Ang panghagip ay pagpapaigting ng kilusang manggawang may layong unyonismo kahit pa lumalawak ang bilang ng kaswal na walang ligal na akses dito. Ibang imahinaryo para sa rekonseptwalisasyon at pagbalikwas ng kaswal.
NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Vol. VIII, No. 13, May 4-10, 2008
Sa mga party, kapag sinabing “kaswal,” malilito ang imbitado. Ang kalakarang formal sa ibang bansa ay suit-and-tie, o katumbas na jusi at pinya na barong sa atin. Pero kapag formal na okasyon, tulad ng graduation o binyag at kasal, matatagpuan pa rin, maliban sa mga magulang at may opisyal na may katungkulan sa okasyon, na naka-long at short sleeves na polo lamang ang nakararami.
Kaswal na sa ibang okasyon ay katumbas ng t-shirt at maong. May natanggap na rin akong imbitasyon na ang attire ay “summer casual” na parang gusto kong magsuot ng shorts at sando lamang. Ang mahalagang alituntunin sa kaswal na damit ay ang lugar ng okasyon, at sino ang nagspo-sponsor ng okasyon. Na kahit pa sabihing kaswal ni Jaime Zobel de Ayala ay ang tendensiya ay mag-overdress sa okasyon, at kay Mang Pandoy naman, mag-underdress.
Sa musika, ang kaswal ay parang walang ka-effort-effort na pagkanta. Ang magandang ehemplo rito ay si Ely Buendia ng dating Eraserheads. Nasal ang tono na parang madaling sundan. Pero subukan mong sundan ito sa karaoke at matutuliro ka. Tulad ng Queen, sa operatikong rendisyon ng “Bohemian Rhapsody,” tignan lang kung masusundan ang lahat ng boses sa artistikong pinagsanib sa awiting “Pare Ko” at “Huling El Bimbo.”
Kaya rin nang mapakinggan ko ang Eraserheads na live ay hirap din silang plakaduhin ang sariling recording. Sa studio-mixing at MTV lamang perfekto ang pag-awit. Sa live performance ay tila hindi aksidenteng ginogoyo at lalong sinusuntunado ng bokalista ang sariling awit. Mismong siya ay nahihirapang sundan ang ni-record na awit.
Hindi naman nagsimula sa pananamit at pag-awit ang kaswal. Ito ay paglalarawan sa isang aktityud at pananaw-buhay: keber lang, may attitude pero hindi obvious, hindi halatain ang pagiging cool, na kapag nahalata kasi ang effort, hindi na cool. Kaswal na panliligaw, kaswal na personahe sa malling, kaswal na pagtratrabaho at pagnananay, kaswal na anak.
Iba pa ang “kaswal” sa “astig.” Ang kaswal ay agarang astang walang effort para ipakita ang effort. Na kapag napansin ang effort ay hindi na kaswal, garapal na. Ang astig ay agrebisong astang cool, wala nang patumangging nagpapa-cool. Astig kapag tigasin, kaswal kapag malamya gayong ang ang after-effect ng dalawa ay “cool-ness.” Ang recording ng Eraserheads ay kaswal, ang live performance nila ay astig.
Kaya ang kaswal ay may wanna-be na aspirasyon: ang mapabilang sa nakakaangat na metapisikal (cool-ness group) at materyal (resources para maging cool) na antas. Dahil nga ang cool-ness ay binabantayan ng ekonomiko at kultural na gatekeepers—sino ang nagsasabing hip at in ang isang bagay, ano ang uso at hindi, saan dapat magpakita para maging we-belong?
Ang cool ay wala sa larangan ng politika dahil walang bagong isinasaad ang tradisyunal na politika at ang personalidad nito. Cool ngayon si Barack Obama sa kanyang kampanya bilang unang African-American na kandidato sa Democratic Party presidential nomination. Mas bawas ang coolness ni Hilary Clinton kahit pa siya ang unang babae nominado dahil hindi lamang siya nakikita bilang “appendage” ng dating asawang pangulo pero maging ng tradisyonal na politikang nirerepresenta nito.
Sa bansa, ang “Young Turks” o bagong henerasyon ng politikong nagsasaad ng kabataan at anti-establisimentong politika ay kinakasangkapan lamang ang kaswal para makamit ang mas lehitimong baitang sa pambansang politika. Silang dating anti-establisimento ay gagamitin ang bagong perspektiba para maging establisimento.
At ganito rin ang larangan sa mas angkop na usapin ng kaswal sa kultura. Tulad sa digi indie films, maraming batang direktor ang nangangarap maging mainstream, kahit pa naghihingalo ang industriya ng pelikula. Ginagawang calling card lamang ang kaswal na produkto—kasama rito ang personalidad ng kaswal na artista/henyo—para maging we-belong.
Ang mas matingkad na usapin ng kaswal ay ano ang pangunahing ekomiyang pwersang naghudyat ng ganitong paggagap sa bago at makabago, para lamang sa aspirasyong mapasama sa nakakaangat na estado ng panlipunang buhay? Paano naging katawagang “kaswal” sa kaswal na manggagawa?
Na bilang trainee—kahit pa gagap na ang trabaho sa serbisyong sektor, tulad ng fastfood at retail—ay walang kaakibat na permanenteng status ang kaswal bilang isang manggagawang gumagawa at nagpapakita sa kanyang amo? Kaswal siya na cool dahil siya ay kabataang sa unang pagkakataon ng kanyang buhay-paggawa ay nakakabili ng ilang luho sa katawan, nakakagimik, at nakakatulong sa gastusin sa bahay.








0 Comments