a
Paglalakad sa Commonwealth Avenue
Published on Jul 19, 2008
Last Updated on Oct 10, 2009 at 5:34 pm

ADVERTISEMENT

Ito ang front stage area ng Commonwealth. Sa malapit sa tagiliran ay mga gitna at mataas na uri ng village. Nagsisiksikan ang mga masusungit na village na hindi bukas sa publikong trafiko. Pati sa tagiliran ng Ever Gotesco ay nagtangkang magpaka-high-end.  May strip mall na mas mamahalin ang establisyimento kaysa sa loob ng mall.

Ang backstage ay ang higit na nagsisiksikang komunidad ng maralitang tagalunsod. Hindi nga ba’t ang Quezon City ang may pinakamalaking populasyon sa Metro Manila? At ito ang bulto ng kanyang populasyon.

Gayong ang mga serbisyong itinatayo ay hindi naman lubos para sa mayorya ng populasyon.  Pinakamabibilis ang sasakyan sa kalsadang ito sa labas ng expressway. Saksi ako sa isang tumatakbong pedestriano na pagkatapos makalampas sa akin at dalawa pang kotse sa hanay ay hindi na sinuwerte.

Nakita ko na lamang sa tagiliran ng aking mata na tumilapon na ito sa ere. Hindi para sa tao ang kalsada.  Kahit pa nga wala namang sistematikong lokasyon ng elevated pedestrian walk.

Tunay na nagsisiksikan, tulad sa Luzon Avenue na ginawa ko dating pang-iwas sa trafiko sa Commonwealth. Halos abot-kamay na ang mga paninda sa palengke. Parang lahat ng naglalakad sa kalsada (wala naman talagang sidewalk) ay masasagi ng sasakyan.

At ang ganito ang binubura ng MMDA at City Hall sa mismong Commonwealth. Matapos ng matagal na panahon, nawala na rin ang talipapa sa kanto ng mismong Luzon at Commonwealth. Sistematiko ba namang huliin at idemolisa ang mga pwesto, at buhusan ng gaas ang paninda?

May higanteng tarpaulin sa kahabaan ng Commonwealth. Anunsyo nang higit pang pagpapalapad ng kalsada. Nalagyan na ng bicycle at walking lanes ang sidewalks sa may UP, gayong wala pa akong nakikita na may gumagamit na nito.

Ang mga tarpaulin ay may mukha ng tila mag-asawang politiko na nagpapalapad din ng papel sa mga dumadaan sa Commonwealth. Nandoon ang close-up nina Arroyo at ni Bayani Fernando—ang arkitektura ng urban renewal sa maliit na sulok na ito ng bansa.

May Starbucks sa Convergys. May pink at blue na elevated pedestrian walk sa St. Peter’s. May U-turn slot para sa lugar na hindi naman kilala bago dumating ng Ever Gotesco na nagpapakurba ng direksyon ng pagmaneho sa kalsada.

May seksyon na nakakurdon para paradahan ng sasakyang publiko gayong, tulad ng U-turn slots, parating may marka ng malakihang bangga. Kailangan ding maging maingat sa pagmamaneho ang mga driver sa Commonwealth. May sariling buhay itong bagong mini-infrastruktura ng pag-unlad at disiplina.

Sa kahabaan ng Commonwealth ang likuan para sa Batasan Pambansa. At sa kanto ng likuang ito ang Centennial Building ng Sandiganbayan. Makalampas ang Commission on Audit. At makalampas dito, sari-saring establisyimento.

Pinakatampok rito ang Commonwealth Market na buhay pa rin ang talipapa sa mismong kalsada.  Pakanan muli sa Montalban at Rizal, at maging sa Payatas na may mga kalsadang tadtad ng kabalintunaan—Lupang Pangako, at kung maalaala ko nang tama, Bagong Herusalem.

