Ang Kolonya ni Haring Bulag

(Isang Tula Para Kina Ben Quilloy at Rita Espinosa)

Ni RENE BOY ABIVA

Nakakubli ang ‘sang madilim na daigdig—
abuhin ang ulap,nakabusal ang mga bibig,
nakagapos ang mga kamay, nakagapos pati mga pintig
ang makapal na haligi’y s’yang pandaig
sa natitirang titis ng makauring pag-ibig.

Nakanginginig ng laman ang dambuhalang pintuan
matigas na bakal hanggang sa kailaliman
habang sa itaas ay anong tatag na kinoronahan
ng talim at tulis ang tanawing handog ng kalangitan
dagling kamatayan! ito ang kapalaran!
ito ang nais ng Haring Bulag na kaganapan.

Maraming silid, silid na nanginginain
silid na yari sa bangis, sindilim at lalim ng bangin
tangis at pait, alulong ang s’yang awitin
uukilkil, guguhit sa dibdib at damdamin.

Nakaluhod, nakatanghod
umuusal ng dasal na anong lugod
kinakapa, hinihimas ang pluma at krusipihong pudpod
panlaban sa diablo na handang manugod.

Magdamag na nakamatyag ang halimaw
sukbit ang baril, nakamulagat ang matang ampaw
nakaluyloy ang dila na sing-init ng araw
maya-maya’y ngumanganga, didila at tatanaw
sa lupa at langit na unti-unting nagugunaw
abo ang humalili sa puti at bughaw
kinakatay ang buhay, anong buhay na kay panglaw
kakarampot ang hangin, anag-ag sa puso ang tanging ilaw.

Mapangahas sadya ang liwanag
tatagos at tatagos ni sa muog na matatag
baga itong papanday sa malay nang ‘di matibag
puno ng hiwaga at kay hirap mabitag
ni masilo o masima ng Haring Bulag.

Sila’y tumaya
anong tamis, anong ligaya
ang magsakripisyo, ang mamatay
sa kandungan ni Ina
sa ngalan ng inaasam na kalayaan!
sa ngalan ng inaasam na tagumpay!

Hulyo 24, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

*Binasa ng makata sa ginanap na Blindfolded: The Case of Benito Quilloy and Rita Espinoza, A
Public Forum on the Political Persecution of the Duterte Regime at ang muling lunsad-kampanya ng Free Ben and Rita sa Continuing Education Center ng Unibersidad ng Pilipinas- Los Banos, Laguna noong Setyembre 13, 2018—sa araw din ng paggunita sa mga Tulisanes at ng mga bayan sa Timog Katagalugan sa kamatayan ni Heneral Macario Sakay.

Share This Post