Balita nang Nakaraang Linggo
Hindi nauubusan ng isyu ang bansang ito.
Malalim ang balon ng pandarahas at pandarambong. Mabuti na lamang at
mayroong gising – nangangampanya, tumututol, nagsasalaysay, gumugunita
at nag-aaklas – habang ang marami ay natutulog na, o ipinaghehele ng mga
jingle at indayog na “Boom Tarat Tarat” at “Itaktak Mo,” nagmo-malling
na parang zombie (gising at nakakalakad pero patay na ang utak), ng mga
pangako ng politiko habang ang mga ito ay nangungurakot at nagbebenta ng
prinsipyo ng publikong interes, ng presidenteng may monotonong tinig na
nagbabalita ng fantasya ng pag-igwas ng pambansang ekonomiya, ng
imperyalistang Amerika na nangangamkam ng likas-yaman ng ibang bansa.
NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat
Habang
nakikipagpulong ang United Nations Special Rapporteur on Extra-judicial,
Summary or Arbitrary Executions na si Phillip Allston, kasama ng mga
executive ng National Security Council, si Farly Alcantara, 22, isang
estudyanteng aktibista ng League of Filipino Students (LFS) sa Camarines
Norte State Colleges sa Daet, Camarines Norte, ay binaril sa harapan ng
kanyang eskuwelahan.
Pormal na nagbukas
ang Balikatan exercises sa Jolo, Sulo, kasama ang mga Amerikano at
Filipinong sundalo. Dinaan na din sa media blitz ng U.S. ang mga
nirehabilitate na bagong boulevard sa Jolo, mga bagong eskuwelahang
pang-Muslim, at iba pang kawanggawang sibikong proyekto. Ayon kay Carol
Araullo, tagapangulo ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan), “The nation
is in dire need of patriotic leaders who will defend the nation's
sovereignty and integrity especially at this time when the leaders of
the land commit acts of treason." Sabay pakita ng litrato ng likod ng
babaeng tinamaan ng shrapnel ng M203 sa nakaraang exercise noong
2006.
Kahit pa mayroong
siyam na screw sa kanyang kaliwang paa at tatlo sa kanyang spinal
column, ginugunita ni Carmelita Lagata, isang domestic helper sa Kuwait,
kung paano niya tiniis ang aksidente para lamang makatakas sa kanyang
malupit na empleyado. Kararating pa lamang sa Kuwait ay ipinatanggap sa
kanya ng ahensya ang bagong kontrata – mas maliit na sweldo at mas
mabigat na trabaho. Tumakas si Carmelita sa kanyang unang amo, pumunta
sa embahada at pinagpasapasahan ng mga ahensyang hindi siya binabayaran.
Masahol ang kanyang ikalawang amo, kung tratuhin siya ay parang hayop
kapag may sumpong. Sa isang amo naman, binabayaran lamang siya ng 45KWD
kada buwan at minsanan lang siya makakakain, tuwing alas-nuwebe ng gabi.
Binubuksan niya ang pinto sa kanyang kuwarto para marinig ang musmos na
kanyang inaalagaan sa kabilang kuwarto. Minsan ay nakita niya ang
kanyang among lalake na nasa may pinto at nakatitig sa kanya.
Madaling-araw na lamang siya kung matulog. Dahil sarado ang lahat ng
pinto, tumalon siya sa balkonahe. Nabali ang kanyang kaliwang paa at
likod.
Si Reyvi ay nag-aaral
ng law sa Melbourne, Australia. Si Charo ay guro na nagdesisyong
magtrabaho sa Hong Kong. Ang lalake ay aktibo sa solidarity group para
sa Pilipinas, at si Charo naman ay nagsusulat para sa Filipinong
komunidad sa pahayagan. Kinakapanayam ni Charo ang mga magulang ni Reyvi
para sa pahayagan. At nang mapunta si Reyvi sa Hong Kong, kinapanayam
din siya ni Charo. Nagkaigihan sila at nagpagpakasal. Lumipat sila sa
Melbourne. Tungkol sa kanilang pag-aasawa, ang pagsusuma nila ay,
“Dumaan kami sa butas ng karayom.”
Ang pamilya ni
Zaynab Ampatuan, deputy secretary-general ng Suara Bangsamoro, isang
party-list group ng progresibong Moro, ay ilang ulit nang lumilikas ng
tirahan dahil sa all-out war ng iba’t ibang pamahalaan. Nang ideklara ni
Estrada ang all-out war noong 2000, lumikas ang kanyang pamilya mula sa
kanilang tirahan. Nang ulitin ang deklarasyon ni Arroyo noong 2003,
natagpuan niya, kasama ng kanyang mga magulang at walong magkakapatid,
ang kanilang bagong tirahan sa isang relocation site sa Carmen, North
Cotabato. Taga-Carmen naman talaga ang kanyang pamilya, pero lumikas rin
sila noong 1970s nang terorisahin ang lugar ng vigilanteng Ilonggo,
kasama ang pagkasunog ng kanilang tirahan.
Hindi matutugunan
ng kapapasa pa lamang na Biofuels Act ang problema ng tumataas na presyo
ng langis na kontrolado ng monopolyo ng higanteng negosyo ng langis.
Tanging ang mga malalaking panginoong maylupa at burgis-kumprador tulad
ni Congressman Juan Miguel Zubiri, pangunahing awtor ng batas, ang
makikinabang dito.
Ayon kay Fernando
Bagyan, isang mananaliksik ng Alyansa ti Pesante iti Taeng Kordilyera (Apit
Tako or Alliance of Peasants in the Cordillera Homeland), malaking
problema sa unfair trade ang kinahaharap ng mga magsasaka sa Benguet
dahil sa kakulangan ng post-harvest na mekanismong tulong mula sa
pamahalaan. Ito ay bilang pagtugon sa anunsyo ni Secretary Arthur Yap
ng Departamento ng Agrikultura na magdaragdag ng 134 na bagong bagsakan
ng gulay mula sa Benguet. Dagdag pa rito, dapat matuto raw ang mga
magsasaka ng Baguio at Benguet na lumaban sa kompetisyon, o
makipagkompetisyon.
Etsetera, etsetera,
etsetera.
Araw-araw ang
balita tulad ng potensyal para sa pang-aabuso ng bagong aprobang
Anti-Terrorism Bill, isang imbitasyong mananghalian na nauwi sa tangkang
pagpaslang sa buhay ng secretary-general ng Southern Mindanao ng
Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, at aktibong pangangampanya sa Davao at
Mindanao ng party-list na Anakpawis at Gabriela. Hindi nauubusan ng isyu
ang bansang ito. Malalim ang balon ng pandarahas at pandarambong. Mabuti
na lamang at mayroong gising – nangangampanya, tumututol, nagsasalaysay,
gumugunita at nag-aaklas – habang ang marami ay natutulog na, o
ipinaghehele ng mga jingle at indayog na “Boom Tarat Tarat” at “Itaktak
Mo,” nagmo-malling na parang zombie (gising at nakakalakad pero patay na
ang utak), ng mga pangako ng politiko habang ang mga ito ay
nangungurakot at nagbebenta ng prinsipyo ng publikong interes, ng
presidenteng may monotonong tinig na nagbabalita ng fantasya ng
pag-igwas ng pambansang ekonomiya, ng imperyalistang Amerika na
nangangamkam ng likas-yaman ng ibang bansa. Bulatlat
(Halaw ang mga
balita mula sa Bulatlat VII:3 (18-24 Pebrero 2007),
https://www.bulatlat.com/)
------------------------------
(Ang maikling
kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon
ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring
dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang
pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.)
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.