This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VII, No. 9, April 1-7, 2007
MAIKLING KWENTO (SHORT STORY)
Fried Chicken
Nagmamadali siyang tumalilis. Parang nakikita na
niya ang ngiti ni Totoy habang kinakain ang pinangarap na manok na hindi binili,
diyan sa may kanto. NI
NOEL SALES BARCELONA
Nakangiti ang estatwa ni Jollibee sa harap ng
nakasaradong pintuang salamin. Madilim sa loob ng tindahan liban sa isang
bahaging may ilaw na kinatatalungkuan ng guwardiyang nakayuko. Tulog.
“Tay, gusto ko po ng Chicken Joy,” sabi ni Totoy,
nakaupo sa isang kahon ng mansanas na walang laman sa tabi ng basurahan. Natigil
si Iking sa ginagawang pagkalkal sa basura para hanapin ang kanilang
pagkakabuhayan.
“Sige, kapag nagkapera, ibibili kita… ayaw mo
ba ‘yung nabibili na lang diyan, sa may kanto? Kahit isang pakpak lang,” sinabi
sa anak, sabay yuko muli at kalkal ng basura. Kumapit na sa mag-ama ang amoy ng
basurang mula sa iba’t ibang sulok ng kalyeng iyon sa Maynila.
“Ayaw ko noon. Gusto ko iyong nandiyan,” sabay
nguso sa harap. Kay Jollibee.
Napabuntung-hininga siya. Tumuyag at nilapitan
ang anak. Yakap ng butuhang bisig ang yayat na katawan ng mag-aanim na taong
gulang na anak.
“Pangako, gagawa tayo ng paraan para mapakain
kita diyan. Pero dapat magtrabaho muna tayo,” sabi niya, ginugulo ang buhok ng
anak na nagsimulang kuminang ang mata dahil sa pangakong binitawan ng minamahal
na ama.
Tumalikod na siya kay Jollibee. Hinarap ang
santambak na dumi. Nakihalukay sa basurang isinuka ng naglalakihang
establisimyento sa lugar na iyon ng lungsod.
“Otsenta,” sabi ni Okoy, ang Intsik na may-ari
ng Junk Shop.
“Walang dagdag?” sabi ni Iking.
“Wala nga kuwenta ‘yan. Kita mo, kaunti iyo uwi
lata. Dapat pasalamat ka pa. Saka mula talaka aluminyo ngayon,” sabi ni Okoy,
sabay lista sa kuwaderno ang tantos ng timbang at presyo. Sa paligid, ang basura,
ginto kay Okoy kapag naibentang lahat sa tunawan ng plastik at lata sa may
Pampanga.
“Naku, anak! Kulang ang pera nating pambili nung
sinasabi mo. Puwede bang isaw na lang kay Poleng ang bilhin natin ngayong
tanghalian? Tapos kanin at maraming sabaw,” pangungumbinsi ni Iking sa anak.
Nagmamaktol ang paslit. Sa munting dibdib, ang
sikdo ng kirot dahil sa pagpako sa ipinangako ng tuyot nang ama.
“Sabi mo… sabi mo,” maluha-luha si Totoy.
Lason sa puso ni Iking ang luhang iyon ng anak.
“Sige, gagawa tayo nang paraan.” Aniya.
Siksikan ang tao sa overpass. Nakisiksik si
Iking. Siksik. Sa unahan, babaing nakapantalon nang hapit. Nakautlaw ang wallet.
Namumutok. Sa tantiya niya, puno iyon. Namataan niyang nagpunta sa isang ATM
outlet ang babae. Siksik. Siksik. Dinaitihan ang babae.
Nagmamadali siyang tumalilis. Parang nakikita na
niya ang ngiti ni Totoy habang kinakain ang pinangarap na manok na hindi binili,
diyan sa may kanto.
Nakatunog ang babae, wala ang kanyang pitaka!
“Magnanakaw!” tili ng babae. Itinuturo siya.
Alam ng babae.
Hinabol siya ng gustong sumaklolo. Kaykay si
Iking. Subalit hinanapo na siya. Matagal na siyang nanghihina. Ramdam niyang
manipis na ang kanyang baga dahil sa puyat, lamig ng gabi at amoy ng basura.
“Hayop ka! Kawatan!” sabi ng malaking lalaki.
Sinikmuraan siya, aringking sa sakit si Iking. Sipa tadyak ang tinanggap ng
yayat na katawan. Iniabot sa babae ang nakuhang pitaka sa kanyang bulsa.
Tadyak, suntok at kadyot. Manhid na ang katawan
ni Iking. Sa nagkukulay na dugo na niyang paningin, malinaw na nairehistro ang
nakangiting estatwa ni Jollibee. Inilathala ng Bulatlat © 2007 Bulatlat
■
Alipato Publications Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.
Inilathala ng Bulatlat