DEMOCRATIC SPACE
Ukol sa mga Sayang na Tubo
NI JESSA MEI JAMILA
Inilathala ng Bulatlat
Gusto ko po sanang
magbigay ng aking opinyon tungol sa nakaraang usaping hinggil sa Hacienda
Luisita. Ang aming guro po sa Araling Panlipunan ay pinapanood kami ng
isang dokumentaryong talagang nagpabuhay sa nag-aalab kong dugo at
humikayat sa aking makiisa sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita.
Ang dokumentaryong
Sa Ngalan ng Tubo ay talagang nagpasiklab sa aking diwa at puso.
Ang mga magsasaka ng
Hacienda Luisita ay labis na naghirap gayong ang tanging nais nila ay
kumita para sa kanilang ikauunlad. Ang lupang pinagbubuhusan nila ng pawis
ay ipinagkakait pa sa kanila.
Kung tutuusin ay wala
nang dapat pang pag-usapan. Malinaw na dapat ay nasa kanila na ang lahat
ng karapatan sa nasabing lupa: naipanalo na nila ang kaso hinggil dito at
kitang-kitang hindi talaga tumupad sa usapan ang pamilya Cojuangco.
Kung maaalala ay
pinautang ng Bangko Sentral ang pamilya Cojuangco upang mabili ang lupa,
sa kundisyong pagkatapos ng 10 taon ay ipapamahagi na ang lupang nasabi.
Ngunit lumipas na ang napakaraming taon ay nananatili pa ring nasa kamay
ng pamilya ang Hacienda Luisita.
Hindi lang iyon,
dahil labis nilang ginamit ang ating mga kawawang magsasakang maghapong
nagbibilad sa araw upang linangin ang ating mga lupa. Higit pa riyan,
ginigipit pa ng mga ito ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapasuweldo
sa kanila ng maliit na halaga lamang.
Kaya gayon na lamang
ang hinagpis at pagmamatigas ng ating mga magsasaka lalo na nang sabihin
sa kanila na mawawalan na sila ng hanapbuhay sa kadahilanang gagamitin na
ang lupaing yaon upang maging lugar para sa pagsasaya. Ang mga kawawang
ito ay pinagtulungan ng mga pulis at militar na silang nagturo sa mga
taong ito na gumamit ng dahas. Umabot pa sa kasukdulan ang lahat nang
paputukan ng mga ito ang mga walang-labang magsasaka, bagay na naging
sanhi ng pagkamatay ng marami.
Ipinaglaban nila ang
kanilang karapatan hanggang sa huling hininga, patunay na para sa kanila
ay "tuloy ang laban."
Hindi man maibabalik
ang buhay ng mga ito, sila ay nagsilbing tagapagmulat sa mga tao
lalong-lalo na sa mga kabataang tulad ko, tungkol sa kabulukang nangyayari
sa ating bansa – na mismong ang ating mga pinuno pa ang nagkakait sa atin
ng karapatang umunlad sa ating pamumuhay.
Ano na lamang ang
haharapin nating kinabukasan kung ang ituturo nila sa mga kabataang
katulad ko ay pagiging sakim sakim o maramot sa kapwa natin Pilipino, at
palalakihin kaming hindi marunong magpahalaga sa ating mga magsasaka na
silang nagbibigay ng ating ikauunlad para sa kinabukasan?
Inilathala ng Bulatlat
Si Jessa Mei Jamila ay nasa ikaapat na taon ng mataas na paaralan sa
Arellano University, Plaridel, Bulacan
BACK TO
TOP ■
PRINTER-FRIENDLY VERSION ■
COMMENT
© 2006 Bulatlat
■
Alipato Media Center
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided
its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.