunulat mula sa hanay ng mga progresibo at rebolusyunaryong
materyalista. Hindi sila nalulong sa teknikalidad ng ritmo at sulat, pagbigkas
at pagtatanghal, ng simpleng pagpapaunlad ng “art craft.” Sinikap ng mga
ito na ipayakap sa mga tagatunghay ang kanilang mga akda, o mas tamang sabihin
na ibinabalik nila sa hiniraman ng karanasan ang sariling kuwento ng mga ito. At ang ganitong pananaw sa
literature ay di namimili ng panahon. Palasak na argumento dito
sa Pilipinas noong dekada 1980: ang pagiging punk ay 99 porsiyentong
attitude at 1 porsiyento lamang na porma. Pero ibang kwento na iyon. Ang punto: ang makata ay
manunulat ng karanasan. At ang audience pa rin ang nagtatakda ng pag-iral
ng anumang likhang-sining. At ang audience na binabanggit ay yaong
kumakatawan sa mayorya. At hindi ito ang selective elite at/o
intelektuwal. Tanong. Kaya ba nagsusulat
ang makata ng akda ay para sa kapwa niya makata at/o manunulat? Kung “hindi” ang sagot ng
makata sa tanong, target niya kung gayon ang mayoryang audience – at
marapat na matuto ang makata mula sa kayang audience. Unang hakbang
lamang ang pagkuha at paghiram ng karanasan mula sa audience at kalauna’y
isusulat ang karanasang ito. Mas mahabang proseso ang susing kawing na
commitment sa pakikisangkot sa karanasan ng audience upang makalikha
ng akda, tula o anumang porma ng sining. Sining na kalauna’y maaaring hindi na
tawaging sining, kundi isang materyal na bagay na iniluwal at bahagi ng
praktikang panlipunan. Naalala ko ang banggit ng
isang kaibigang makata na abogado rin, wika nya: “Nililikha ang sining para
wasakin ang iba pang naunang likha para magluwal ng bagong sining.” Magandang
pakinggan pero abstrakto ang aking pagkaunawa nang una kong marinig. Lutang ang
pagtatangka ng pagtakas. Sabi ko, “Likhain natin ang
sining at hayaang ang audience ang magwasak sa lumang karanasang
pinagmulan nito. At saka pa lamang iluluwal ang bagong kaayusan na muling
paghahalawan ng isang mas maunlad na sining at ito’y isang walang-katapusang
pag-ikid.” Inilathala ng Bulatlat *Si Axel Pinpin ay
kabilang sa tinaguriang “Tagaytay 5” – kasama nina Riel Custodio, Aristedes
Sarmiento, Enrico Ybañez, at Michael Masayes – na dinukot ng mga pulis at
military noong Abril 28, 2006 sa Tagaytay City, pinaratangang mga “rebeldeng
komunista” at ngayo’y halos isang taon nang nakakulong sa Camp Vicente Lim ng
Philippine National Police (PNP). Naging
fellow siya para sa tula ng UP National
Writers Workshop noong 1999. © 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
Inilathala ng Bulatlat