Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts Issue No. 26 August 11 -17, 2001 Quezon City, Philippines |
|
DEMOCRATIC
SPACE UP
General Education Movement (UP GEM) Ang
UP General Education Movement (UP
GEM) ay isang alyansa ng mga guro at estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas
na binuo noong Agosto 4, 2001 para itaguyod ang isang makabuluhang GE program. Ipinapahayag
namin ang mahigpit na pagtutol at pagbasura sa planong Revitalized General
Education Program (RGEP) ng administrasyong UP sa dalawang pangunahing dahilan. Una,
malinaw ang kawalan ng demokratikong rebyu at konsultasyon sa pagbubuo nito.
Ikalawa, naniniwala rin kaming hindi kayang tugunan ng RGEP ang pagbibigay ng
isang makabayan at makabansang edukasyon. Kapag
ipinatupad, ang RGEP ay nagbibigay diumano ng kapangyarihan sa mga estudyanteng
pumili ng mga GE sabjek na gustong kunin batay sa nakatakdang “GE Framework”
at tatlong “domains of knowledge” (Arts and Humanities, Social Sciences and
Philosophy, Natural Sciences and Mathematics) na tiglalabinlimang (15) yunit.
Subalit ano ang buting idudulot sa mga estudyante at guro ng isang
“malayang” pagpili kung nakokompromiso naman ang kalidad ng edukasyon? Dahil
hindi dumaan sa isang demokratikong rebyu at konsultasyon, ang kapakanan tuloy
ng mga estudyante at guro ay hindi naisaalang-alang. Sa halip na bigyan ng
makabayan at makabansang oryentasyon ang GE program, ang RGEP ay nagkaroon ng
pagkiling sa komersyalisasyon at ideolohiyang “free market.” Bagama’t
nakakaengganyo sa mga estudyante ang hayaan silang magtakda ng gusto nilang
kuning GE sabjek, ang ganitong kalakaran ay nagtatanggal sa pangunahing
responsibilidad ng UP na itaguyod ang isang makabuluhang edukasyon at ikintal
ang pagmamahal sa bayan. Ito
ay lalong naging totoo sa sitwasyong ang “nationalism balanced with
internationalism” ay isa lamang sa tatlong layunin sa ilalim ng GE framework
(i.e., ang dalawa pa ay “broad intellectual and cultural horizons” at
“awareness of various ways of knowing”), at ang isang GE sabjek ay kailangan
lang tuparin ang kahit dalawa sa tatlong layunin. Sa madaling salita, ang
nasyonalismo ay nagiging opsyonal na layunin. Nasaan
ngayon ang nasyonalismo sa planong RGEP? Paano naitataguyod ng RGEP ang isang
makabuluhang edukasyon sa pamamagitan ng malalimang pag-aaral sa wika, kultura
at kasaysayang Filipino? Lumalabas
na ang sinasabing “liberal education” na itinataguyod ng administrasyong UP
ay nakaangkla lamang sa pagbibigay ng limitadong kalayaan sa mga estudyante sa
pagpili ng mga sabjek, at hindi sa papel ng edukasyon sa pagpapalaya ng bayan at
panlipunang pagbabago. Tandaan
nating ang anumang rebisyon sa GE program ay kinakailangang may demokratikong
partisipasyon ng mga guro at estudyante at tumutugon sa makabayan at makabansang
layunin. Sa kontekstong ito, gusto naming iparating ang mga sumusunod na
panawagan: Tutulan
at ibasura ang planong RGEP ng administrasyong UP! Magkaroon
ng demokratikong rebyu, konsultasyon, at rebisyon sa hanay ng mga guro at
estudyante hinggil sa kasalukuyang GE program! Sa
balangkas ng isang demokratikong rebyu, nais naming idagdag ang mga sumusunod na
punto: Ilabas
ng administrasyong UP ang lahat ng mga dokumento hinggil sa RGEP at ang mga
dating katitikan ng rebyu ng GE program sa mga nakalipas na taon. Ilahad
ng administrasyong UP ang pilosopiya sa likod ng RGEP at ang konsepto nito ng
isang edukasyong may “tatak UP.” Implementasyon
ng Filipino Language Policy (FLP) sa unibersidad. Pagkakaroon
ng programa sa panlipunang integrasyon sa mga kurso at programa. Reoryentasyon
ng mga kurso at programa tungo sa makabayan at makabansang layunin. Ang mga
kurso at programa ay dapat na nakakatugon sa mga pangangailangan ng mga batayang
sektor at kondisyon ng lipunan. Sa
pamamagitan ng mga ganitong pagbabago sa GE program, maaaring maitaguyod ang
matibay na pundasyon sa mga kursong kinukuha ng mga estudyante tungo sa kritikal
na pagsusuri sa mga nangyayari sa ating lipunan. Isulong
natin ang pagkilos para sa isang makabayan at makabuluhang GE program! Para
sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang mailing list website nito
<http://groups.yahoo.com/group/up_gem/>. We want to know what you think of this article.
|