NI OLIVER CARLOS
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 16, May 25-31, 2008
Nakikita ko
Ang bawat hataw ng truncheon
Sa mga katawang humahandusay –
Tumitindig
At muling humahandusay.
At sa bawat sikwat ng kalasag
Na isinusungalngal sa mga bibig
Sa ngalan ng kapayapaan;
Sa bumubulwak na dugo
Na di nanaising ipangmumog –
Bago pa ibuga sa itim na tubig na dumadaloy sa kanal,
Nararamdaman ko, unti-unting inaanod,
Inihahatid ng tubig-kanal papasok sa imburnal
Ang aking kalayaan.
Inilathala ng Bulatlat