This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VII, No. 4, Feb. 25-March 3, 2007
DAGLI SA KRISIS
Balita nang Nakaraang Linggo Hindi
nauubusan ng isyu ang bansang ito. Malalim ang balon ng pandarahas at
pandarambong. Mabuti na lamang at mayroong gising – nangangampanya, tumututol,
nagsasalaysay, gumugunita at nag-aaklas – habang ang marami ay natutulog na, o
ipinaghehele ng mga jingle at indayog na “Boom Tarat Tarat” at “Itaktak Mo,”
nagmo-malling na parang zombie (gising at nakakalakad pero patay na ang utak),
ng mga pangako ng politiko habang ang mga ito ay nangungurakot at nagbebenta ng
prinsipyo ng publikong interes, ng presidenteng may monotonong tinig na
nagbabalita ng fantasya ng pag-igwas ng pambansang ekonomiya, ng imperyalistang
Amerika na nangangamkam ng likas-yaman ng ibang bansa. NI
ROLAND TOLENTINO Habang nakikipagpulong ang
United Nations Special Rapporteur on Extra-judicial, Summary or Arbitrary
Executions na si Phillip Allston, kasama ng mga executive ng National Security
Council, si Farly Alcantara, 22, isang estudyanteng aktibista ng League of
Filipino Students (LFS) sa Camarines Norte State Colleges sa Daet, Camarines
Norte, ay binaril sa harapan ng kanyang eskuwelahan. Pormal na nagbukas ang
Balikatan exercises sa Jolo, Sulo, kasama ang mga Amerikano at Filipinong
sundalo. Dinaan na din sa media blitz ng U.S. ang mga nirehabilitate na bagong
boulevard sa Jolo, mga bagong eskuwelahang pang-Muslim, at iba pang kawanggawang
sibikong proyekto. Ayon kay Carol Araullo, tagapangulo ng Bayan (Bagong
Alyansang Makabayan), “The nation is in dire need of patriotic leaders who will
defend the nation's sovereignty and integrity especially at this time when the
leaders of the land commit acts of treason." Sabay pakita ng litrato ng likod ng
babaeng tinamaan ng shrapnel ng M203 sa nakaraang exercise noong
2006. Kahit pa mayroong siyam na
screw sa kanyang kaliwang paa at tatlo sa kanyang spinal column, ginugunita ni
Carmelita Lagata, isang domestic helper sa Kuwait, kung paano niya tiniis ang
aksidente para lamang makatakas sa kanyang malupit na empleyado. Kararating pa
lamang sa Kuwait ay ipinatanggap sa kanya ng ahensya ang bagong kontrata – mas
maliit na sweldo at mas mabigat na trabaho. Tumakas si Carmelita sa kanyang
unang amo, pumunta sa embahada at pinagpasapasahan ng mga ahensyang hindi siya
binabayaran. Masahol ang kanyang ikalawang amo, kung tratuhin siya ay parang
hayop kapag may sumpong. Sa isang amo naman, binabayaran lamang siya ng 45KWD
kada buwan at minsanan lang siya makakakain, tuwing alas-nuwebe ng gabi.
Binubuksan niya ang pinto sa kanyang kuwarto para marinig ang musmos na kanyang
inaalagaan sa kabilang kuwarto. Minsan ay nakita niya ang kanyang among lalake
na nasa may pinto at nakatitig sa kanya. Madaling-araw na lamang siya kung
matulog. Dahil sarado ang lahat ng pinto, tumalon siya sa balkonahe. Nabali ang
kanyang kaliwang paa at likod. Si Reyvi ay nag-aaral ng
law sa Melbourne, Australia. Si Charo ay guro na nagdesisyong magtrabaho sa Hong
Kong. Ang lalake ay aktibo sa solidarity group para sa Pilipinas, at si Charo
naman ay nagsusulat para sa Filipinong komunidad sa pahayagan. Kinakapanayam ni
Charo ang mga magulang ni Reyvi para sa pahayagan. At nang mapunta si Reyvi sa
Hong Kong, kinapanayam din siya ni Charo. Nagkaigihan sila at nagpagpakasal.
