This story
was taken from Bulatlat, the Philippines's alternative weekly
newsmagazine (www.bulatlat.com, www.bulatlat.net, www.bulatlat.org).
Vol. VI, No. 18, June 11-17, 2006
TULA (POETRY)
NI ROMMEL PIPOY LINATOC
“Anak ng pungapong” ang madalas mong sambitin
Sa katuwaan, sa pagkalimot, at pagkakamali.
Ugat sa iyong binti, minsan kong binati
Magiliw kang tumugon kasabay ang pag-ngiti.
Sulat kamay mo ay mahirap basahin
Ngunit naglalaman ng dalisay na hain
Kapag ikaw ay nangungusap, mga mata mo’y kumiskislap
Bawat diin ng iyong tinig, balaraw ang tumbas na titik.
Lalim ng iyong hininga, katumbas ay matibay na pasya
Paglingkuran ang sambayanan , hindi ang iilan
Isa ka sa tumugon sa tawag ng pangangailangan
Di inalintana ang sariling kapakanan.
Mga buwitreng hayok sa dugo at laman
Nagpiyestang nagpaulan ng bala ng kasakiman.
Basyo ng bala, ginawang pantasya
Naghuhugas-kamay ang gobyernong Glorya
Ulol na ulol ang mga pasista
Sa pagsunod sa ulupong ganid at mapagsamantala
Ang damong pungapong ay masangsang ang amoy
Tulad ng Malacañang, nabubulok ang kalamnan.
Para sa iyo Kuya Noli, isang taas-kamao!
Sa mabuway naming pananaw, ikaw ay aming tanglaw.
Mga taong iyong pinaglingkuran, hindi namin tatalikuran.
Sariling tintangkilik, aming ilalaan para sa bayan
Matuwid na pasya ay aming tataglayin.
Ang diwa ng kalayaan ganap na pag-aalabin.
Mga pungapong ay aming gagapasin
Gagawing pataba ng lupang maasim.
Walang humpay, patuloy kaming sisikhay
Mga anak ng pungapong ay aming uusigin.
Rommel Pipoy Linatoc- University of Winchester (Migrante-UK)
Inilathala ng Bulatlat
© 2006 Bulatlat ■ Alipato Publications
Permission is granted to reprint or redistribute this article, provided its author/s and Bulatlat are properly credited and notified.