Papalayo, ang malapit sa amin na Fairview Mall na isa ring paraiso ng jologs. Kasama sa eryang ito ang 24/7 na McDonald’s at Jollibee bilang huling 24/7 na establisyimento sa bukana ng Philcoa at kalagitnaan  ng Philcoa.

Pagkatapos ay ang mga bakanteng subdivision na pang-maykaya. Dati itong talahiban at kilala bilang tambakan ng salvaged victims. Ngayon ay dito ako bumibili ng halaman sa dami ng nagsipaglipatang negosyong ganito.

Ang dulo ng Commonwealth ay SM Fairview na tila naging bookend sa kabilang dulo sa EDSA, ang SM North. Na tunay namang I-love-SM mode dahil ito ay isa nang planadong mass rail transit line na pribatisadong inalok ng sosyohan nina Henry Sy, may-ari ng SM, sa gobyerno.

Serbisyo sa pribadong mamamayan ang alok ng kahabaan ng Commonwealth. Pagawaan ng sasakyan, talyer, eskwelahan, pagawaan ng palo-tsinang gamit sa bahay, repair shops, simbahan, palengke, mall strip, travel agent, call center, at iba pa. Ang nawawala ay ang serbisyong publiko ng pamahalaan.

Mahabang patlang din mula sa Quezon City Hall hanggang Sandiganbayan at Kongreso. Pinangupahan na ang pagdudulot ng serbisyo sa mga maliliit at higanteng pribadong negosyo.

At ito ang pang-uring tunggalian sa pang-araw-araw na buhay sa Commonwealth Avenue. Namamatay ang tumatawid sa kalsadang mamamayan. Kay tatarik ng elevated pedestrian walk para sa may edad at maysakit. Nababangga ang mga may kotseng nagmamadaling makapasok sa opisina at makauwi.

Binubura ang lahat ng bahay at maliliit na negosyo ilang metro mula sa kalsada. Pinalalaki ang kalsada para mas mabilis ang padaloy, lalo na ng pribadong sasakyan. Inaabot ng siyam-siyam ang mga nagtra-tricycle para makauwi sa makikipot at nagsisikipang kalsada sa looban.

Inaabot din ng siyam-siyam ang mga pribadong sasakyan sa pagdaan sa limpak-limpak na humps ng mga pribadong village. Tunay na marahas ang buhay sa Commonwealth. Umaabot sa pang-araw-araw na pagdesisyon kung pipiliin bang mabuhay o mamatay.

Ang pinakamalaking spectacle ng pang-uring tunggalian ay ang taunang nangyayari sa Commonwealth. Dadaan ang kongresista, foreign dignitaries at negosyante sa Commonwealth bago makarating at makinig sa mamumukadkad na kwento ng naabot na langit at bituin ni Arroyo sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

At sa labas nito, sa mismong sityo ng pang-araw-araw na pang-uring tunggalian, malamang sa harap ng Ever Gotesco, St. Peter, at Convergys, ang anti-Arroyo na SONA ng kilusang mamamayan. Umaraw o umulan, nirerehistro ang protesta sa “kwentong kutsero” (ay, anti-kutsero ito!) ni Arroyo.

Kung iisipin, hindi ba’t ang bawat kalsada—Mendiola, Ayala at iba pa—ay lunan ng kaganapan ng pang-uring tunggalian?  Kung gayon, ang bawat kanto, looban at kalsada ay kailangang maitransforma lampas sa lunan ng pang-araw-araw na pagdanas ng tungalian.

Politikal ang transformasyon hanggang ang mga kalsada, kasama ng espasyo ng kanayunan at kabundukan, ay maging espasyo ng panlipunang protesta. Na hindi na lamang ang mga ito ay kinagisnang sityo ng pamumuhay sa kontradiksyon, kundi aktibong pagprotesta laban sa mapanupil na kontradiksyon ng estado sa kabilang banda, at ng nakikibakang mamamayan sa kabilang banda.

Kanino pumapanig ang mga kalsada at lunan? Maglakad sa Hulyo 28 nang malaman. (Bulatlat.com)

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This