Lumipat sila sa Melbourne. Tungkol sa kanilang pag-aasawa, ang pagsusuma nila
ay, “Dumaan kami sa butas ng karayom.” Ang pamilya ni Zaynab
Ampatuan, deputy secretary-general ng Suara Bangsamoro, isang party-list group
ng progresibong Moro, ay ilang ulit nang lumilikas ng tirahan dahil sa all-out
war ng iba’t ibang pamahalaan. Nang ideklara ni Estrada ang all-out war noong
2000, lumikas ang kanyang pamilya mula sa kanilang tirahan. Nang ulitin ang
deklarasyon ni Arroyo noong 2003, natagpuan niya, kasama ng kanyang mga magulang
at walong magkakapatid, ang kanilang bagong tirahan sa isang relocation site sa
Carmen, North Cotabato. Taga-Carmen naman talaga ang kanyang pamilya, pero
lumikas rin sila noong 1970s nang terorisahin ang lugar ng vigilanteng Ilonggo,
kasama ang pagkasunog ng kanilang tirahan. Hindi matutugunan ng
kapapasa pa lamang na Biofuels Act ang problema ng tumataas na presyo ng langis
na kontrolado ng monopolyo ng higanteng negosyo ng langis. Tanging ang mga
malalaking panginoong maylupa at burgis-kumprador tulad ni Congressman Juan
Miguel Zubiri, pangunahing awtor ng batas, ang makikinabang dito.
Ayon kay Fernando Bagyan,
isang mananaliksik ng Alyansa ti Pesante iti Taeng Kordilyera (Apit Tako or
Alliance of Peasants in the Cordillera Homeland), malaking problema sa unfair
trade ang kinahaharap ng mga magsasaka sa Benguet dahil sa kakulangan ng
post-harvest na mekanismong tulong mula sa pamahalaan. Ito ay bilang pagtugon
sa anunsyo ni Secretary Arthur Yap ng Departamento ng Agrikultura na magdaragdag
ng 134 na bagong bagsakan ng gulay mula sa Benguet. Dagdag pa rito, dapat
matuto raw ang mga magsasaka ng Baguio at Benguet na lumaban sa kompetisyon, o
makipagkompetisyon. Etsetera, etsetera,
etsetera. Araw-araw ang balita tulad
ng potensyal para sa pang-aabuso ng bagong aprobang Anti-Terrorism Bill, isang
imbitasyong mananghalian na nauwi sa tangkang pagpaslang sa buhay ng
secretary-general ng Southern Mindanao ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, at
aktibong pangangampanya sa Davao at Mindanao ng party-list na Anakpawis at
Gabriela. Hindi nauubusan ng isyu ang bansang ito. Malalim ang balon ng
pandarahas at pandarambong. Mabuti na lamang at mayroong gising – nangangampanya,
tumututol, nagsasalaysay, gumugunita at nag-aaklas – habang ang marami ay
natutulog na, o ipinaghehele ng mga jingle at indayog na “Boom Tarat Tarat” at
“Itaktak Mo,” nagmo-malling na parang zombie (gising at nakakalakad pero patay
na ang utak), ng mga pangako ng politiko habang ang mga ito ay nangungurakot at
nagbebenta ng prinsipyo ng publikong interes, ng presidenteng may monotonong
tinig na nagbabalita ng fantasya ng pag-igwas ng pambansang ekonomiya, ng
imperyalistang Amerika na nangangamkam ng likas-yaman ng ibang bansa.
Bulatlat (Halaw ang mga balita mula
sa Bulatlat VII:3 (18-24 Pebrero 2007),
http://www.bulatlat.com/)
------------------------------ (Ang maikling
kolum na ito ay nasa pormang dagli, na ginamit sa mga diyaryo sa panahon
ng kolonyalismo ng US sa Pilipinas. Ang moda ng dagli ay maaaring
dedikasyon, malasanaysay o malakatha. Maaari itong magkaroon ng lamang
pulitikal na siyang magiging palagiang laman ng kolum na ito.) © 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
Bulatlat