Bu-lat-lat (boo-lat-lat) verb: to search, probe, investigate, inquire; to unearth facts

Volume 3, Number 1              February 2 - 8, 2003            Quezon City, Philippines







Join the Bulatlat.com mailing list!

Powered by groups.yahoo.com

‘Filipinized’ Commentary

Filipino Should Remain the Country’s Medium of Instruction

Speaking during the 75th anniversary of Far Eastern University (FEU) in Manila last Jan. 29, President Gloria Macapagal-Arroyo directed the Department of Education (DepEd) to return English as the primary medium of instruction. As the president’s order radically departs from the current bilingual mode and violates the 1987 Constitution that promotes Filipino as the language of instruction, it is necessary to reply to this controversy...in Filipino.

By DANILO ARAÑA ARAO 
Bulatlat.com

Mahirap ipaliwanag sa isang banyagang wika ang kahalagahan ng pagtuturo nang hindi nahihirapan ang estudyante at guro, pati na rin ang kalagahan ng Filipino sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago.

Hindi na tayo kailangang maging teoretikal dahil simple lang ang argumento para sa promosyon ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo.

Ito ang wikang ginagamit natin sa araw-araw, mula sa paghingi ng baon kay nanay sa umaga hanggang sa pagdating sa bahay para lang mamaalam dahil may "mahalagang" lakad na aabutin ng hatinggabi.

Bagama't maraming nanliligaw, halimbawa, na nagpapasikat sa paramihan ng Ingles, aminin nating Filipino pa rin ang ginagamit natin para malalimang ipahayag ang ating damdamin. Sariling wika pa rin ang midyum sa mga away at lambingang nangyayari, pati na rin sa panahong kailangan nang tapusin ang relasyon sa kung anumang dahilan.

Kung babalikan natin ang sitwasyon sa klasrum, mahirap para sa guro at estudyante na gumamit ng banyagang wika sa paglalahad ng karanasan at mga kongkretong halimbawa kaugnay ng mga teoryang tinatalakay. Kailangan ang isang midyum na komportable ang lahat para maging maayos ang komunikasyon at hindi mahihiya ang bawat isa na baka pagtatawanan ang baluktot na paggamit ng Ingles.

Sa pamamagitan din ng sariling wika naikikintal ang kahalagahan ng ating kasaysayan at kultura. Alam naman nating hindi hiwalay ang wika sa pagkabuo ng nasyonalismo sa anumang bansa. Wika ang susing salik sa pagkakaisa ng mamamayan.

Siyempre, pinapalakas ng pagkakaisang ito ang isang dominanteng ideolohiya, na ating natutunan pa rin sa pamamagitan ng sariling wika.

Sa madaling salita, mahalaga ang Filipino sa promosyon ng nasyonalismo, partikular ang pagkakaisa ng mamamayan. Ang anumang hakbang para unti-unting tanggalin ang paggamit ng sariling wika sa klasrum ay dapat suriin sa konteksto ng mga ganansya bunga ng unti-unting paglaho ng nasyonalismo sa ating kabataan.

Ganansya ng pagiging maamo

Ang layuning gawing Ingles ang midyum ng pagtuturo ay hindi hiwalay sa pagtingin ng mga naghaharing-uri sa edukasyon ng ating bansa.

Maraming ebidensyang nagpapakitang hindi prayoridad ng pamahalaan ang edukasyon, batay sa napakaliit na alokasyon nito sa pambansang badyet. Kasama na rin dito ang promosyon ng pribatisasyon at komersyalisasyon sa mga pampublikong paaralan, partikular sa mga kolehiyo at unibersidad. Ang simpleng pagbabasa lang ng "Medium-Term Higher Education Development and Investment Plan 2001-2004" (na nakasulat sa wikang Ingles) ay magpapatunay sa mga argumentong ito.

Pero ang hindi pagbibigay ng sapat na badyet sa edukasyon ay hindi nangangahulugang ang importansya nito ay naisasantabi ng mga nasa kapangyarihan. Sa mga paaralan nagmumula ang karamihan sa mga manggagawa, at ang impluwensya ng kanilang natutunan ay maghuhubog sa kanilang kaisipan sa hinaharap.

Ang pagtuturo sa pamamagitan ng wikang Ingles ay lalong magtutulak sa mga estudyanteng tumingin sa labas ng bansa para magkaroon ng pag-unlad -- na, sa pagkakataong ito, ay sa antas personal na lamang at hindi na iniisip kung ano ang makabubuti sa bayan. Ang nagiging prayoridad sa komunikasyon ay ang maintindihan ng dayuhan sa halip na epektibong makipagtalastasan sa kapwa.

Malinaw sa puntong ito ang kaugnayan din ng paggamit ng Ingles sa promosyon ng isang ekonomiyang perpetwal na umaasa sa mga dayuhan sa porma ng ayuda, utang at pamumuhunan.

Malaki rin ang impluwensya ng Ingles sa indibidwalismo ng kabataan ngayon, laluna't kung susuriin ang mga elemento ng kulturang Amerikano sa ating bansa.

Bukod sa pagkahumaling sa dayuhang pelikula, musika, pananamit at iba pang materyal na bagay, ang pag-iisip sa ikabubuti ng sarili ang siyang nakakapangibabaw, at minsan pa nga'y matatawag na "cool" ang isang grupo kung sila lang ang nagkakaintindihan ng (kolokyal na) wikang ginagamit nila. Dito makikita ang unti-unting pagkawala ng pagkakaisa at pagkakaroon ng pambansang identidad.

Masama itong pangitain para sa karamihan, pero katanggap-tanggap ang ganitong kaayusan sa isang pamahalaang nagnanais ng isang bansang "world-class" kahit na ito ay nangangahulugan ng pagbebenta sa sarili nitong manggagawa.

Totoong may mga kahinaan sa sistema ng edukasyon sa ating bansa, pero ang promosyon ng Ingles ay magpapalala lang ng mga problemang ito. Marapat lang na suriin sa puntong ito kung para saan at para kanino ba ang sistema ng edukasyon sa ating bansa.

Indeed, it is so convenient for the powers-that-be to propose policies that reverse the nationalist aspirations of our ancestors and push the citizens further to the quicksand of globalization. No amount of rhetoric can justify their promotion of the English language that continues to pedagogically subjugate the people.

And now that the threat has been exposed, expect the nationalist resistance to be forthcoming. Bulatlat.com


We want to know what you think of this article.