MAIKLING KWENTO (SHORT
STORY)
Fried Chicken
Nagmamadali siyang tumalilis. Parang
nakikita na niya ang ngiti ni Totoy habang kinakain ang pinangarap na
manok na hindi binili, diyan sa may kanto.
NI NOEL SALES BARCELONA
Inilathala ng Bulatlat
Nakangiti ang estatwa ni Jollibee sa harap
ng nakasaradong pintuang salamin. Madilim sa loob ng tindahan liban sa
isang bahaging may ilaw na kinatatalungkuan ng guwardiyang nakayuko. Tulog.
“Tay, gusto ko po ng Chicken Joy,” sabi ni
Totoy, nakaupo sa isang kahon ng mansanas na walang laman sa tabi ng
basurahan. Natigil si Iking sa ginagawang pagkalkal sa basura para hanapin
ang kanilang pagkakabuhayan.
“Sige, kapag nagkapera, ibibili kita…
ayaw mo ba ‘yung nabibili na lang diyan, sa may kanto? Kahit isang pakpak
lang,” sinabi sa anak, sabay yuko muli at kalkal ng basura. Kumapit na sa
mag-ama ang amoy ng basurang mula sa iba’t ibang sulok ng kalyeng iyon sa
Maynila.
“Ayaw ko noon. Gusto ko iyong nandiyan,”
sabay nguso sa harap. Kay Jollibee.
Napabuntung-hininga siya. Tumuyag at
nilapitan ang anak. Yakap ng butuhang bisig ang yayat na katawan ng
mag-aanim na taong gulang na anak.
“Pangako, gagawa tayo ng paraan para
mapakain kita diyan. Pero dapat magtrabaho muna tayo,” sabi niya, ginugulo
ang buhok ng anak na nagsimulang kuminang ang mata dahil sa pangakong
binitawan ng minamahal na ama.
Tumalikod na siya kay Jollibee. Hinarap
ang santambak na dumi. Nakihalukay sa basurang isinuka ng naglalakihang
establisimyento sa lugar na iyon ng lungsod.
“Otsenta,” sabi ni Okoy, ang Intsik na
may-ari ng Junk Shop.
“Walang dagdag?” sabi ni Iking.
“Wala nga kuwenta ‘yan. Kita mo, kaunti
iyo uwi lata. Dapat pasalamat ka pa. Saka mula talaka aluminyo ngayon,”
sabi ni Okoy, sabay lista sa kuwaderno ang tantos ng timbang at presyo. Sa
paligid, ang basura, ginto kay Okoy kapag naibentang lahat sa tunawan ng
plastik at lata sa may Pampanga.
“Naku, anak! Kulang ang pera nating
pambili nung sinasabi mo. Puwede bang isaw na lang kay Poleng ang bilhin
natin ngayong tanghalian? Tapos kanin at maraming sabaw,” pangungumbinsi
ni Iking sa anak.
Nagmamaktol ang paslit. Sa munting dibdib,
ang sikdo ng kirot dahil sa pagpako sa ipinangako ng tuyot nang ama.
“Sabi mo… sabi mo,” maluha-luha si Totoy.
Lason sa puso ni Iking ang luhang iyon ng
anak.
“Sige, gagawa tayo nang paraan.” Aniya.
Siksikan ang tao sa overpass. Nakisiksik
si Iking. Siksik. Sa unahan, babaing nakapantalon nang hapit. Nakautlaw
ang wallet. Namumutok. Sa tantiya niya, puno iyon. Namataan niyang
nagpunta sa isang ATM outlet ang babae. Siksik. Siksik. Dinaitihan ang
babae.
Nagmamadali siyang tumalilis. Parang
nakikita na niya ang ngiti ni Totoy habang kinakain ang pinangarap na
manok na hindi binili, diyan sa may kanto.
Nakatunog ang babae, wala ang kanyang
pitaka!
“Magnanakaw!” tili ng babae. Itinuturo
siya. Alam ng babae.
Hinabol siya ng gustong sumaklolo. Kaykay
si Iking. Subalit hinanapo na siya. Matagal na siyang nanghihina. Ramdam
niyang manipis na ang kanyang baga dahil sa puyat, lamig ng gabi at amoy
ng basura.
“Hayop ka! Kawatan!” sabi ng malaking
lalaki. Sinikmuraan siya, aringking sa sakit si Iking. Sipa tadyak ang
tinanggap ng yayat na katawan. Iniabot sa babae ang nakuhang pitaka sa
kanyang bulsa.
Tadyak, suntok at kadyot. Manhid na ang
katawan ni Iking. Sa nagkukulay na dugo na niyang paningin, malinaw na
nairehistro ang nakangiting estatwa ni Jollibee. Inilathala ng Bulatlat
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.