Published on Bulatlat (http://www.bulatlat.com)

Abutin Man Kami ng Dalawang Dantaon*

NI ALEXANDER MARTIN REMOLLINO
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 13, May 4-10, 2008

Sa ikalawang anibersaryo ng pagdukot kina Axel Pinpin, Riel Custodio, Aristides Sarmiento, Enrico Ybañez, at Michael Masayes -- ang tinaguriang "Tagaytay 5"

Nakikita namin
ang mga pampalubag-loob na nakangiti sa amin
mula sa loob ng inyong piitan:
repriherador, radyo,
kama, kalan, initan ng kape,
telebisyon, bentilador.

Ngunit hindi sa kanila nakapako ang aming paningin.
Ang tinitingnan namin
ay ang di-kailanman makikita
sa alinmang piitan:
isang bagay na batid nating kapag nawala
ay "kulay-abo ang langit," wika nga,
at kulay-byuleta ang mirasol
at kulay-uling ang mga dahon ng mga puno
at kulay-putik ang mga ulap
at ang dalawang taon ay tila dalawang dantaon.

Sa bagay na yaong inagaw sa inyo --
isang bagay na kalahati ng ating hininga --
nakapako ang aming paningin.
Kaya'y nakalaan kaming gambalain
ang katahimikan ng mga gabi at maging ng mga araw
nilang palamunin ng sambayanan na nagnakaw
ng kalahati ng inyong hininga.
Nakalaan kaming tumutol, manumbat, maningil --
abutin man kami ng dalawang dantaon --
hanggang sa lumuhod at humingi ng kapatawaran
ang mga nagnakaw ng kalahati ng inyong hininga.

28 Abril 2008

Inilathala ng Bulatlat

*Binasa sa Conspiracy Bar and Garden Café, noong Abril 29, sa gabi ng mga tula at kanta para sa pagpapalaya sa “Tagaytay 5,” na pinangunahan ng pampanulaang grupong Kilometer 64.


Source URL:
http://www.bulatlat.com/2008/05/abutin-man-kami-ng-dalawang-dantaon